Ayon kay Jia Feimao |
Ang mga video na may mga nagbabadya at negatibong pahayag ni Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan ay napatunayang mga artificial intelligence (AI)deepfake lamang.
"Nauubusan na ng panahon ang Taiwan. Lalo nang lumalakas ang China, at hindi na ito mapipigilan ng US. Isang araw, maaaring ipagkanulo nila tayo."
Sa isang video na nasa ngayo’y sarado ng YouTube channel na AI Community of Common Destiny, tila nakikipag-usap si Lai kay Vice President Hsiao Bi-khim.
Sa isang pagsusuri, napag-alamang ang mga video sa channel ay gawa-gawa lamang gamit ang deepfake technology. Binago nila ang mga pahayag ng mga political leader ng Taiwan. Isang maikling clip na wala pang mga 50 na segundo na in-upload noong Setyembre 17, ay nagpakita ng computer-generated na si Lai na nagsasabing: “Kahit bilhin natin ang lahat ng kagamitang militar ng Amerika, hindi natin kayang talunin ang Communist China”; “Dapat nating gamitin ang panahong ito para kumita nang malaki hangga’t maaari”; at “pag may maramdaman tayong mali, agad tayong aalis ng Taiwan.”
![Sa 2025 Apsara Conference sa Hangzhou, China, noong Setyembre 24, sinusubukan ng mga dumalo ang isang computer challenge na naghahamong tukuyin kung alin ang totoong larawan at alin ang ginawa gamit ang AI. [Long Wei/CFOTO via AFP]](/gc9/images/2025/10/06/52294-afp__20250924__i1758728690036__v1__highres__2025apsaraconferenceinhangzhou-370_237.webp)
Bagama’t iginiit ng channel na ang mga video ay para lamang sa pagkaaliw ng mga manonood, sinabi ni Lo Tien, adjunct associate professor sa National Taiwan University of Science and Technology, sa PTS News: “Kung ito man ay voice cloning o facial forgery, mukha itong totoong-totoo. Kung lumalabag ito sa mga pambansang interes, dapat itong imbestigahan.”
Itinuturing ng mga opisyal para sa pambansang seguridad ng Taiwan na ang mga "pro-China" at "anti-US" na pahayag sa mga clip na ito ay nakalilito at posibleng nakalilinlang. Pinaghihinalaan ang posibleng pagkasangkot ng mga Chinese cyber force o ng mga kaalyado nito sa social media.
Dahil sa malawakang atensyon na nakuha ng mga video, tinanggal ng YouTube noong katapusan ng Setyembre ang channel na AI Community of Common Destiny, na inilunsad noong Hulyo.
Hindi basta-bastang biro
Maaaring tila biro o clickbait lang ang paggawa ng mga pekeng clip ng mga leader, ngunit kapag hinayaan ito, maaaring humina ang kredibilidad ni Lai. Ito ay sinabi sa Focus ni Yao-yuan Yeh, direktor ng Taiwan & East Asia Studies Program sa University of St. Thomas sa Houston, Texas.
Kung magkaroon ng krisis sa Taiwan, maaaring maging mas matindi ang epekto ng mga pekeng salaysay na ito at malalagay sa panganib ang publiko.
“Sa aspeto ng batas, kailangang ipagbawal ang paggamit ng mga AI-generated na larawan o boses ng mga pampublikong personalidad upang magpalaganap ng maling impormasyon, ito man ay para sa pagbibigay-aliw lamang o may masamang intensyon,” dagdag pa ni Yeh, habang hinihikayat ang mga awtoridad sa Taiwan na imbestigahan kung may pagpopondo ito mula sa China.
Habang nananatiling hindi malinaw ang motibo ng channel na AI Community of Common Destiny, isang bagay ang tiyak: ang mga organisasyong konektado sa pamahalaan ng China ay gumagamit ng mga kumpanyang may kakayahan sa AI upang impluwensyahan ang opinyon ng publiko.
Noong Agosto, isiniwalat sa The New York Times nina Brett J. Goldstein, isang engineering professor, at ng political scientist na si Brett V. Benson mula sa Vanderbilt University sa Nashville, Tennessee, na ang GoLaxy, isang kumpanyang pinopondohan ng mga korporasyong konektado sa militar ng China, ay nagkakalat ng maling impormasyon at nagsasagawa ng mga kampanyang mapanira sa Hong Kong at Taiwan.
Ayon sa mga dokumentong nakuha ng Times, ginamit ng GoLaxy ang tinaguriang Smart Propaganda System (kilala rin bilang GoPro) upang suriin ang datos mula sa mga social platform, gumawa ng mga personal profile, at magrekomenda ng mga estratehiya upang pahinain ang tiwala sa Democratic Progressive Party, ang partidong kasalukuyang namumuno sa Taiwan.
Ayon sa ulat, nangalap ang kumpanya ng datos mula sa mahigit 5,000 na social media account ng mga Taiwanese upang makagawa ng pagsusuri sa mga pulitikal na saloobin tungkol sa China.
Pakikialam sa Taiwan at sa Hong Kong
Bago ang halalan para sa pangulo ng Taiwan noong 2024, ipinalaganap ng GoLaxy ang mga AI-generated na deepfake, habang ang mga grupong kaalyado ng China ay nagpalaganap sa social media ng mga pananaw na talunan at mga di-totoong paratang ng korapsyon.
Noong 2020, ginamit nito ang mga pekeng account upang kalabanin ang mga tutol sa isang batas para sa pambansang seguridad ng China na nag-aalis sa natitirang kalayaan sa pagpapahayag sa Hong Kong.
“Malalim ang koneksyon [ng GoLaxy] sa seguridad ng pamahalaan ng China at sa militar nito. Gumagamit sila ng mga bagong pamamaraan upang mas mapabuti ang kanilang operasyong pang- impormasyon,” sabi sa Times ni James Mulvenon, chief intelligence officer ng Pamir Consulting.
Ayon kina Goldstein at Benson, lalong mapanganib ang mga nilalamang ginawa gamit ang AI dahil maaari nitong palaganapin ang mga “nakahihikayat” na mensahe nang hindi nagdudulot ng pagtutol.
“Patuloy itong kumikilos, hinuhubog ang mga opinyon at unti-unting sinisira ang mga demokratikong institusyon nang hindi lantaran,” ani nila.
Ayon sa mga opisyal ng seguridad ng Taiwan, nagbago na ang propaganda mula sa tradisyonal na mass broadcasting tungo sa pagpuntirya batay sa mga indibidwal na katangian. Upang ipagtanggol ang sarili laban sa mapanganib na impluwensya, sabi nila, kailangang bumuo ang Taiwan ng patung-patong na depensa na sumasaklaw sa teknolohiya, batas, kaalaman sa media, at edukasyong sibiko.
![Ipinakikita ng litratong kuha noong Hunyo 8 si Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan (gitna) na dumalo sa isang maritime exercise sa Kaohsiung. Ang lider ng Taiwan ay naging target ng mga deepfake na gawa ng artificial intelligence (AI) sa gitna ng pagdami ng mga propagandang iniuugnay sa China. [Yu Chen Cheng/AFP]](/gc9/images/2025/10/06/52295-afp__20250608__49l68km__v1__highres__taiwanpoliticsmaritimeexercise__1_-370_237.webp)