Ayon kay Jia Fei-mao |
Ang reporma sa edukasyong militar ng China ay maaaring mapahusay ang sistemang itinuturing ng Beijing na lipas na at sobrang laki, o magdulot ito ng hindi inaasahang kumplikasyon sa rehimen.
Inanunsyo ng People's Liberation Army (PLA) ng China noong Mayo ang malawakang reorganisasyon ng kanilang sistema ng edukasyon, kung saan itinatatag ang tatlong bagong akademya upang palakasin ang pinagsamang operasyon at magsanay ng talento para sa mga bagong sangay ng serbisyo.
Ang hakbang na ito ang pinakamalaking reorganisasyon ng mga akademya ng PLA mula noong 2017 at naaayon sa mas malawak na reporma sa militar at sa layuning makamit ang ganap na modernisasyon pagsapit ng 2027.
Ang tatlong bagong akademya ay ang PLA Ground Force Service Academy sa Hefei, PLA Information Support Force (ISF) Engineering University sa Wuhan, at PLA Joint Logistics Support Force Engineering University sa Chongqing.
![Ipinakikita ng litratong ito na walang petsa ang kampus ng Information Support Force (ISF) Engineering University, kung saan sinasanay ang mga magiging kawani para sa mahalagang ISF ng China. [China Military Online]](/gc9/images/2025/06/10/50730-isf_engineering_university-370_237.webp)
Ang mga akademya ay magpapatala ng mga nagtapos sa high school, ayon sa anunsyo noong kalagitnaan ng Mayo ng Ministry of National Defense.
Ang inisyatiba ay ginawa upang umangkop "sa mga pagbabago sa istraktura at layout ng mga sangay ng militar" at mga pangangailangan sa talentong militar, sinabi ni Senior Col. Jiang Bin, tagapagsalita ng ministeryo, sa isang news briefing noong Mayo 15.
Integrasyon ng mga akademya
Ang ISF Engineering University ay pinag-iisa ang College of Information and Communications mula sa National University of Defense Technology at ang Communications Cadet School ng Army Engineering University.
Ang layunin nito ay sanayin ang mga tauhan para sa bagong tatag na ISF, na binuo matapos buwagin ang Strategic Support Force.
Ang ISF ay nangangasiwa ngayon sa mga sistema ng komunikasyon at network ng PLA, at itinuturing itong mahalaga sa pagbuo ng China ng pinagsama-samang network ng impormasyon at para pagtagumpayan ang mga digmaan sa hinaharap.
Ang bagong unibersidad ay itinuturing na isang duyan para sa mga magiging opisyal ng PLA sa cyber at impormasyon na sumasaklaw sa mga larangan tulad ng military networks, communication engineering, data intelligence, at mga software system.
Samantala, ang Joint Logistics Support Force Engineering University ay itinatag sa pamamagitan ng pasasanib ng Army Logistics Academy, Military Transportation University, at ng nakapailalim nitong Automobile Cadet School. Ito ay magsasanay ng mga opisyal sa pamumuno, pamamahala sa logistics, at suportang teknikal para sa support system ng PLA sa buong bansa.
At ang panghuli, ang Ground Force Service Academy ay nabuo mula sa pagsasanib ng dating Armored Force Academy sa Artillery at Air Defense Academy.
Ang pagpapalakas ng kakayahan para sa pinagsamang operasyon ay mahalaga sa agenda ng modernisasyon ng PLA, iginiit ni Lin Ying-yu, assistant professor sa Graduate Institute of International Affairs and Strategic Studies ng Tamkang University sa Taiwan.
Ang mga pinagsamang operasyon -- mga aksyong militar na pinaplano at isinasagawa ng dalawa o higit pang sangay ng serbisyo -- ay kinakailangan para sa layunin ni Pangulong Xi Jinping na bigyang-kakayahan ang PLA na "sakupin ang Taiwan pagsapit ng 2027," sinabi ni Lin.
"Ang pagkakaroon ng mga kadete ng armor at artillery sa iisang akademya ay hindi maiiwasang tutungo sa magkakatulad na kurso at mas maraming ugnayan sa isa’t isa, at ang mga pinagsasaluhang karanasang ito ay makatutulong sa pagpapadali ng mga pinagsamang operasyon sa hinaharap," sinabi ni Lin sa Focus.
Ang factionalism ay malalim na nakaugat sa loob ng PLA, lalo na sa ground force, na nilalabanan pa rin ang pakikipagtulungan sa iba pang sangay ng serbisyo, sinabi niya.
Ang integrasyon ng mga akademya, ani Lin, ay maaaring makatulong sa pagtatag ng isang kultura ng pinagsamang operasyon simula pa lamang sa lebel ng kadete.
Ang mga katanungan ay nanatili
Ang pagsasaayos ay nakatuon sa mga kakulangan ng institusyon at sobrang dami ng tauhan.
Maraming akademya ng PLA ang dati’y may magkakaparehong tungkulin at napakaraming kawani na hindi nagtuturo, na nagpapahina sa kabuuang kahandaan, sinabi ni Lin.
Ang kasalukuyang pagsasaayos ay maaaring makabawas nang malaki sa gastos sa tauhan, aniya.
Noong 2017, binawasan ng PLA ang bilang ng mga akademyang militar mula 63 hanggang 44, batay sa ulat ng Ta Kung Pao na pag-aari ng China. Ang pinakabagong reorganisasyon ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng PLA na paigtingin ang edukasyon at mga sistema ng tauhan bilang bahagi ng kanilang pangmatagalang estratehiya sa modernisasyon.
Bagama’t layunin ng reporma na pahusayin ang kakayahan ng magkakasamang militar sa operasyon at gawing mas episyente ang paggamit ng resources, nananatiling hindi tiyak ang epekto nito sa ilalim ng mahigpit na kontrol ng Chinese Communist Party.
Ang limitadong access sa panlabas na impormasyon ay maaaring humadlang sa pagbuo ng pinakamataas na antas ng puwersang cyber, sinabi sa Focus ni Shen Ming-shih, mananaliksik sa Institute for National Defense and Security Research ng Taiwan.
Kasabay nito, ang labis na pagiging bukas naman ay maaaring mag-udyok sa mga estudyante na kuwestyunin ang rehimen, na nagdudulot ng suliranin sa mga awtoridad, aniya.