Agham at Teknolohiya

China, naglalayong palawakin ang imprastrakturang pangkalawakan at kooperasyon sa Timog-silangang Asya

Lubos na nakatutok ang China sa mga karatig-bansa nito sa rehiyon habang nilalagdaan nito ang mga kasunduan sa kooperasyong pangkalawakan at naglalayong palawakin ang impluwensiya nito sa sektor.

Ang Timog-silangang Asya, sa larawang kuha mula sa International Space Station noong Disyembre 2021. [NASA]
Ang Timog-silangang Asya, sa larawang kuha mula sa International Space Station noong Disyembre 2021. [NASA]

Ayon sa Focus |

Habang ang People's Liberation Army (PLA) ay naglalayong palawakin ang pandaigdigang impluwensiya at naaabot ng China, pinauunlad nito ang kanilang mga imprastraktura sa lupa upang makabuo ng mga sistemang magagamit sa pagbabahagi ng datos sa mga yunit sa lupa, dagat, himpapawid, at kalawakan.

Ang mga telemetry station, launch site, satellite control center, data reception station, communication network, at deep space tracking network ay kabilang sa mga lugar na nakatakdang palawakin upang parehong mapagsilbihan ang mga interes ng sibilyan at ng mga militar.

Ang Liao Wang-1, isang space support ship na may kakayahang mangalap ng impormasyon ay pumasok sa serbisyo noong Abril. Ipinapakita nito ang mga pinakabagong kakayahan ng China sa signals intelligence (SIGINT).

Ang Liao Wang-1 ay dinisenyo upang subaybayan ang mga satellite ng militar, bantayan ang paglulunsad ng mga missile, at magsilbing mobile command at control center para sa mga operasyong pangkalawakan at pandagat. Ito ay ayon sa Grey Dynamics, isang intelligence firm na nakabase sa London.

Ang Liao Wang-1, isang space support ship na may kakayahang mangalap ng impormasyon ay pumasok sa serbisyo noong Abril. [social media]
Ang Liao Wang-1, isang space support ship na may kakayahang mangalap ng impormasyon ay pumasok sa serbisyo noong Abril. [social media]
Dinaluhan ng mga pinuno ng estado at mga diplomat ang ika-20 East Asia Summit kasabay ng ika-47 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Kuala Lumpur noong Oktubre 27. [Mohd Rasfan/AFP]
Dinaluhan ng mga pinuno ng estado at mga diplomat ang ika-20 East Asia Summit kasabay ng ika-47 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Kuala Lumpur noong Oktubre 27. [Mohd Rasfan/AFP]

Ayon sa China, ang Liao Wang-1, na kanilang ipinalit sa Yuan Wang-class tracking ship, ay ginagamit lamang para sa siyentipikong pananaliksik. Ngunit, ang ibang mga bansa, tulad ng India at US, ay nagpahayag ng pag-aalala na maaaring gamitin ito para sa paniniktik.

Ang limang-taong plano ng China para sa pagpapaunlad ng sibilyang imprastraktura sa kalawakan ay matatapos sa Disyembre, at inaasahang maglalabas ng bagong 10-taong plano sa susunod na taon.

Inaasahan ng marami na ang bagong plano ay magbibigay-daan sa mas madaling pakikilahok ng mga komersyal na kumpanya sa sektor ng kalawakan at sa pagpapalawak ng mga dual-use na teknolohiya na maaaring gamitin para sa parehong komersyal at militar na layunin.

Pagtutok sa mga karatig-bansa sa rehiyon

Nagsagawa ang Beijing noong Abril ng Central Conference on Work Related to Neighboring Countries, ang kauna-unahang ganitong pagtitipon sa loob ng higit sa isang dekada. Ito’y senyales ng isang mas pinaangat na pagtutok sa patakarang panlabas nito sa mga karatig-bansa sa rehiyon.

Bago pa man ang kumperensya, binuksan ng Beijing ang Global South Research Center, na nagpapakita ng plano nitong palalimin ang ugnayan sa mga bansa sa Timog-silangang Asya.

Sa pamamagitan ng Belt and Road Initiative (BRI), nakapagtayo ang China ng malawak na imprastrakturang pang-lupa at pang-dagat upang patatagin ang ekonomiko at estratehikong impluwensiya nito.

Gumagamit o gumamit na ang China ng hindi bababa sa 18 na istasyon sa lupa sa buong Africa, Latin America, South Asia, South Pacific, at Antarctica upang makipag-ugnayan sa mga sasakyang pangkalawakan.

