Ayon sa AFP at Focus |
SRIHARIKOTA, India -- Lumipad sa unang pagkakataon ang kauna-unahang pribadong orbital rocket ng India noong Hulyo 18, ayon sa kumpanya nito, na nagmamarka ng isang mahalagang hakbang para sa higante ng Timog Asya habang tinatarget nito ang mas malaking bahagi ng pandaigdigang ekonomiya ng kalawakan.
Lumipad ang Vikram-1 rocket, na binuo ng Skyroot Aerospace at idinisenyo upang magdala ng maliliit na satellite sa low-Earth orbit, mula sa Satish Dhawan Space Center sa Sriharikota sa gitna ng malalakas na hiyawan.
"Hello space, nandito na kami!" tweet ng Skyroot Aerospace. "Natapos na ng Test Flight-1 ng Vikram-1 ang misyon nito. Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang paglulunsad ng pribadong sektor ng India."
Halos kasingtaas ng isang gusaling may pitong palapag ang Vikram-1 at may kakayahang magdala ng mga payload na tumitimbang ng hanggang 350kg.
![Nakuhanan ng larawan ang isang industrial oven na ginagamit para patigasin ang mga rocket molding sa Skyroot Aerospace malapit sa Hyderabad, India, noong Hulyo 7. Binuo ng kumpanya ang unang orbital-class rocket ng India na ginawa ng pribadong sektor. [Noah Seelam/AFP]](/gc9/images/2026/07/20/57122-afp__20260717__b9hn23q__v1__highres__indiaspace-370_237.webp)
![Ipinapakita ng chairman ng Indian Space Research Organization na si V. Narayanan (ikalawa mula kaliwa) at ng mga executive ng Skyroot Aerospace ang isang modelo ng Vikram-1 matapos itong ilunsad mula sa Sriharikota, India, Hulyo 18. [R. Satish Babu/AFP]](/gc9/images/2026/07/20/57123-afp__20260718__c2j322t__v2__highres__indiaspacerocketrysciencepresser-370_237.webp)
Sinabi ni Pawan Goenka, tagapangulo ng Indian National Space Promotion and Authorization Center ng gobyerno, na ang tagumpay ay "higit pa sa inaasahan para sa pinakaunang orbital launch na isinagawa ng isang pribadong kumpanya ng India."
Pinuri ni Prime Minister Narendra Modi ang pagsisikap bilang "isang mahalagang yugto sa paglalakbay ng India sa kalawakan."
"Ang lumalaking pakikilahok ng ating pribadong sektor ay nagbubukas ng mga panibagong hangganan at nagpapabilis sa inobasyon," ani Modi.
Dala ng rocket ang iba't ibang uri ng mga payload, kabilang ang isang diyamanteng binuo sa laboratoryo at mga robotic arm na kayang magtanggal ng mga space debris.
Umarangkada sa mga nagdaang taon ang mga ambisyon sa kalawakan ng India, na nakasandig sa ilang dekada ng pamumuhunan ng Indian Space Research Organization (ISRO).
Mabilis na lumago ang space economy ng bansa -- na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $8.4 bilyon -- simula nang magbukas ang sektor sa mga pribadong kumpanya noong 2020, at sa kasalukuyan ay mayroon na itong mahigit 400 space startup.
'Bagong antas'
"Umakyat sa mga panibagong antas ng tagumpay ang mga ambisyon sa kalawakan ng India!" ani Foreign Minister S. Jaishankar matapos ang paglunsad.
Pinuri ng dating tagapangulo ng ISRO na si K. Sivan ang pagsisikap ng mga space startup, at idinagdag na natatamasa na ng bansa ang "mga bunga ng mga binhing itinanim" nang buksan nito ang sektor sa mga pribadong kumpanya.
"Lalo na sa Skyroot, ang rocket ay isa sa pinakamahirap at kumplikadong teknolohiya sa sistema ng kalawakan... Makakahikayat ito ng maraming tao," sinabi niya sa AFP.
Dagdag pa ni Sivan na "walang duda" na magkakaroon ng pandaigdigang epekto ang paglulunsad.
"Kung makagagawa ang isang Indian startup ng isa sa pinakamahirap na bagay sa industriya ng kalawakan, malaking tulong ito sa reputasyon ng India sa buong mundo."
Mga ambisyon sa kalawakan
Noong 2014, naging kauna-unahang bansang Asyano ang India na naglagay ng spacecraft sa orbit ng Mars.
