Diplomasya

Drone diplomacy ng Japan: Gagamitin sa pagbuo ng mga alyansa at sa pagputol ng ugnayan nito sa China

Binibigyan ng Japan ng mga hindi panlabang drone ang mga papaunlad na bansa, na nagpapalakas sa kanilang mga alyansa at kooperasyong militar sa mga katuwang nilang may kaparehong pananaw.

Noong Mayo, nagbigay ng pagsasanay ang Japan sa mga militar ng Malaysia kung paano gamitin at panatiliing nasa maayos na kondisyon ang mga drone na ibinigay sa pamamagitan ng Official Security Assistance program ng Japan. [Japanese Foreign Affairs Ministry Security Cooperation Division/Facebook]
Noong Mayo, nagbigay ng pagsasanay ang Japan sa mga militar ng Malaysia kung paano gamitin at panatiliing nasa maayos na kondisyon ang mga drone na ibinigay sa pamamagitan ng Official Security Assistance program ng Japan. [Japanese Foreign Affairs Ministry Security Cooperation Division/Facebook]

Ayon kay Wu Qiaoxi |

Sa pagtaas ng pandaigdigang pangangailangan para sa mga drone, ginagamit ng Japan ang diplomatikong tulong upang palakasin ang puwesto nito sa industriya.

Ang Official Security Assistance (OSA) na programa ng Japan ay nagbibigay ng mga libreng drone na may maliliit at katamtamang laki sa mga kaalyadong bansa para sa mga misyon gaya ng pagbabantay sa karagatan at lohistika sa panahon ng sakuna, iniulat ng Nikkei noong Agosto.

Bagama’t libre ang mga una nilang ipinadala, ang pangmatagalang layunin ng Japan ay humikayat ng mga potensyal na mamimili at isulong ang pagbebenta sa mga bansang nag-aalinlangan dahil sa mga alalahanin ukol sa cybersecurity ng mga kagamitang gawa sa China.

Batay sa impormasyong ibinahagi ng mga pribadong kumpanya, naglabas ang Tokyo ng isang katalogo na may humigit-kumulang 20 na modelo ng mga drone. Kabilang rito ang SOTEN small drone ng ACSL, ang PD6B-Type3 large logistics drone ng Prodrone, at ang Terra Dolphin 4300 fixed-wing drone ng Terra Labo. Ayon sa mga opisyal, malakas sa merkado ang mga drone ng Japan dahil sa kanilang makabagong teknolohiya.

(Mula sa kaliwa patungong kanan) Ang mga foreign minister na sina Maris Sangiampongsa (Thailand), Bui Thanh Son (Vietnam), Takeshi Iwaya (Japan), Vivian Balakrishnan (Singapore) at Theresa Lazaro (Pilipinas) sa ASEAN Post-Ministerial Conference noong ika-58 na pagpupulong ng mga ASEAN Foreign Minister sa Kuala Lumpur noong Hulyo 10. [Vincent Thian/Pool/AFP]
(Mula sa kaliwa patungong kanan) Ang mga foreign minister na sina Maris Sangiampongsa (Thailand), Bui Thanh Son (Vietnam), Takeshi Iwaya (Japan), Vivian Balakrishnan (Singapore) at Theresa Lazaro (Pilipinas) sa ASEAN Post-Ministerial Conference noong ika-58 na pagpupulong ng mga ASEAN Foreign Minister sa Kuala Lumpur noong Hulyo 10. [Vincent Thian/Pool/AFP]

Inilunsad noong 2023, ang OSA program ay naiiba sa karaniwang tulong pangkaunlaran at tahasang naglalayong kontrahin ang tumitinding presensya ng militar ng China sa rehiyon.

Ayon sa pahayag ng Japanese Foreign Ministry sa OSA page, layunin ng OSA "na pigilan ang pagtatangka ng isang panig na baguhin ang kasalukuyang kalagayan gamit ang puwersa, tiyakin ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon ng Indo-Pacific, at lumikha ng isang kanais-nais na kapaligirang panseguridad para sa Japan." Nais din ng OSA na makapagbigay ng mga kagamitan at iba pang materyal na suporta sa mga bansang "may kaparehong pananaw na palakasin ang kanilang mga kakayahan sa seguridad at pagpigil sa mga pagsalakay."