Ginamit ang mga pasilidad sa Europe at Australia hanggang 2020, nang magpasya ang kumpanyang Swedish na nagmamay-ari nito na huwag nang pumirma ng bagong kontrata sa China.

Mula 2022, nilagdaan ng China ang 26 na bilateral na kasunduan para sa kooperasyon sa kalawakan kasama ang higit sa isang dosenang bansa.

Sumasaklaw ang mga kasunduang ito sa mga plano para sa mga dayuhang astronaut na makikilahok sa mga misyon ng China, paggamit ng mga pasilidad sa paglulunsad, pagpapalitan at pagsasanay ng mga tauhan, pakikipagtulungan sa mga proyekto sa kalawakan, pagbuo ng mga satellite, at pagbabahagi ng datos.

Sa ngayon, higit sa 15 na bansa ang nakapaglunsad ng mga satellite mula sa China. Kasama rin sa diplomasya sa kalawakan ng China ang mga kasunduan sa ibang mga estado, gayundin sa mga organisasyong panrehiyon at multilateral.

Nakipagtulungan ang China sa mga bansang kanluranin sa mga proyekto sa kalawakan. Ngunit, habang tumataas ang pandaigdigang tensyon at kumpetisyon, ipinapakita ng pinakabagong datos ang pagbabago sa pinagtutuunan – ang pakikipagtulungan sa mga umuunlad na bansa.

Pagsulong sa Timog-silangang Asya

“Nagbuhos ang China ng malaking pagsisikap upang palakasin ang kooperasyong pangdepensa sa mga bansa sa Timog-silangang Asya,” partikular na sa mainland na bahagi ng rehiyon, ayon kay Susannah Patton, deputy research director ng Lowy Institute, sa isang pagsusuri noong Agosto.

“Ang karagdagang pagsulong, lalo na kung ang namumuong kooperasyong pangdepensa sa Indonesia at Malaysia ay magiging mas matatag, ay makadaragdag sa naratibo ng China at magbibigay sa bansa ng mga bagong landas upang isulong ang mga interes nito,” babala niya.

“Kung magpapatuloy ang kasalukuyang mga kalakaran, nanganganib ang Timog-silangang Asya na mahati sa dalawang kampo: ang mga bansang pandagat na may malalim na ugnayang pangdepensa sa US at sa mga kaalyado nito, at ang mga bansang mainland na walang ganitong kooperasyon,” sabi niya.

Noong huling bahagi ng Agosto at unang bahagi ng Setyembre, dumalo ang mga pinuno ng estado mula sa Timog-silangang Asya, kabilang ang Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Burma, at Vietnam, sa Shanghai Cooperation Organization (SCO) Summit at sa Victory Day Parade ng China.

Napapansin ng mga tagamasid na ang kanilang pagsali sa mga kaganapang ito ay patunay na ang diplomasya ng China sa mga kalapit na bansa ay mahalaga sa bago nitong estratehiya sa rehiyon.

Ngunit ang mga plano ng China na palawigin ang kanyang ehemoniya ay nagiging lehitimo na sa mga karatig-bansa nito, ang suportang ito ay hindi matatag at may kasamang mga alalahanin.

Ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay inaasahang pipirma ng kasunduan sa China bago matapos ang taon upang palawakin ang mga oportunidad sa kalakalan at ekonomiya.

Sa unang apat na buwan ng taon, umabot sa $331 bilyon ang kalakalan sa pagitan ng China at ASEAN.

Malaki ang iniluluwas ng China sa Thailand at Vietnam, at ayon sa mga manunuri, ang pagpapalakas ng pakikipagtulungan nito sa mga bansa sa Timog-silangang Asya ay nagpapakita ng pagnanais nitong gampanan ang mas mataas na tungkulin sa seguridad at palawakin ang impluwensiya nito sa rehiyon.

Ang China ay naglalayon na "kahit paano’y isaalang-alang ng mga bansa sa Timog-silangang Asya ang mga interes ng Beijing hinggil sa South China Sea at Taiwan," ayon kay Collin Koh, senior fellow sa S. Rajaratnam School of International Studies sa Singapore.

“Ngunit nananatiling nababahala ang ilang bansa sa ASEAN sa posibleng epekto sa seguridad ng pagiging malapit sa China,” sabi ni Koh.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *