Seguridad

Mga Chinese water cannon sumira ng barko ng Pilipinas, nakasugat ng tripulante sa S. China Sea

Tinanggihan ng Maynila ang mga paratang ng Beijing, at binanggit ang footage ng walang humpay na pambobomba ng water cannon na nagpabaldado sa barko ng fisheries bureau at pinalibutan ng mga barko ng China.

Sa footage na inilabas ng Philippine Coast Guard (PCG), makikita ang pag-atake ng water cannon ng CCG sa engkwentro sa barko ng Philippine fisheries bureau malapit sa pinagtatalunang shoal sa South China Sea. [PCG/AFP]

Ayon kay Robert Stanley |

Isang barko ng Philippine fisheries bureau ang nagtamo ng pinsala habang nasaktan naman ang isang tripulante noong Setyembre 16 matapos itong paputukan ng mga water cannon ng dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) malapit sa pinagtatalunang Scarborough Shoal, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG). Ang barko, ang BRP Datu Gumbay Piang, ay bahagi ng isang misyon ng pamahalaan upang eskortahan ang mahigit sa 40 na bangkang pangingisda sa lugar.

Ang shoal ay tinatawag rin na Bajo de Masinloc.

Sinabi ng tagapagsalita ng CCG na si Gan Yu sa Reuters na "ilegal na pumasok" ang 10 barko ng pamahalaan ng Pilipinas sa "teritoryal na tubig ng China... mula sa iba't ibang direksyon," at inakusahan niya ang barko ng fisheries bureau ng sadyang pagbangga sa isang Chinese cutter.

Tinanggihan ng mga opisyal ng Pilipinas ang pahayag. Ang Scarborough Shoal ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa at ang operasyon ay makatao, na tumutulong sa mga lokal na mangingisda..

Makikita sa larawan mula sa China Coast Guard (CCG) ang isang barko ng Pilipinas na pinatatamaan ng water cannon ng isang barkong Chinese. Ayon sa teksto ng CCG, sadyang binangga raw ng sasakyan ng Pilipinas ang kanilang barko, ngunit sinabi ng Maynila na naparalisa ang barko nito dahil sa pambobomba ng water cannon, dahilan para hindi na maiwasan ang banggaan. [CCG/AFP]
Makikita sa larawan mula sa China Coast Guard (CCG) ang isang barko ng Pilipinas na pinatatamaan ng water cannon ng isang barkong Chinese. Ayon sa teksto ng CCG, sadyang binangga raw ng sasakyan ng Pilipinas ang kanilang barko, ngunit sinabi ng Maynila na naparalisa ang barko nito dahil sa pambobomba ng water cannon, dahilan para hindi na maiwasan ang banggaan. [CCG/AFP]
Makikita ang pinsala sa isang barko ng Philippine fisheries bureau matapos itong bombahin ng water cannon ng dalawang barko ng CCG malapit sa Scarborough Shoal noong Setyembre 16. [Philippine Coast Guard]
Makikita ang pinsala sa isang barko ng Philippine fisheries bureau matapos itong bombahin ng water cannon ng dalawang barko ng CCG malapit sa Scarborough Shoal noong Setyembre 16. [Philippine Coast Guard]
Ipinapakita sa mga larawan ang pinsala sa isang barko ng fisheries bureau (kanan) at ang nasaktan na Pilipinong tripulante (kaliwa) matapos magpasabog ang dalawang barko ng CCG ng mga water cannon sa barko malapit sa Scarborough Shoal sa South China Sea noong Setyembre 16. [Philippine Coast Guard]
Ipinapakita sa mga larawan ang pinsala sa isang barko ng fisheries bureau (kanan) at ang nasaktan na Pilipinong tripulante (kaliwa) matapos magpasabog ang dalawang barko ng CCG ng mga water cannon sa barko malapit sa Scarborough Shoal sa South China Sea noong Setyembre 16. [Philippine Coast Guard]

Pinabulaanan ng Pilipinas ang 'ebidensyang' video ng China

Naglabas ang CCG ng mga 40 segundo ng footage, kung saan itinatampok ang mga babala nito sa radyo at ang sandaling naggitgitan ang mga barko.

Bilang tugon, naglabas ang Maynila ng halos dalawang minutong video ng walang tigil na atake ng water cannon, ang malabong natatanaw mula sa tulay ng barko, at ang pagkakaipit ng mga barko ng Pilipinas sa magkabilang panig. Ang mga bugso ng tubig ay maaaring nagtulak sa mas maliit na barko na lumihis mula sa kurso nito, kung kaya’t hindi maiiwasan ang pagkabangga, sinabi ng mga opisyal.

