Ayon kay Chelsea Robin |
Tinapos na ng puwersa ng South Korea at Estados Unidos ang Freedom Shield 26, na nagsagawa ng mga malawakang pagsasanay sa field, himpapawid, cyber, at larangan ng impormasyon sa buong South Korea. Itinuring ng dalawang militar ang ehersisyo bilang malaking pagsubok sa pinagsamang kahandaan at kakayahang magtulungan ng alyansa.
Idinaos mula Marso 9 hanggang 19, isinama sa taunang ehersisyo ang mga aral mula sa mga makabagong pandaigdigang labanan upang paghusayin ang pagiging makatotohanan ng taktika at patatagin ang kahandaan sa pakikipaglaban.
Dalawang militar na kumikilos bilang isa
"Ipinakikita ng Freedom Shield 26 ang lakas ng aming alyansa at ang kakayahan naming magsanay, maghanda, at kumilos bilang isang puwersa," sabi ni US Army Gen. Xavier T. Brunson, commander ng United Nations (UN) Command, Combined Forces Command, at US Forces Korea, sa isang pahayag.
Lumahok ang mga puwersa sa lupa, dagat, himpapawid, at marino sa Warrior Shield field training program. Sinabi ng mga lider ng militar ng US at South Korea na mahirap na pagmamaniobra ang mga pagsasanay na layuning gayahin ang sitwasyon sa tunay na labanan, kaysa isagawa lamang ang mga proseso mula sa command post.
![Nagpapatakbo ang mga sundalo ng South Korea ng isang amphibious rig sa isang wet gap crossing exercise ng Freedom Shield malapit sa Yeoncheon, South Korea, noong Marso 14. [US Army Cpl. Minhoh Choi]](/gc9/images/2026/03/27/55304-fs26_photo_3-370_237.webp)
Isang kapansin-pansing pagmamaniobra ang pagsasanay sa pagtawid ng ilog malapit sa Yeoncheon na dinaluhan ng higit 700 sundalo ng South Korea, kasama ang Stryker Brigade ng US 2nd Infantry Division/ROK-US Combined Division. Ang ROK ay Republic of Korea.
Gumamit ang pinagsamang puwersa ng higit 200 kagamitang militar, kabilang ang mga South Korean K1A2 tank, K200A1 armored personnel carrier, at US Stryker armored fighting vehicle.
"Nagsimula ang kumplikadong operasyon sa pamamagitan ng pagtawid ng US Stryker vehicles sa ilog gamit ang raft, sinundan ng ROK armored vehicles na nagsagawa ng assault crossing upang makamit ang layunin," ayon sa US Army.
Pagsasama ng mga kagamitan ng South Korea at US sa pagtawid sa ilog
Itinampok sa ehersisyo ang kauna-unahang pagsasama ng KM3 self-propelled bridging equipment ng South Korea sa Improved Ribbon Bridge ng US Army. Binibigyang-diin ng paggamit na ito ang pagsisikap ng magkaalyado na palakasin ang pagtutulungan sa masalimuot na lupain.
Ayon sa manufacturer na Hanwha Aerospace, maaaring magsilbing pansamantalang floating bridge o pontoon bridge ang KM3 para sa mga tangke, self-propelled gun, at armored vehicle. Ang Improved Ribbon Bridge, na binuo ng General Dynamics European Land Systems, ay isang modular aluminum system. Maaari itong gamitin bilang floating bridge at multibay ferry para sa mabibigat na kagamitan, mga combat vehicle, truck, suplay, at sundalo.
Bahagi ng 22 live field training events ang operasyon sa pagtawid sa ilog na isinagawa sa Freedom Shield 26. Ipinakikita nito ang pagsusumikap ng magkaalyado na palawakin ang praktikal na saklaw ng ehersisyo.
"Pinahusay ng Warrior Shield ang kakayahan sa pakikidigma, na nagpapahintulot sa mga puwersa na tumugon nang mabilis at buo ang pasya sa mga tunay na sitwasyon," sabi ng US Army.
Bukod sa pisikal na pagsasanay, kabilang sa ehersisyo ang mga aktibidad sa larangan ng impormasyon, pati na rin ang partisipasyon ng US Space Forces-Korea. Tinugunan ng mga bahaging ito ang mga banta na higit pa sa karaniwang "kinetic" na labanan, kabilang ang pagkasira ng elektronikong kagamitan, operasyon sa impormasyon, at mga sitwasyong may mahina o sirang komunikasyon.
