Kakayahan

Taunang war games ng Taiwan, magsasagawa ng simulation ng posibleng pagsalakay ng China sa 2027

Sa taunang war games ng Taiwan, magsasagawa ng simulation ng mga posibleng mangyari kapag sumalakay ang China sa taong 2027. Nagbabala ang mga opisyal na ang pagsulong ng Beijing mula sa pagsasanay tungo sa aktwal na labanan ay maaaring mas mabilis kaysa dating inaakala.

Kuha noong Hulyo 26, 2022, ipinapakita sa larawan ang isang navy frigate ng Taiwan na naglulunsad ng isang standard missile na gawa ng Estados Unidos sa taunang Han Kuang drill malapit sa naval harbor ng Suao sa Yilan County. Ang 2025 na pagsasanay ay nakatuon sa pagtugon sa mga gray zone na aktibidad ng China. [Sam Yeh/AFP]
Kuha noong Hulyo 26, 2022, ipinapakita sa larawan ang isang navy frigate ng Taiwan na naglulunsad ng isang standard missile na gawa ng Estados Unidos sa taunang Han Kuang drill malapit sa naval harbor ng Suao sa Yilan County. Ang 2025 na pagsasanay ay nakatuon sa pagtugon sa mga gray zone na aktibidad ng China. [Sam Yeh/AFP]

Ayon sa AFP |

TAIPEI – Sa taunang war games ng Taiwan, magsasagawa ang kanilang mga hukbo ng simulation ng mga posibleng mangyari kapag sumalakay ang China sa taong 2027. Ito ang pahayag ng Defense Ministry noong Marso 19, habang patuloy ang panggigipit ng militar ng Beijing sa Taipei.

Iginigiit ng China na ang Taiwan, na bagama't may sariling pamahalaan, ay bahagi ng kanilang teritoryo kung kaya't nagbabanta silang puwersadong sasakupin ito.

Ayon sa mga opisyal ng Estados Unidos, na pangunahing kaalyado at pinakamalaking supplier ng armas sa Taipei, posibleng lusubin ng China ang Taiwan sa taong 2027.

Ang Han Kuang exercise ng Taiwan, na idadaos mula Hulyo 9 hanggang 18, ay taunang isinasagawa sa buong bansa bilang paghahanda sa pagtanggol ng isla laban sa mga pagsalakay ng China.

Sa ulat na isinumite sa parliyamento noong Marso 19, sinabi ng Defense Ministry na ang pagsasanay ngayong taon ay ibabatay sa mga "gray zone" na panghihimasok ng China at mga "posibleng gawin ng Chinese Communist military para lusubin ang Taiwan sa taong 2027."

"Ang mga pinuno ng lahat ng antas ng operasyon at taktika ay magpaplano ng mga scenario at sitwasyon mula sa isang praktikal na pananaw batay sa mga posibleng gagawin ng kalaban," ayon sa ulat.

Layunin nitong "masuri ang kakayahan ng mga hukbo sa lahat ng antas na ipatupad ang mga plano, nang sa gayon ay makabuo ng isang puwersang militar na mabilis tumugon at 'laging handa sa labanan'," ayon sa ulat.

May dalawang yugto ang taunang Han Kuang exercise.

Pahahabain ng Ministry of Defense ang pagsasanay ngayong taon upang mapahusay ang mga kakayahan nila sa pagpapatakbo. Ang computer simulation portion sa Mayo, mula walong araw ay magiging 14, samantalang ang live-fire exercise naman sa Hulyo na dating lima ay magiging sampung araw.

'Mga maagang palatandaan ng babala'

Regular na nagpapadala ang Beijing ng mga fighter jet, mga barkong pandigma, at mga coast guard vessel malapit sa Taiwan. Noong nakaraang taon, ilang beses itong nagsagawa ng malalaking pagsasanay-militar sa iba't ibang bahagi ng isla.

Itinuturing ng mga manunuri ang mga ito bilang "gray zone" na taktika—mga kilos na bagama't hindi ganap na pakikidigma'y nakakaubos sa lakas ng mga puwersang militar ng Taiwan.

Nagbabala si Defense Minister Wellington Koo noong Marso 19 na maaaring "mas mabilis kaysa dati nating inaakala" ang paglipat ng China mula sa pagsasanay tungo sa aktwal na labanan.

"Mayroon kaming ilang mahahalagang palatandaan ng maagang babala na kailangang bantayan," sabi ni Koo sa mga mamamahayag, ngunit hindi niya ito idinetalye.

ipinahayag ito ni Koo habang isinagawa ng militar ng Taiwan ang limang araw na "Rapid Response Exercise," na ayon sa Defense Ministry ay naglalayong palakasin ang "kahandaan at kakayahan sa pagtugon."

"Bahagi ito ng mas makatotohanang pagsasanay sa labanan, na nagpapatalas sa paggawa ng desisyon ng mga pinuno at sa mga kakayahan ng bawat yunit," sabi ni Koo.

Nagkataon din na habang ginaganap ang mga drill noong Marso 17, higit sa 50 na sasakyang panghimpapawid ng China ang nagsagawa ng "joint combat" patrol sa palibot ng Taiwan, ayon sa datos ng Defense Ministry.

Ito ay nangyari ilang araw matapos tawagin ni Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan ang China na isang "dayuhang puwersang kumakalaban sa amin."

Samantala, sinabi ng Foreign Ministry ng Beijing na ang mga ginagawa ng China ay tugon sa pagsuporta ng US sa Taiwan, at isang babala sa "mga pwersang nagsusulong ng kasarinlan at paghiwalay ng Taiwan."

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *