Ayon kay Wu Qiaoxi |
Inilabas ng state broadcaster ng China na CCTV noong huling bahagi ng Abril ang isang maliit na drone na kahawig ng thermal flask at may kakayahang magdala ng maliliit na granada -- ang pinakabagong patunay ng pinabilis na pagpapaunlad ng Beijing sa compact at AI-enabled na mga sistema ng drone.
Sa pamamagitan ng estratehiyang "military-civil fusion," mabilis na inaangkop ng China ang mga teknolohiyang pangkomersyo para sa gamit-militar, na nagpapataas ng tensyon sa Taiwan Strait at South China Sea habang nagdadala ng bagong panganib sa seguridad ng rehiyon.
Ang drone, na partikular na dinisenyo para sa infantry combat, ay may timbang na mas mababa sa 1 kilo at kayang magdala ng tatlong granada. Ito ay may tahimik na operasyon at nakatagong sistema ng paghahatid. Maaaring kontrolin ng isang tao ang maramihang yunit gamit ang AI.
Ang mga sundalo ay maaring magtakda ng mga target, na nagbibigay-daan sa drone na "matuto muna; pagkatapos ay kaya na nitong magsagawa ng mga misyon nang mag-isa sa gitna ng labanan," ayon sa drone designer na si Yang Gong, batay sa ulat.
![Tampok sa isang ulat ng CCTV noong Abril 13, makikita sa larawang ito ang isang drone na kinokontrol gamit ang fiber-optic -- isang binagong komersyal na modelo na ngayon ay nilagyan ng fiber-optic control para sa pinahusay na resistensya laban sa elektronikong panghihimasok. [Chinese Central Television]](/gc9/images/2025/05/29/50583-drone_2-370_237.webp)
Ang coaxial dual-rotor system ng drone ay nagdudulot ng mas mataas na pag-angat, "na nagpapahintulot na magdala ng hanggang doble ng sarili nitong timbang -- ang pinakamataas na kilalang payload ratio sa lahat ng drone sa buong mundo," ayon sa ulat, at idinagdag pa na "maaari itong ilunsad mula sa isang 35mm grenade launcher" para sa mabilisang deployment sa frontline at biglaang pag-atake.
Bilang kauna-unahan sa uri nito, ang drone ay dinisenyo para gamitin sa mga yunit ng infantry ng People's Liberation Army (PLA), ayon pa sa ulat.
Itinampok din ng CCTV sa isa pang ulat noong Abril ang ilang kamikaze drone, karamihan ay binagong komersyal na modelo na naging tanyag sa panahon ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Taglay ang fiber-optic control at first-person view (FPV) capabilities, ang mga drone ay angkop para sa mga misyon laban sa armor at loitering munitions. Mas mataas ang resistensya ng fiber-optic systems laban sa elektronikong panghihimasok at mas matatag ang transmisyon kumpara sa mga tradisyonal na mga drone na gumagamit ng radio control.
Tampok sa ulat ang isang brigada ng PLA sa ilalim ng 71st Group Army na gumamit ng FPV drone tactics ng Ukraine at isinama ito sa fiber-optic na paggabay at AI upang mapahusay ang proteksyon laban sa elektronikong panghihimasok at mapalakas ang kakayahang umatake sa frontline.
"Ang pagbibigay-diin ng PLA sa aktuwal na aplikasyon at makatuwirang paggastos sa inobasyon ay muling naghuhubog sa kanilang mga priyoridad sa pagbili ng kagamitan," at inaasahang "magbibigay dito ng kalamangan sa panahon ng intelligent warfare," sinabi ni Zhang Xiangbo, isang AI consultant mula Guangzhou na nakasaksi sa mga pagsubok, sa South China Morning Post.
Kalidad at dami
Mahigpit na sinusubaybayan ng China ang sigalot sa Ukraine, ayon sa mga eksperto.
Nakakuha ng mahahalagang kaalaman ang mga eksperto sa militar ng China habang patuloy na umuusad ang sigalot sa Ukraine sa loob ng tatlong taon, ayon sa isang ulat ng Jamestown Foundation noong Marso.
Binago ng mga aral na ito ang pag-unawa ng mga eksperto sa kakayahan at kahinaan ng "autonomous systems na malamang ay may mahalagang papel sakaling magkaroon ng hidwaan sa Taiwan," isinulat ng mga author na sina Sunny Cheung at Joe McReynolds.
Sinabi sa ulat na mabilis ang pag-unlad ng kakayahan ng militar ng China sa larangan ng drone, na nakabatay sa malawak na karanasan at datos sa operasyon, at lalong nagiging banta sa seguridad ng rehiyon.
Sa aktuwal na operasyon, patuloy na gumagamit ang China ng drone sa panggigipit sa Taiwan, kabilang na ang mga paglipad na pumapalibot at elektronikong panghihimasok.
Ang mga drone ng China ay naging madalas at nakababahalang presensya sa himpapawid ng Taiwan at mga karatig na lugar, na nagpapakita ng unti-unting pagiging normal ng mga taktikang gray-zone na panggigipit .
Nagdeploy din ito ng mga advanced reconnaissance drone sa South China Sea upang mapahusay ang real-time na pagmamanman at paghadlang.
Ang malaking kalamangan ng China sa supply chain ng drone ay nagpapalala rin sa banta sa seguridad.
Ayon sa Drone Industry Insights, kontrolado ng China ang 90 porsyento ng pandaigdigang merkado ng komersyal na drone, kung saan ang DJI pa lamang ay may hawak na 80 porsyentong bahagi. Sa sektor naman ng fiber-optic, hawak ng China ang mahigit 60 porsyento ng pandaigdigang kapasidad.
Noong 2023 lamang, gumawa ang China ng 62.5 porsyento ng optical fiber sa buong mundo, hindi lamang para suportahan ang komunikasyon kundi para rin mapahusay ang tibay at katatagan ng mga FPV drone sa elektronikong digmaan.
Sinabi ni Michael Raska, assistant professor sa Nanyang Technological University sa Singapore, sa Voice of America noong Hulyo 2024 na kasalukuyang nagde-develop ang China ng mahigit 50 modelo ng drone, na may fleet na posibleng sampung beses na mas malaki kumpara sa pinagsamang mga fleet ng Taiwan at US.
"Ang kalamangang ito sa bilang ang siyang nagpapabilis sa modernisasyon ng militar ng China, kung saan inaasahang gagamitin ang mga drone sa lahat mula sa pangangalap ng intel bago ang labanan hanggang sa sabay-sabay na pag-atake," ayon kay Raska.
Sa tulong ng matatag na kakayahan sa industriya at mga estratehikong pambansang patakaran, mabilis na pinapaunlad ng China ang teknolohiya nito sa drone at nakakamit ang malalaking kalamangan sa parehong larangan ng teknolohiya at saklaw.
Ang lumalaking kalamangan na ito ay naglalagay ng malaking estratehikong panggigipit sa Taiwan Strait at South China Sea, na maaaring magpalala ng tensyon sa rehiyon at lumikha ng pangmatagalang hamon sa geopolitikal na katatagan.
Para sa Taiwan, ang pagtugon sa banta ng maliliit na drone ay isang mahalagang usaping pangseguridad ng bansa, na nangangailangan ng pagpapaunlad ng mga teknolohiyang kontra-drone at malayang inobasyon.