Ayon sa Focus at AFP |
Sinabi ng Taiwan na namataan nito ang anim na Chinese balloon malapit sa isla habang patuloy na pinatitindi ng Beijing ang military pressure at iginigiit ang pag-angkin nito sa teritoryo.
Sinabi ng Ministry of Defense ng Taiwan, anim na balloon ang namataan sa loob ng 24 oras hanggang alas-6 ng umaga noong Biyernes (Pebrero 7)—isa ito sa pinakamataas na bilang na naitala sa isang araw.
Kasabay ng mga balloon, namataan din malapit sa Taiwan sa gayunding oras ang siyam na sasakyang panghimpapawid ng militar ng China, anim na barkong pandigma, at dalawang opisyal na barko.
Ayon sa isang paglalarawang inilabas ng Ministry of Defense, nakita ang mga balloon sa altitud na 4,877 hanggang 6,096 na metro, at isa rito ay direktang lumipad sa ibabaw ng isla.
![Nagtatrabaho ang mga kawani ng coast guard ng Taiwan sa isang sasakyang pandagat malapit sa baybayin ng Nangan Township, sa Matsu Islands noong Oktubre 15, isang araw matapos magsagawa ng mga ehersisyong militar ang China sa paligid ng Taiwan. Nagpahayag ng pagkabahala ang Taipei sa kakayahan ng China na putulin ang mga kable ng telecom ng Taiwan na nasa ilalim ng dagat. [Daniel Ceng/AFP]](/gc9/images/2025/02/07/49085-china_ta-370_237.webp)
Dumarami and namamataang mga balloon
Habang itinuturing ng Taiwan ang sarili nito bilang isang soberanong bansa, inaangkin naman ito ng China at nagbanta pang gumamit ng pwersa upang mapasailalim ito sa kanilang kontrol.
Sa mga nagdaang taon, pinalakas ng China ang pagpapadala ng mga fighter jet at barkong pandigma sa paligid nitong self-ruled na isla at patuloy na sinisikap na burahin ang Taiwan sa pandaigdigang entablado sa pamamagitan ng pag-agaw sa mga kaalyadong bansa nito at pagharang sa partisipasyon nito sa mga global forums.
Sa mga nagdaang buwan, regular na namamataan ang mga Chinese balloon sa karagatang malapit sa Taiwan, ngunit noong Biyernes, ang bilang nito ay isa sa pinakamataas na naitala, ayon sa datos militar na hawak ng AFP.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang Taiwan ng walong Chinese balloonang pinakamataas na bilang na naitala—wala pang isang buwan matapos ang halalan sa pagkapangulo na napanalunan ni Lai Ching-te ng namumunong Democratic Progressive Party.
Noong Nobyembre, nagpadala ang militar ng Taiwan ng mga sasakyang panghimpapawid, mga barko, at mga air defense missile system sa isang pagsasanay matapos iulat ng kanilang defense ministry na may dalawang Chinese balloon na namataang malapit sa isla.
Regular na nagpapadala ang Beijing ng mga fighter jet, drone, barkong pandigma, at paminsan-minsan mga balloon sa paligid ng Taiwan upang ipagpatuloy ang kanilang panggigipit militar sa bansa.
Itinuturing ng Beijing na isang “separatista” si Lai at siya ay nagsagawa na ng ilang malalaking pagsasanay militar mula nang maupo siya sa puwesto noong Mayo.
Mga parehong taktika ng Chinese sa Pilipinas
Inilarawan ng Taiwan ang mga Chinese balloon bilang isang uri ng grey zone harassment — isang taktikang hindi maituturing na isang akto ng digmaan ngunit maaaring magpahina sa sandatahang lakas ng Taipei.
Ang mga Chinese balloon ay naging isang politikal na isyu noong unang bahagi ng 2023 nang pabagsakin ng United States ang tinawag nitong spy balloon.
Ang malaking balloon, na may kargang mabibigat na elektronikong kagamitan, ay lumipad sa ibabaw ng mga sensitibong pasilidad pang-militar ng US at nagdulot ng mga pangamba na nangongolekta ang Beijing ng mahahalagang impormasyong pang-intelihensiya.
Sinabi ng Beijing na isa itong sibilyang airship na nalihis sa ruta.
Inaakusahan ng Taipei ang Beijing ng pagpapalakas ng panggigipit sa grey zone sa pamamagitan ng halos araw-araw na pagpapadala ng mga warplane at barkong pandigma sa paligid ng Taiwan.
Noong Oktubre, sinabi ng Taiwan na namataan nila ang 153 Chinese military aircraft sa loob ng 25 oras matapos ang malawakang pagsasanay ng Beijing. Ayon din sa kanila, ito ay isang "matinding babala" sa mga "puwersang sumusuporta sa kalayaan ng Taiwan."
Iniulat din kamakailan ng Pilipinas ang mga tangkang paniniktik ng China sa kanilang teritoryo at mga aktibidad pang-militar na lalong nagpapalala sa mga pangamba tungkol sa posibleng banta sa seguridad na dulot ng Beijing sa rehiyon.
Noong Enero 31, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng Pilipinas na siya ay "labis na nababahala" sa paniniktik sa militar ng bansa, matapos ang sunud-sunod na pag-aresto ng mga pinaghihinalaang Chinese spies.
Paniniktik sa Plipinas gamit ang mga drone
Isang araw bago nito, sinabi ng mga opisyal ng seguridad ng Pilipinas na inaresto nila ang limang Chinese na pinaghihinalaang mga spy, kasunod ng pag-kakaaresto sa isa pa nilang kababayan dahil sa umano'y paniniktik nito noong unang bahagi ng buwan. Inakusahang gumamit ng drone at kamera ang mga suspek upang kuhanan ng video ang iba't ibang aktibidad ng militar malapit sa pinagtatalunang Spratly islands.
Naganap ang mga pag-aresto habang lalong umiinit ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansang magkapitbahay dahil sa agawan ng teritoryo sa mga bahura at katubigan sa mahalagang bahagi ng South China Sea nitong mga nakaraang buwan.
Dalawang lalaki ang inaresto sa Manila airport noong unang bahagi ng Enero matapos umano nilang manmanan ang mga barkong ng Philippine navy at iba pang mga sasakyang pandagat ng gobyerno na nagsusuplay sa mga military garrison sa pinagtatalunang Spratly Islands.
Ayon kay Jaime Santiago, direktor ng National Bureau of Investigation (NBI), sa isang press conference, ginamit ng mga lalaki ang isang drone at isang high-resolution solar-powered camera upang kunan ng video ang mga aktibidad sa isang naval base, isang coast guard station, isang air base, at isang dockyard sa lalawigan ng Palawan, na siyang pinakamalapit na kalupaan sa Spratlys.
Dagdag pa rito, sinabi ng pulisya ng Pilipinas na nakarekober sila ng hinihinalang Chinese submarine drone sa karagatan malapit sa Central Philippines noong huling bahagi ng Disyembre.