Pagtulong sa walong bansa

Sa pamamagitan ng OSA, plano ng Japan na magbigay ng mga kagamitan para sa depensa, kabilang ang mga drone, sa walong bansa sa taong 2025. Kabilang sa mga tatanggap na bansa ang Thailand, Tonga, East Timor, Indonesia, Malaysia, Papua New Guinea, Pilipinas, at Sri Lanka, iniulat ng Kyodo News noong Hunyo.

Ayon sa Foreign Ministry, bahagi ito ng unti-unting pagdagdag ng mga kasaling bansa sa programa, "upang makatulong sa pagpapanatili ng katatagan sa Indo-Pacific," ayon sa ulat ng Japan Times noong Hunyo.

Magpapadala ang Japan ng 14 na drone, na gawa sa kanilang bansa, sa Malaysia bago ang ASEAN summit ngayong taong ito. Noong Mayo ay inimbitahan ng Japan ang militar ng Malaysia sa isang linggong pagsasanay upang matiyak na magagamit at mapapanatili nilang maayos ang mga kagamitan.

Pakikipagtulungan sa Taiwan

May kontribusyon din ang Taiwan sa pagsisikap na mapalakas ang seguridad sa rehiyon.

Nakikipagtulungan ang Taiwan Excellence Drone International Business Opportunities Alliance (TEDIBOA) sa mga kumpanya ng Japan upang palawakin ang kanilang operasyon sa pandaigdigang merkado at magtatag ng supply chain na hindi nakaasa sa China. Sa isang panayam sa Nikkei noong Hulyo, sinabi ni Chuang Hsiu-mei, bise presidente ng Taiwan Aerospace Industrial Development Corp. at CEO ng TEDIBOA, na maaring magdulot ng panganib sa cybersecurity ang paggamit ng mga drone na gawa sa China.

"Nagsisimula nang magkaroon ng nagkakasundong pag-unawa ang mundo" sa pagbuo ng mga sistema ng produksyon sa labas ng China, ayon sa kanya.

Nahaharap pa rin ang Japan sa isang malaking problema sa pagtatayo ng sariling industriya ng drone: ang pangingibabaw ng China sa paggawa ng mga drone at ng mga bahagi nito. Ayon sa ulat ng Berg Insight noong Abril, kontrolado ng kumpanyang Chinese na DJI ang humigit-kumulang 70% ng pandaigdigang merkado noong 2024.

Ang mga paghihigpit ng China sa pagluwas ng mga bahagi ng drone, na ipinatupad ngayong taon, na diumano’y para sa pambansang seguridad, ay nagpakita ng kahinaan ng kasalukuyang mga supply chain.

Malaking paggasta

Kasabay nito, bumabaling ang Japan sa pagbili sa mga dayuhan upang mabilis na punan ang kanilang mga kakulangan. Para sa fiscal year 2025, naglaan ang Tokyo ng 41.5 bilyong JPY ($281.4 milyon) para sa mga MQ-9B Sea Guardian drone na gawa sa US.

Plano ng Japan na gumastos ng higit sa 100 bilyong JPY ($678 milyon) sa fiscal year 2026 para bumili ng karagdagang mga drone, iniulat ng Mainichi noong Agosto. Ang kanilang estratehiya sa pagbili ay ang "pagpapahalaga sa dami kaysa kalidad," na maaaring maging dahilan ng pagbibigay ng prayoridad sa Bayraktar TB2 ng Türkiye, isang modelo na napatunayang epektibo sa digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon sa ulat, pinag-aaralan ng Japan ang posibilidad na gamitin ang TB2 at Israeli Heron MK II na mga drone sa isang hybrid fleet, dahil akma sa isa't isa ang kanilang mga lakas.

Kumakalat ngayon online ang mga larawan ng isang Heron na may logo ng Kawasaki Heavy Industries, habang isinasagawa ang mga test flight sa Shirahama Airport.

Dahil sa tumitinding pandaigdigang pangangailangan, inaasahang aabot sa 498.7 bilyong JPY ($3.4 bilyon) ang kita ng industriya ng drone ng Japan sa fiscal year 2025 at lalampas sa 1 trilyong JPY ($6.8 bilyon) pagsapit ng 2030—dodoble sa loob lamang ng limang taon.

Ang diplomasya ng Japan gamit ang drone ay nagsisilbi sa mga layunin para sa seguridad at ekonomiya. Nais ng Tokyo na lumikha ng mas makabubuting kapaligiran sa Indo-Pacific. Nakabatay ang tagumpay ng estratehiyang ito sa kakayahan ng Japan na bawasan ang pag-asa nito sa China, at makakuha ng matibay na posisyon sa pandaigdigang merkado ng drone.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *