Ayon kay Li Xian |
Lalong nababahala ang mga opisyal ng South Korea tungkol sa tatlong malalaking istrukturang bakal na itinayo ng China sa isang pinagtatalunang bahagi ng Yellow Sea (na kilala sa South Korea bilang West Sea).
Ipinupunto ng Seoul na ang mga istruktura ay estratehikong hakbang ng Beijing upang igiit ang kontrol sa pinagtatalunang katubigan.
Matatagpuan ang mga kontrobersyal na istrukturang ito sa loob ng Provisional Measures Zone (PMZ), isang lugar kung saan nagsasapawan ang mga eksklusibong economic zone (EEZ) ng South Korea at China.
Nagtayo ang China ng tatlong istruktura sa pinaghahatian nilang PMZ nang hindi ipinaalam sa Seoul, sa kabila ng kasunduan noong 2001 na naglilimita sa lugar para sa pangingisda at nabigasyon.

Kabilang sa mga istrukturang ito ang dalawang palaisdaang deep-sea salmon at isang converted na oil rig na tinatawag ng Beijing na "pasilidad ng suporta." Bawat isa sa mga ito ay may polygonal na istruktura na hindi bababa sa 70 metro ang diyametro at may maraming palapag.
Giriian ng mga barko
Dagdag sa pagkabahala ng Seoul, isang barko ng South Korean fishery patrol ang nakatuklas ng isang bagong istruktura sa dagat noong Marso 2022 na kamukhang-kamukha ng isang oil drilling platform.
Ayon sa isang ulat ng Chosun Ilbo, kapansi-pansin ang pagpapalawak ng istrakturang ito mula noong 2024.
May sukat na halos 100 metro ang lapad at 80 metro ang haba nito ngayon, at may helipad at tatlong tulay na bakal, na may kapasidad ng higit sa 100 katao. Nakasaad sa ulat na na-convert ng mga Chinese ang pasilidad mula sa isang oil rig na itinigil ang operasyon.
Patuloy na pinipigilan nng Chinese coast guard at mga sibilyang sasakyang pandagat ang mga pagtatangka ng South Korea na suriin ang mga site na ito.
Isang insidente ang naganap noong huling bahagi ng Pebrero nang lumapit ang isang research vessel ng South Korea sa lugar at hinarang ito ng isang barko ng Chinese coast guard at tatlong rubber boat, na humantong sa dalawang oras na tensyonadong girian.
Ipinangangamba ng mga opisyal ng South Korea na ang halos permanenteng istraktura ay bahagi ng mas malawak na estratehiyang "salami-slicing" upang unti-unting baguhin ang kasalukuyang kalagayan sa Yellow Sea pabor sa China, isang taktikang napansin din nila sa patuloy na sigalot ng China at Pilipinas sa South China Sea, ayon sa Newsweek.
Katumbas na hakbang
Bilang tugon sa mga pangyayaring ito, ipinarating ng Foreign Ministry ng South Korea ang "malalim na pag-aalala" nito sa isang bilateral maritime dialogue noong Abril 23.
Binigyang-diin ng ministry na “hindi dapat labagin ang lehitimong karapatang pandagat” ng South Korea at hiniling na tanggalin ang tatlong istruktura ng China, at ipinahayag na anumang bagong pagtatayo sa pinagtatalunang karagatan ay hindi katanggap-tanggap.
Tinugon ito ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Guo Jiakun. Iginiit niya na para sa layuning aquaculture ang mga istruktura at hindi nilalabag ang kasunduan sa pangisdaan. Walang kaugnayan ang mga ito sa mga isyu sa hangganan ng dagat, aniya.
Gayunpaman, nagpahayag ng makabuluhang pag-aalinlangan ang mga tagamasid.
Maaaring paghahanap ng langis ang tunay na layunin ng istraktura, sinabi ni Shu Hsiao-huang, isang kasamang kapwa mananaliksik sa Institute for National Defense and Security Research ng Taiwan, sabi ng Focus.
Batay sa laki nito, "imposibleng istraktura ng palaisdaan ito," aniya, habang inihahambing ito sa estratehiya ng China na paggamit ng mga oil platform upang magpakita ng kontrol sa South China Sea.
Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), may hurisdiksyon ang mga bansang may baybayin sa mga pasilidad na itinayo sa loob ng kanilang sariling EEZ, ipinaliwanag ni Lin Ting-hui, deputy secretary-general ng Taiwan Society of International Law, na sumasang-ayon sa mga alalahaning iyon.
"Malinaw na layunin ng China na sakupin ang malalaking karapatang soberanya sa EEZ, kabilang ang pagmamay-ari ng mga yaman at hurisdiksyon," sinabi niya sa Focus.
"Isa itong lihim na taktika upang angkinin ang ating mga katubigan nang dahan-dahan at limitahan ang mga operasyon ng alyansang US at South Korea," sabi ni Jaewoo Choo, direktor ng China Research Center sa Korea Research Institute for National Security, sa isang ulat ng Financial Times noong Abril 21.
Bilang tugon sa tumitinding tensyon, inihayag ni South Korean Foreign Minister Cho Tae-yul noong Abril 28 na pinag-iisipan ng Seoul ang mga katumbas na hakbang, gaya ng pagtatayo ng sarili nitong pasilidad para sa aquaculture o base para sa pananaliksik sa agham-dagat sa pinag-aagawang lugar
Inaprubahan pa ng South Korean National Assembly ang karagdagang budget na 60.5 bilyon KRW ($44 milyon) upang kontrahin ang mga hakbang ng China.