Ayon sa Focus |
Hinahangad ng Pilipinas na palawakin ang alyansang "Squad" sa pagsama ng India at South Korea bilang bahagi ng hakbanging patatagin ang seguridad sa rehiyon sa gitna ng lumalalang tensyon sa China, ayon sa mga opisyal.
Sinisikap ng Pilipinas na palawakin ang di-pormal na alyansa, sabi ni Gen. Romeo S. Brawner, chief of staff ng militar ng Pilipinas, noong Marso 19 sa isang panel discussion sa Raisina Dialogue security forum sa New Delhi.
Ang Squad, na itinatag noong Mayo, ay binubuo ng United States, Australia, Japan, at Pilipinas. Kahit di-pormal, ang alyansa ay nagsagawa ng mga magkasanib na maritime patrol at pagsasanay militar sa eksklusibong economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa South China Sea.
May "karaniwang kaaway" ang Maynila at India, pahayag ni Brawner sa forum.

"Hindi ako natatakot sabihin na ang China ang ating karaniwang kaaway. Kaya, mahalagang magtulungan tayo, marahil magpalitan ng impormasyon," aniya, ayon sa Reuters.
Sa kanyang pagbisita, nakipag-usap si Brawner kay Indian Chief of Defense Staff General Anil Chauhan upang siyasatin ang pakikilahok ng India sa alyansa.
Muling pinagtibay ng dalawang lider ang kanilang pangako na palalimin ang pakikipag-ugnayan, kabilang ang magkasanib na pagsasanay, pagpapahusay ng kakayahan, at estratehikong kolaborasyon sa Indo-Pacific.
Lumalalang sagupaan
Ang panawagan ni Brawner para sa isang pinalawak na alyansa ay dumating sa gitna ng tumitinding sagupaan sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at China sa South China Sea.
Paulit-ulit nang kinondena ng Maynila ang mga taktikang "gray zone" ng China, kabilang ang paglikha ng mga militarisadong artipisyal na isla at paggamit ng mga maritime militia upang igiit ang kontrol sa teritoryo.
Sa kanyang pahayag sa New Delhi, binanggit ni Brawner ang pagtatayo ng China ng tatlong artipisyal na isla na may air defense at missile systems, at nagbabala na "kukunin nila ang buong kontrol sa South China Sea," ayon sa Economic Times ng India..
Samantala, sinabi ng mga tagapagsuri ng Australia sa Raisina Dialogue 2025 na ang mga naval drill ng China malapit sa baybayin ng Australia noong Pebrero ay isang babala at isang "mapanindak na hudyat" para sa bansa, na nagbibigay-diin sa pangangailangan ng pagkakaisa sa rehiyon laban sa pagiging agresibo ng Beijing, ayon sa FirstPost.com.
"Kailangan nating tiyakin na ang darating sa hinaharap na aktibidad ng militar ng China sa ating rehiyon ay hindi maaring buhayin sa mga paraang nagbabanta sa atin," sabi ni Rory Medcalf, pinuno ng National Security College sa Australian National University.
Ang hamong ito ay nagmamarka sa panimula ng isang "napakahabang laro" para sa seguridad ng rehiyon, aniya.
Ang mga pwersa ng China sa Indo-Pacific ay patuloy na hinahamon ang seguridad ng rehiyon. Ang coast guard at maritime militia ng Beijing ay madalas nagharas ng mga barko ng Pilipinas, kabilang na ang mga insidenteng may kinalaman sa mga water cannon at mga agresibong maniobra.
Ang magkasanib na pagpapatrol at pagsasanay ng Squad ay nagsilbing mahalagang panangga laban sa mga aksyong ito.
Ang pagpapalawak ng Squad ay naaayon sa mas malawak na kalakaran ng flexible security groupings na naglalayong kontrahin ang impluwensya ng China sa rehiyon.
Ugnayang Seoul-Beijing
Ang paraang ito ay sumasalamin sa iba pang kolaborasyon tulad ng Quadrilateral Security Dialogue (Quad) na kinabibilangan ng Australia, India, Japan, at United States, pati na rin ang AUKUS na pakikipag-alyansa sa pagitan ng Australia, United Kingdom, at United States.
Bagama't ang India ay mukhang bukas sa ideya, ang South Korea ay hindi tiyak ang pakikilahok . Ang mahalagang ugnayang pang-ekonomiya ng Seoul sa Beijing ay maaaring magdulot ng pag-iingat, ayon sa dating pahayag ng mga analyst.
Ang mga estratehikong kalkulasyon ng South Korea ay kadalasang nangangailangan na balansehin ang alyansa nito sa United States at ang matatag na ugnayan sa China, ayon sa ulat ng Diplomat noong Marso.
Ang China ay gumagamit ng parehong estratehiya na ginamit nito sa South China Sea sa South Korea. Noong Pebrero 26, hinarang ng China ang imbestigasyon ng South Korea sa mga mobile na istrukturang bakal sa pinag-tatalunang Provisional Measures Zone (PMZ) ng Yellow Sea, na humantong sa alitan ng coast guard. Sa huli, umatras ang South Korea nang hindi nasusuri ang mga istruktura.
Ang PMZ ay sumasaklaw sa EEZ ng parehong bansa, na nagpapahintulot sa magkasanib na pangingisda ngunit ipinagbabawal ang ibang mga aktibidad. Lumitaw ang mga alalahanin na ang mga itinayong istruktura ng China ay maaaring isang pagtatangka na igiit ang soberanya.
Ang estratehiyang gray zone ng China ay para unti-unting ipilit sa target na estado na tanggapin ang bagong kaayusan sa lugar.
"Kaya naman, sinisikap naming ipaalam sa buong mundo ang tungkol sa mga nangyayari, at umaasa kaming magkaisa ang mga bansa upang kondenahin ang mga aksyon ng China," sinabi ni Brawner sa Indian media na NewsX habang nasa Raisina Dialogue security forum.
Sa pagsisikap na maisama ang India at South Korea, ang Pilipinas ay naglalayon na bumuo ng isang mas matibay na koalisyon na kayang palakasin ang katatagan at pigilan ang agresyon sa South China Sea.
Kung pormal mang lalahok ang dalawang bansang ito sa Squad ay mananatiling hindi pa tiyak, pero ipinapakita ng masigasig na paninindigan ng Maynila ang determinasyon nitong tiyakin ang panrehiyong seguridad sa pamamagitan ng pinalawak na pakikipag-alyansa.