Seguridad

Mga manlalaro ng Taiwan, gumamit ng nuclear sa board game tungkol sa pagsalakay ng China

Sa gitna ng lumalalang banta ng militar mula sa China, isang bagong Taiwanese board game na '2045' ang nagdadala sa mga manlalaro sa isang kunwaring digmaan, na hinahamon silang magplano sa mga unang araw ng isang inaakalang pagsalakay.

Itinatampok sa isang tindahan ng board game sa Taiwan ang '2045', isang Taiwanese war board game. Nakabatay ito sa isang inaakalang pagsalakay ng China, na hinahamon ng laro ang mga manlalaro na gumawa ng matalinong mga hakbang na maaaring makaapekto sa kinabukasan ng Taiwan. [I-hwa Cheng/AFP]
Itinatampok sa isang tindahan ng board game sa Taiwan ang '2045', isang Taiwanese war board game. Nakabatay ito sa isang inaakalang pagsalakay ng China, na hinahamon ng laro ang mga manlalaro na gumawa ng matalinong mga hakbang na maaaring makaapekto sa kinabukasan ng Taiwan. [I-hwa Cheng/AFP]

Ayon sa AFP |

Upang pigilan ang Chinese forces sa pagsakop sa Taiwan, pinili ng board gamer na si Ruth Zhong ang opsyong nuclear: ang pagpapabagsak ng atomic bomb sa kabiserang Taipei, upang masiguro ang kalayaan ng isla at ang kanyang tagumpay.

Ang Taiwanese board game na "2045" ay isang zero-sum na labanan ng military strategy at pansariling interes na inilalagay ang mga manlalaro sa harapan ng isang kunwaring pag-atake ng China.

Ang mga taktika nila sa larangan ng digmaan sa laro ang magpapasiya ng teoretikal na kinabukasan ng Taiwan, na sa totoong mundo ay nahaharap sa patuloy na banta ng pagsalakay ng China.

"Ang pinakakapanapanabik na bahagi ng larong ito ay kailangan mong patuloy na gumawa ng desisyon batay sa nagbabagong sitwasyon, at ang mga pagpipiliang ito ay maaaring makapagpabago ng buong kasaysayan ng Taiwan sa isang iglap," ani Zhong, 36, sa AFP sa Sunny Boardgame store, kung saan siya naglaro ng 2045 kasama ang mga kaibigan.

Ang mga manlalaro na lumalahok sa '2045,' nag-iisip ng estratehiya para sa isang kunwaring pag-atake ng militar ng China sa Taiwan at isinasama ang mga totoong senaryong pangmilitar at komplikadong usaping heopolitikal. [I-hwa Cheng/AFP]
Ang mga manlalaro na lumalahok sa '2045,' nag-iisip ng estratehiya para sa isang kunwaring pag-atake ng militar ng China sa Taiwan at isinasama ang mga totoong senaryong pangmilitar at komplikadong usaping heopolitikal. [I-hwa Cheng/AFP]

"Nakita ko (ang nuclear bomb) bilang isang mahalagang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng buong isla."

Ang paglunsad ng laro ay naganap kasabay ng patuloy na panggigipit ng militar ng China sa Taiwan, na inaangkin ng Beijing bilang bahagi ng teritoryo nito at nagbanta na gagamit ng puwersa para mapasailalim sa kanilang kontrol.

Inilunsad ng Mizo Games noong nakaraang buwan, ang 2045 ay itinakda sa unang 10 araw ng isang teoretikal na pagsalakay ng China sa Taiwan at bago dumating ang tulong mula sa mga kakamping pwersa.

Gumaganap ang mga manlalaro ng iba't-ibang Taiwanese character, kabilang ang isang taong kumuha ng armas, isang kasabwat na nakikipagtulungan sa China, at isang nagbebenta ng armas.

Sinabi ng founder ng Mizo Games na si Chang Shao-lian na iba ang 2045 kumpara sa kanilang mga naunang laro ng digmaan, na nangangailangan ng kooperasyon ng mga manlalaro para manalo.

"Nagpasya kaming lumayo sa romantisismo at lumikha ng isang laro na batay sa realismo," sabi ni Chang sa AFP.

Lumalalang tensyon

Sa laro, kung masasakop ng People's Liberation Army (PLA) ng China ang maraming mahahalagang lungsod sa isla, matatalo ang Taiwan.

"Inaakala ng ilang manlalaro na para lamang sa mga pabor sa kalayaan ng Taiwan ang laro, ngunit sa katunayan, kahit sino na may estratehikong pananaw para sa hidwaan sa Taiwan Strait ay makakahanap ng mga paraan upang manalo," ang sabi ni Chang.

Nakalikom ang Mizo Games ng higit sa NT$4 milyon ($122,000) sa pamamagitan ng isang crowdfunding site at gumawa ng matinding pagsisikap upang matiyak na ang 2045 ay maging mas makatotohanan hangga't maaari.

Kumonsulta ang mga lumikha sa mga eksperto sa militar at pambansang seguridad, pati na rin sa mga political analyst, at gumawa rin ng mga mapa batay sa totoong pagsasanay ng PLA.

Sinuri din nila ang mga aktuwal na pag-atake para matiyak ang "direksyunal na lohika" ng mga jet fighter ng China na umaatake sa pinakamataas na gusali ng Taiwan, ang Taipei 101, na itinampok sa pabalat ng kahon.

"Paulit-ulit naming hinasa ang mga detalye, kung gaano kalaking pinsala ang dapat ipakita, ang tindi ng pagsabog, ang mga epekto ng ilaw at maging ang presensya ng mga sasakyang panghimpapawid sa likuran," ang sabi ni Lai Boyea sa AFP, ang visual designer ng 2045.

Sa mga nagdaang taon, pinaigting ng China ang pagpapadala ng mga jet fighter at barkong pandigma sa paligid ng Taiwan at nagsagawa ng malalaking pagsasanay militar na ginaya ang pagsalakay at pagharang sa isla.

Noong Disyembre, isinagawa ng Presidential Office ng Taiwan ang kauna unahang tabletop simulation ng mga aksyong militar ng China sa rehiyon upang palakasin ang kahandaan ng isla.

'Paano nila gagawin ito?'

Sa totoo lang, walang laban ang Taiwan pagdating sa dami ng sundalo at lakas ng armas sa anumang digmaan laban sa China.

Habang umaasa ang mga lumikha ng 2045 na ang labanan ay mananatili sa larangan ng laro, sinabi ni Lai na ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong Pebrero 2022 ay ginawang mas makatotohanan ang banta ng pag-atake ng China sa Taiwan.

"Isipin mo, kung aatake sila, paano nila ito gagawin?" ang sabi ni Lai.

"Marami sa mga card ng laro ang naglalarawan ng mga posibleng senaryo, mula sa pagsalakay sa mga dalampasigan ng Taiwan hanggang sa mga paglusob ng mga eroplano sa gitna at timog na bahagi ng bansa."

Bagamat hindi kayang ipakita ng 2045 ang kalupitan ng isang tunay na digmaan, sinabi ni Zhong na ipinapakita nito ang mga limitasyon ng kagustuhan ng mga tao na tumulong sa iba sa panahon ng krisis.

"Ang kahalagahan nito ay nasa pagpapakita sa mga manlalaro na kahit sa laro, o sa totoong buhay, hindi laging tutulong ang iyong mga kaalyado nang walang kapalit," ang sabi niya.

"Sa huli, lahat ay nakadepende sa interes."

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *