Ni Angelo Jo Tugado |
Habang papalapit ang halalang pang gitnang termino sa Pilipinas, nagbabala ang mga analyst sa posibleng pag-iimpluwensya ng China sa pulitika ng bansa sa pamamagitan ng mga kampanya sa social media at suportang pinansyal.
Ang pambansang halalan sa Pilipinas ay nakatakda sa Mayo 12, 2025.
Ang Beijing ay maaaring sinusubukan na palawakin ang impluwensya nito sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga kandidato na nakikita nilang paborable sa kanilang mga interes at pagpapalaganap sa social media ng mga naratibong pabor sa China, ayon sa mga nagmamasid.
Si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio, sa isang talakayan noong Pebrero 17 na pinangasiwaan ng Stratbase Institute, isang grupong pananaliksik sa Pilipinas, ay nagbabala tungkol sa mga kampanya ng impormasyong mapanlinlang. Binanggit niya ang mga nakaraang pagtanggal ng Facebook ng mga troll account na may koneksyon sa China, ayon sa Advocates Philippines.
![Ang litratong ito na kuha noong Pebrero 13 ay nagpapakita sa isang kawani ng Philippine Commission on Elections na nagpapaliwanag sa mga boluntaryo kung paano beripikahin ang isang balota sa isang pagsasanay. Habang papalapit ang halalang pang gitnang termino sa bansa, ang mga pagsisikap ng China na maimpluwensyahan ang kalagayan ng pulitika sa bansa ay pinangangambahan. [Richard James Mendoza/NurPhoto via AFP]](/gc9/images/2025/03/20/49574-afp__20250213__mendoza-philippi250213_npmyk__v1__highres__philippineselectionballotv-370_237.webp)
"Naglulunsad sila ng mga kampanya sa social media upang ipagtanggol ang ilang politiko, habang tinatangka rin nilang pagdudahan ng mga Pilipino ang ating pag-aangkin sa West Philippine Sea," sabi niya, gamit ang pangalang Pilipino para sa mga bahagi ng South China Sea na inaangkin ng Maynila.
Inaaangkin ng China ang halos lahat ng South China Sea kahit na may paghatol ang isang pandaigdigang tribunal na walang batayan ito, at paulit-ulit na nakikipagsagupaan ang kanilang coast guard sa mga taga Pilipinas, na nagdudulot ng pangambang magkaroon ng armadong tunggalian.
Ang pananaliksik mula sa AidData ay sumusuporta sa mga pangamba ni Carpio na ang China ay nanguha ng mga Pilipinong social media influencer at troll farms upang isulong ang mga naratibong pabor sa China.
Ang mga kampanyang ito ay inilalarawan ang Beijing na isang 'cooperative partner' habang binabalewala ang mga tensyon sa West Philippine Sea, ayon sa isang pag-aaral noong Setyembre ng grupong pananaliksik, sabi ng Philstar.
Pagbatikos
Sa kabila ng mga pagsusumikap ng China, patuloy na nagpapakita ang mga datos ng survey na karamihan sa mga Pilipino ay mas pinipili ang mga lider na nagtataguyod sa mga karapatang soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.
Ang isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations noong Marso 7 ay nagsiwalat na 78% ng mga Pilipino ang pabor sa mga kandidato na may matibay na paninindigan laban sa mga aksyon ng China sa lugar.
Ang pananaw na ito ay lalong matindi sa Metro Manila, kung saan 87% ng mga tumugon ang sumusuporta sa mga ganung kandidato.
Dahil nahaharap sa matinding pagtutol ng mga botante ang mga kandidatong nauugnay sa pananaw na maka-China, may ilang mga pulitikong sumusubok na baguhin ang kanilang imahe.
Ilang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte -- na binatikos dahil sa kanyang pananaw na maka-China -- ay isinaayos ang kanilang mensahe upang ipakita ang pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas, sabi ni Carpio.
“Ngayon, nagsusuot na sila ng mga t-shirt na may nakasulat na ‘West Philippine Sea,’ na para bang palagi nila ipinaglalaban ito,” ani Carpio.
“Nakita natin ito noon,” dagdag ni Carpio. “May ilang lider, matapos mahalal, biglang sinasambit ang mga naratibong maka-China.”
Ang mga video na pro-China sa YouTube ay kadalasang nakakakuha lamang ng mas mababa sa 20,000 views, at ang mga naunang pagtatangka, tulad ng music video ng embahada ng China noong 2020 na “Iisang Dagat (One Sea),” ay nagdulot ng pagbatikos mula sa publiko, iniulat ng AidData .
'Mga alipores ng mga Tsino'
Ang malawakang kawalan ng tiwala sa China ay nakaapekto sa pulitika ng Pilipinas.
Noong Pebrero 15, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang kaganapang pangkampanya na wala ni isang kandidato sa kanyang koalisyong administrasyon ang sumusuporta sa polisiyang paglapit sa China.
"Wala sa [mga kandidato namin] ang alipores ng China na nagdidiwang habang binobomba ng tubig ng malalaking barko ng China ang ating Coast Guard," aniya.
Ang dating administrasyon ni Duterte ay lubusang natutuwa pang gawing "probinsya ng China" ang Pilipinas, dagdag pa niya.
Ang paggamit sa China bilang paksa sa kampanya ay maaari maging mabisang pormula, sabi ni Dennis Coronacion, chairman ng political science department sa University of Santo Tomas sa Maynila, ayon sa AFP.
"Noon, ang foreign policy at usapin tungkol sa China ay hindi naging isyu sa halalan, kaya kung ito'y magiging... sa tingin ko'y makakakuha siya ng suporta ng maraming Pilipino," aniya, habang tinukoy ang mga survey na nagpapakita ng matibay na pananaw ng publiko laban sa China.
"Hindi nila gusto ang ginagawa ng China sa atin."