Ayon sa AFP at Focus |
MAYNILA – Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyong nakikialam ang China sa nalalapit na halalan sa Mayo, kasunod ng matitinding paratang tungkol sa mga kampanya ng mga pekeng impormasyon na suportado umano ng Beijing.
Ang mga akusasyong isiniwalat sa isang pagdinig sa Senado noong Abril, ay nagsasabing binabayaran umano ng embahada ng China sa Maynila ang mga Pilipino upang magtrabaho sa "mga troll farm" na layong pahinain ang administrasyong Marcos.
Ayon kay Jonathan Malaya, Assistant Director General ng NSC, sa isinagawang pagdinig, nakakita umano ang National Security Council (NSC) ng "mga palatandaang... may mga operasyon sa pagpapakalat ng impormasyon na isinasagawa sa Pilipinas at suportado ng China na aktuwal na nakikialam sa nalalapit na halalan."
Ang pambansang halalan sa Mayo 12 ang magtatakda sa daan-daang posisyon sa House of Representatives at Senado, pati na rin sa libu-libong lokal na posisyon na mahigpit na pinag-aagawan.
Mga Troll farm
Sa pagdinig noong Abril, inilahad ni Senator Francis Tolentino, kaalyado ni Pangulong Marcos, ang umano'y ebidensya ng pakikialam ng China, kabilang ang isang kontrata at tsekeng nagkakahalaga ng ₱930,000 ($16,000) mula Agosto 2023. Ayon sa kanya, inupahan umano ng embahada ng China ang lokal na kumpanyang Infinitus Marketing Solutions Inc. upang pamahalaan ang "mga troll farm" na nagpapakalat ng maling impormasyon.
"Ang kontrata at kabayarang ito ay pagyurak sa dangal ng Pilipino, pagtapak sa dignidad ng Pilipinas," pahayag ni Tolentino habang ipinapakita ang mga dokumento.
Idinetalye niya kung paanong bahagi ng mga operasyong ito ang paggawa ng daan-daang pekeng social media account, 330 sa mga ito ang naitala, na may kabuuang followers na higit sa 53,000. Ito ay ginagamit upang magpalaganap ng mga mensaheng pro-China at umatake sa mga kritiko ng mga aksyon ng Beijing. Ayon sa kanya, partikular na pinupuntirya ng mga operasyong ito ang mga mambabatas na ipinagtatanggol ang karapatan ng Pilipinas sa South China Sea.
"Malinaw na ang pamahalaang Chinese, sa pamamagitan ng embahada nito, ay nagbabayad sa mga Pilipino upang magtrabaho sa mga troll farm na may layuning batikusin at sirain ang ating administrasyon, ang ating Kongreso, at ang ating pamahalaan," dagdag ni Tolentino.
Pinagtibay ni Malaya ang mga pahayag ni Tolentino, at sinabing natukoy ng NSC ang "mga lokal na kasabwat” na nagpapalakas sa mga mensaheng pabor sa Beijing. Ayon sa kanya, malinaw na layunin ng mga operasyong ito na impluwensyahan ang proseso ng halalan pabor sa mga kandidatong maka-China.
Tumitinding tensyon laban sa Beijing
Agad namang pinabulaanan ng embahada ng China ang mga alegasyon. Sa isang pahayag, sinabi ng tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs ng China na sinusunod ng Beijing ang “prinsipyo ng hindi panghihimasok” at tinawag ang mga akusasyon na “nakasusuklam at tiyak na mabibigo.”
Noong Abril 25, kinundena ng ilang senador ang panghihimasok umano ng China at nanawagan nang mas malalim na imbestigasyon sa mga banta sa pambansang soberanya at seguridad, ayon sa GMA News.
Ang Pilipinas ay nahaharap sa ilang buwan na ring tumitinding tensyon laban sa Beijing kaugnay ng pinag-aagawang South China Sea, isang mahalagang ruta sa dagat. Samantala, pinagtibay ng administrasyong Marcos ang kooperasyong pang-depensa nito sa Estados Unidos.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, ang alegasyon ng pakikialam sa halalan ay “mapanganib at nakakabahala.” Dagdag pa niya, naipaalam na sa Comelec ang tungkol sa mga atakeng gumagamit ng “mga bot at troll farm” na may layuning pahinain ang tiwala ng publiko sa proseso ng halalan.
Lumabas ang mga akusasyon ng panghihimasok ng China sa gitna ng umiigting na gulo sa pulitika sa Pilipinas. Bumaba nang malaki ang popularidad ni Marcos sa mga pinakabagong survey. Kasabay nito ang pagkakaaresto ng International Criminal Court kay dating pangulong Rodrigo Duterte at ang impeachment ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte, na anak niya.
Lalong dumami ang maling impormasyon kaugnay sa kaso mula nang maaresto si dating Pangulong Duterte, at ilan sa mga ito ay pinabulaanan na ng mga fact-checker ng AFP.
Hindi na bago ang mga pangamba hinggil sa mga pekeng impormasyon sa Pilipinas na nagmula sa mga Chinese. Ayon sa isang mananaliksik mula sa Digital Forensic Research Lab ang nagsabi sa AFP noong nakaraang taon, na may mga mensaheng naglalaman ng pro-China ang kumakalat sa mga online group na nakabase sa bansa, na kadalasang umaayon sa posisyon ng Beijing kaugnay ng sigalot sa South China Sea.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inaasahang magiging sentro ng usapin sa pulitika ang isyu ng panghihimasok ng dayuhan sa nalalapit na halalan ngayong Mayo. Nangako si Pangulong Marcos ng isang "masusing imbestigasyon" upang mabunyag ang katotohanan.