Ayon kay Zarak Khan |
Lalong binulabog ng Tsina ang dati nang marupok na balanse ng seguridad sa East Asia sa pamamagitan ng, ayon sa mga opisyal sa rehiyon, pinakamalaking koordinadong pagpapakita ng puwersa sa dagat, kung saan nagpadala ito ng malaking bilang ng mga barko ng hukbong pandagat at coast guard sa ilang pinagtatalunang daluyan ng tubig.
Lumampas sa 100 na barko ang mga ipinadala ng Beijing noong Disyembre 4, ayon sa apat na pinagkukunan ng impormasyon at mga intelligence report na sinuri ng Reuters.
Inilarawan ng Beijing sa publiko ang aktibidad bilang karaniwang pagsasanay.
Ngunit ang laki at lapit ng mga sasakyang pandagat ng Tsina ay nag-udyok ng pagtaas ng alerto sa Taiwan at Japan, na parehong kinondena ang operasyon bilang agresibong pagpapakita ng layuning militar, at hindi lang isang karaniwang pagsasanay.
![Ininspeksyon ni Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan ang mga yunit ng reservist sa Yilan, Taiwan, noong Disyembre 2. Mariing tinutulan ng Beijing ang kanyang planong maglaan ng karagdagang $40 bilyon para sa depensa laban sa tumitinding panggigipit ng Tsina. [Taiwanese Ministry of Defense/X]](/gc9/images/2025/12/12/53129-taiwan-370_237.webp)
Hindi lamang sa Taiwan Strait ito ginawa ng Tsina; umabot din ang mga barko sa Yellow Sea, pababa sa mga katubigang malapit sa pinagtatalunang Senkaku Islands sa East China Sea, papunta sa South China Sea at kanlurang bahagi ng Pasipiko, sabi ni Karen Kuo, tagapagsalita ng Pangulo ng Taiwan, ayon sa Reuters.
Ang laking ipinakita ng Tsina ay talagang "nagdudulot ng banta at nakaaapekto sa Indo-Pacific at sa buong rehiyon," sabi ni Kuo sa media sa Taipei.
Sinabi rin ni Defense Minister Shinjiro Koizumi ng Japan sa mga mamamahayag na mahigpit na binabantayan ng Tokyo ang aktibidad militar ng Tsina.
"Pinalalawak at pinalalakas ng Tsina ang mga aktibidad militar nito sa mga lugar na nakapalibot sa Japan," aniya, ayon sa Reuters.
"Patuloy na babantayan ng aming pamahalaan ang mga kaganapan sa paligid ng Japan nang may matinding pagkabahala," dagdag niya.
Pinagtatalunang Senkakus
Ang pagdating ng mga barko ng Tsina ay nagpataas ng tensyon sa Japan, lalo na sa East China Sea, kung saan ang pinagtatalunang Senkaku Islands ay matatagpuan.
Pinangangasiwaan ng Japan ang Senkakus, ngunit inaangkin din ng Tsina at Taiwan ang naturang mga isla, na tinatawag nilang Diaoyu Islands.
Noong Nobyembre, binantayan ng mga defense ministry ng Japan at Taiwan ang galaw ng Chinese aircraft carrier na Fujian nang umusad ito hanggang sa humigit-kumulang 200 na kilometro na lang ang distansiya nito sa Senkakus.
Lalo pang tumindi ang tensyon noong Disyembre 6 nang akusahan ng Japan ang Tsina ng pagtutok ng mga radar ng kanilang mga warplane, na inilunsad mula sa aircraft carrier na Liaoning, sa mga Japanese fighter jet.
Noong Disyembre 8, kinondena ni Chief Cabinet Secretary Minoru Kihara ng Japan ang "mapanganib" na insidente sa pandaigdigang katubigang nasa timog-silangan ng Okinawa prefecture.
Kasabay ng pag-angat ng presensya ng Tsina sa dagat, sumiklab ang matinding diplomatikong pagtatalo nila ng Tokyo matapos ang mga pahayag ni Prime Minister Sanae Takaichi ng Japan noong Nobyembre.
Ipinahiwatig ni Takaichi na ang alitan tungkol sa Taiwan, lalo na kung haharangan ng China ang karagatan sa paligid ng isla, ay maaaring pumasa sa mga legal na pamantayan bilang sitwasyong nagbabanta sa kaligtasan ng Japan. Ang ganitong pagtatasa ay maaaring magbigay- daan sa aksyong militar ng Japan.
Umalma ang Beijing sa “isinapublikong pagtutol ni Takaichi sa anumang paggamit ng puwersa ng Tsina laban sa Taiwan,” sabi sa Taipei Times ni Hsiao-huang Shu, research fellow sa Institute for National Defense and Security Research ng Taiwan.
Maaaring may mas malalaking layunin ang Tsina kaysa pananakot lamang sa Japan dahil sa ilang pahayag. Nais nitong sindakin ang mga kalaban nito sa Indo-Pacific, sabi ni Shu.
Kabilang sa mga target nitong bansa ang United States, Japan at ang Pilipinas, dagdag pa niya.
Nagsagawa ang tatlong magkakaalyado ng pinagsanib na pagsasanay sa South China Sea noong Nobyembre, at pinatindi ang kanilang koordinasyon kaugnay ng seguridad habang ang Tsina ay nagpadala ng bomber formation para sa umano’y "karaniwang pagpapatrolya."
Samantala, natapos din ng Japan at Pilipinas ang kanilang ikatlong bilateral Maritime Cooperative Activity noong Nobyembre 29.
Pagtutok sa Okinawa
Nagalit din ang Beijing sa inanunsyo ni Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan nitong nakaraang buwan ukol sa paglalaan ng karagdagang $40 bilyon sa loob ng walong taon para mapabuti ang depensa laban sa Tsina.
Itinuturing ng Tsina ang Taiwan bilang isang suwail na probinsya, at hindi nito kailanman isinantabi ang posibilidad ng paggamit ng puwersa upang sakupin ang demokratikong isla.
"Maaaring sinusubukan din (ng Tsina) na magbigay ng bagong batayang tugon sa mga isyung kaugnay ng seguridad ng Taiwan," sabi sa Japan Times ni Robert Ward, isang Japan scholar sa London’s International Institute for Strategic Studies.
Ayon kay Ward, sadyang pinili ng Tsina ang lokasyon sa pagitan ng pangunahing isla ng Okinawa at Minami-Daito Island upang matutukan nila ang mga Japanese warplane.
Nagsisilbing host ang Japan sa pinakamalaking foreign deployment ng militar ng US. Kabilang rito ang libu-libong US Marines na nakatalaga sa Okinawa.
"Ang sinasabi rito ng Tsina ay, 'kung makialam kayo sa Taiwan, maaari rin kaming makialam sa Okinawa,'" aniya.
![Isinagawa ng mga Chinese aircraft carrier na Liaoning at Shandong ang isang magkasanib na pagsasanay sa South China Sea noong Oktubre 2024. [Liu Fang/Xinhua via AFP]](/gc9/images/2025/12/12/53130-afp__20241031__xxjpbee007501_20241031_pepfn0a001__v1__highres__chinanavyaircraftcarr-370_237.webp)