Unang paggamit ng sikolohikal na operasyon
Sa kauna-unahang pagkakataon, itinalaga ang 7th Psychological Operations Group bilang suporta sa isang taktikal na ehersisyo sa peninsula, ayon kay US Army Reserve Col. Gregory Baugh, ang commander ng grupo. Naglunsad ang yunit ng multimedia loudspeaker at kakayahang sikolohikal.
Ayon sa US Army, pinahihintulutan ng operasyong sikilohikal ang "mga commander na gumamit ng mga epektong hindi nakamamatay upang hubugin ang labanan … na gumugulo at nagpapahina sa depensa ng kaaway."
Operasyon sa kalawakan
Ayon sa pahayag ng puwersa, nakapag-ensayo ang mga kalahok mula sa Space Forces-Korea sa Freedom Shield 26 ng "theater-relevant operations sa lahat ng Space Mission Areas, sinubok ang mga pamamaraan, at pinahusay ang kakayahan ng command na mabilis na baguhin ang operasyon."
"Malaki ang papel namin dito sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang simulation center para gawing mas makatotohanan ang senaryo sa kalawakan para sa mga ehersisyong ito," sabi ni US Space Force 1st Lt. Roman Ocampo.
Kabilang sa responsibilidad ng space component ang missile warning, space domain awareness, at mga senaryo gaya ng "mga apektadong kakayahan sa kalawakan," ayon sa US Air Force.
Kasama ng cyber, information, at mga field component, ipinakita ng mga aktibidad na ito kung paano sinubukan ng mga lider ng ehersisyo ngayong taon na ilapat ang mga aral mula sa mga labanan kamakailan sa Korean peninsula contingency.
Paglilipat ng OPCON sa South Korea
Ayon sa US Forces Korea, sinuportahan ng ehersisyo ang mga paghahanda para sa paglilipat ng wartime operational control, o OPCON, sa Seoul. Inilarawan nito ang mga paghahanda bilang mga pagsisikap na pahusayin ang alyansa at bigyan ang South Korea ng pangunahing papel sa pagpapanatili ng seguridad sa peninsula.
Sa pagsasama ng isyung ito sa ehersisyo, mas direktang naiuugnay ang diskusyon sa OPCON sa integrasyon ng command, kahandaan sa operasyon, at kakayahan ng Seoul na manguna.
"Habang naghahanda kami para sa paglilipat ng OPCON, pinagtibay ng [Freedom Shield] 26 ngayong taon ang kahalagahan ng kapayapaan at katatagan ng Korean Peninsula sa ROK at [Estados Unidos], at itinaas sa susunod na antas ang aming matatag na pinagsamang depensa at pinagsamang kakayahan sa operasyon," sabi ni Gen. Jin Yong-sung, chairman ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea.
Sa mga pagsasanay, sinuri ng mga lider ng militar ng South Korea at US ang mga operasyon at nakipag-ugnayan sa mga sundalo sa mga command post at mga lugar kung saan sila nagsasanay.
"Magkabalikat ang ROK-US team sa mga command post at field exercise, at tunay na naging iisang pangkat," sabi ni Jin.
'Mahalaga' para sa katatagan sa rehiyon
Ayon sa mga lider ng militar ng South Korea at US, ang mga pagsasanay na ito ay "mahalaga" upang panatilihin ang alyansa bilang "susi ng katatagan at kapayapaan" sa rehiyon. Tinutulungan ng mga ehersisyong ito ang mga puwersa ng marine ng South Korea at US na palakasin ang pinagsamang kakayahan at paghusayin ang kanilang kakayahang humarap sa mga krisis, sabi ni Lt. Gen. Ju Il-seok, commandant ng South Korea Marine Corps.
"Walang pamalit sa pagsasanay, at walang dahilan para hindi maging handa," sabi ni Brunson.
Lumahok din sa Freedom Shield 26 ang ilang miyembrong bansa ng UN Command. Sinubaybayan ng Neutral Nations Supervisory Commission ang depensibong katangian ng ehersisyo at ang pagsunod nito sa armistice ng 1953.
![Nagmamaneho ang mga sundalo ng US Army ng isang Stryker patawid sa tulay sa isang wet gap crossing exercise ng Freedom Shield 2026 malapit sa Yeoncheon, South Korea, noong Marso 14. [US Army Cpl. Minhoh Choi]](/gc9/images/2026/03/27/55303-fs26_photo_1-370_237.webp)