Noong Agosto 2023, naging pang-apat na bansa pa lamang ang India na matagumpay na naglapag ng isang unmanned spacecraft sa Buwan, kasunod ng Russia, Estados Unidos, at Tsina. Ang programang iyon ay tinatawag na Chandrayaan ("Mooncraft").
Inaasahang mag-uuwi ng mga sample mula sa Buwan ang isa pang misyon ng Chandrayaan na nakatakda sa 2027, habang nakaplano naman ang isang Venus orbiter sa taong 2028.
Pinag-aaralan ng Aditya solar mission ng India ang panlabas na atmospera ng Araw at ang lagay ng panahon sa kalawakan.
Inaasahan ng New Delhi na aabot sa $44 na bilyon ang industriya nito sa kalawakan pagdating ng taong 2033 at $100 bilyon pagsapit ng 2040.
Nakikipagtulungan ang India sa U.S. National Aeronautics and Space Administration, European Space Agency, France, Germany, Italy, Japan, at Saudi Arabia, habang sinusuportahan naman ng Russia ang mga paghahanda para sa human spaceflight program nito.
Naghahanda ang ISRO para sa una nitong misyon sa kalawakan na may sakay na tao, kung saan ang una sa tatlong uncrewed test flight ay inaasahan sa huling bahagi ng 2026.
Sa ilalim ng programang Gaganyaan, o "sky craft," layunin nitong magpadala ng tatlong astronaut ng India sa isang 400km na orbit sa loob ng tatlong araw.
Bilang bahagi ng mga paghahanda, lumahok ang piloto ng Indian air force na si Shubhanshu Shukla sa isang misyon ng SpaceX Dragon noong 2025, kung kaya't siya ang naging kauna-unahang Indian na nakarating sa International Space Station.
Layunin ng India na bumuo ng sarili nitong space station pagsapit ng 2035 at magpadala ng astronaut sa Buwan pagdating ng 2040, ani Modi.
Pribadong sektor at depensa
Kasabay ng mas malawak nitong mga ambisyon sa teknolohiya at artificial intelligence, mabilis na umuunlad ang pribadong industriya ng kalawakan ng India.
Mahigpit na magkaugnay ang mga industriya ng civil space at depensa ng India, kung saan ilang ahensya ng pamahalaan at pribadong kumpanya ang nagsusuplay sa magkabilang sektor.
Kabilang sa mga kakayahang iyon ang mga sasakyang panglunsad, mga sistema ng propulsyon, mga satellite, elektronika at mga teknolohiyang gabay na sumusuporta sa mga programa ng missile at military drone ng India.
Binigyang-diin ng ISRO ang pakikipagtulungan nito sa Defense Research and Development Organization.
Ang mga kumpanyang nagsusuplay ng mga avionics at guidance system sa ISRO ay nakinabang sa pagdami ng mga order ng militar.
Agwat sa Tsina
Ang space program ng Tsina ay nananatiling di-hamak na mas malaki kaysa sa India. Ayon sa Statista, humigit sa $19 bilyon ang ginastos ng pamahalaan ng Beijing para sa kalawakan noong 2024, kumpara sa badyet ng India na humigit-kumulang $1.1 bilyon nang taong iyon.
Ayon sa space-tracking site na KeepTrack, nagsagawa ang Tsina ng 97 misyong orbital noong 2025, habang itinuro ng state media at mga analyst ang target na hindi bababa sa 140 paglunsad sa 2026. Sa kabilang banda, nagkaroon ang India ng limang misyong orbital noong 2025.
Habang sinisikap ng India na makahabol sa Tsina sa kalawakan at iba pang mga estratehikong teknolohiya, sinusubukan nitong bawasan ang pagdepende nito sa mga rare earth, magnet, at iba pang mahalagang materyales ng Tsina na ginagamit sa mga satellite, spacecraft, at sistema ng depensa.
Naglunsad ang New Delhi ng mga inisyatiba sa lokal na pagmimina at produksyon ng magnet at nakikipagtulungan ito sa mga katuwang sa alyansang Quad na kinabibilangan ng Estados Unidos, Japan, at Australia upang palawakin ang mga supply chain ng mga kritikal na mineral.
![Inilunsad ang Vikram-1 rocket ng Skyroot Aerospace mula sa Sriharikota, estado ng Andhra Pradesh, India, noong Hulyo 18. [R. Satish Babu/AFP]](/gc9/images/2026/07/20/57121-afp__20260718__c2hw4ef__v1__highres__indiaspacerocketryscience-370_237.webp)