Ang video ng Pilipinas ay nagsisimula sa mga malalakas na bugso ng tubig na tumatama sa mga bintana ng tulay ng Datu Gumbay Piang, na tinatakpan ang paningin ng helmsman.. Matapos ang paulit-ulit na pagbomba, tila nawalan ng kuryente ang barko at lumihis patungo sa barko ng CCG na tumawid sa harap nito.

Ilang sandali lang ay nagkagasgasan ang dalawang barko. Ang susunod na bahagi ng video ay nagpakita ng isang tripulanteng nagkaroon ng hiwa sa kanyang tainga mula sa mga nagliliparang bubog, na sinundan ng mga eksenang basag na bintana at pagbaha sa loob ng cabin.

"Itong agresibong aksiyon ay tumagal ng halos 29 na minuto, at nagdulot ng malaking pinsala" sa istruktura ng barko, ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng West Philippine Sea Transparency Group ng PCG.

Isang tripulante ng barko ng Pilipinas ang nasugatan ng bubog, sinabi niya.

Matapos ang water cannon attack, hindi na gumana ang mga electrical system at ang maraming air-conditioning unit ng barko, at binaha rin ang kabina, sinabi ng PCG.

"Ang paggamit ng mga water cannon upang salakayin ang isang nakahimpil na barko ng BFAR [Bureau of Fisheries and Aquatic Resources], na sinamahan pa ng mga banta ng pagsasanay na gagamit ng mga tunay na bala, ay maituturing na panliligalig at labag sa batas sa ilalim ng ating mga karapatan sa [EEZ]," sinabi ni Tarriela.

Tinawag ng Philippine Maritime Council ang paglalahad ng Beijing sa mga pangyayari bilang "isa na namang kaso ng pagkakalat ng China ng maling impormasyon at propaganda."

Mas marami at mas armado ang kalaban

Ang insidente ay nagbigay-diin sa hindi pantay na kapangyarihan sa karagatan.

Siyam na CCG cutter, limang People's Liberation Army Navy na warship, at hindi bababa sa apat na Chinese maritime militia vessel ang naroon malapit sa shoal, na kinompronta ang isang flotilla ng Pilipinas na binubuo ng 10 barkong BFAR, dalawang mga Coast Guard cutter, at isang civilian supply ship, iniulat ng Manila.

Kinondena ni Philippine National Security Adviser Eduardo Año ang paglala ng sitwasyon. "Ito ang unang beses na ginawa ng PRC [People's Republic of China] ang ganitong panlilinlang... at nagdudulot ito ng malaking panganib at peligro sa buhay ng ating mga mangingisda at barko ng BFAR," sinabi ni Año.

Ang patuloy na pagbabanta ng live-fire ay maaaring magdulot ng pagkawala ng buhay, ayon kay Año.

"Hindi tayo magpapaikot sa kanilang naratibo.. Ito ang gusto nila, na mag-overreact tayo, at pagkatapos ay mapangangatuwiranan nila ang paggamit ng kanilang People's Liberation Army."

Hindi aatras ang Maynila

Hindi natinag ng insidente,, nanindigan ang PCG at BFAR na patuloy nilang susuportahan ang mga komunidad ng mangingisda at poprotektahan ang mga karapatan ng bansa sa karagatan ng West Philippine Sea.

Nangyari ang komprontasyon isang linggo matapos ianunsiyo ng Beijing ang mga plano nito na gawing "national nature reserve" ang Scarborough Shoal," na ayon sa mga opisyales ng Pilipinas ay naglalayong angkinin ang soberanya sa Scarborough at hadlangan ang pangingisda ng mga Pilipino.

Noong Setyembre 16, isang barkong pandigma ng hukbong-dagat ng China ang nag-broadcast ng paunawa ng mga live-fire exercise sa parehong lugar, kahit na walang mga drills na naganap. Ang anunsyo ay lumilitaw na nilayon lamang na takutin ang mga mangingisdang Pilipino nagtatrabaho sa malapit, ani Tarriela.

Ang Scarborough Shoal ay matagal ng isang flashpoint sa South China Sea. Inagaw ng China ang kontrol sa lugar noong 2012 pagkatapos ng matagal na standoff, ngunit tinanggihan ng 2016 tribunal ruling ng The Hague ang mga pag-aangkin ng Beijing at pinagtibay ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino na mangisda sa tradisyunal na lugar ng bahura.

Tinanggihan ng China na kilalanin ang hatol.

Kinokondena ng United States, European Union, Japan, Canada, Australia, New Zealand at ng United Kingdom ang pinakahuling agresibong pagkilos ng China laban sa Pilipinas.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *