Ayon sa AFP |
PEKON, Burma -- Daan-daang katutubong Burmese ang nagmartsa paakyat sa isang burol patungo sa isang napakalaking pasilidad kung saan nakaabang ang dambuhalang makinang gilingan ng isang joint venture ng China, na handa ng gilingin ang mga bato mula sa kanilang lupang ninuno para sa tingga.
Inaasahang tataas ang demand para sa heavy metal dahil ginagamit ito sa mga baterya na kinakailangan para sa pandaigdigang paglilipat sa malinis na enerhiya.
Ngunit ang pag-extract nito ay maaaring magdulot ng polusyon sa kapaligiran. Ang mga kasapi ng tribong Pradawng ay may dala-dalang mga banner na may nakasulat na: "Walang transparency, walang pananagutan."
“Wala kaming balak na ipagpalit ang pamana ng aming mga ninuno sa pera o kayamanan,” sabi ni Khun Khine Min Naing, 24 na taong gulang na lider ng protesta.
![Ipinakikita sa isang infographic na may kasamang satellite image mula sa Planet Labs (Abril 4) ang isang minahan ng tingga sa estado ng Shan, Burma, na pinapatakbo ng isang joint venture ng China. [John Saeki/AFP]](/gc9/images/2025/06/09/50711-afp__20250605__48z88zp__v1__jpegretina__signsofexpansionatmyanmarleadmine-370_237.webp)
![Tanawin ng minahan ng tingga na suportado ng China sa bayan ng Pekon, estado ng Shan, Burma, kung saan nakapuwesto ang mga makinang gilingan na nakatakdang gamitin sa lupang ninuno, noong Mayo 2. [AFP]](/gc9/images/2025/06/09/50712-afp__20250605__48ct6fy__v1__highres__myanmarchinaminingleadenvironmentpollution-370_237.webp)
“Ang lupang ito ang dangal ng aming tribo.”
Mula noong 2021 na kudeta, winasak ng digmaang sibil ang Burma at nahati ito sa magkakahiwalay na teritoryong maluwag ang pamamahala, na madaling pinagsasamantalahan ng mga minerong walang regulasyon.
At sabik ang kalapit na China na samsamin ang mga mineral at metal na kayang ibigay ng Burma.
Ang Pradawng -- isang hindi gaanong kilalang subtribo ng etnikong Kayan -- ay tinatayang may humigit-kumulang 3,000 kasapi at may 381-taong kasaysayan sa estado ng Shan sa silangang bahagi ng Burma.
Ayon sa kanila, nakaplano na ang Four Star Company ng Burma at ang isang kasosyong Chinese, sa isang napakalaking proyektong pagmimina ng tingga sa itaas ng ilog ng kanilang nayon na Thi Kyeik, sa bayan ng Pekon.
Nagsimula nang mag-install ng mabibigat na makinarya noong Pebrero, ngunit ayon sa tribo, hindi sila kinonsulta tungkol sa proyektong ito at nangangamba silang makontamina ang lugar ng mapanganib na kemikal.
Nagbarikada sa mga kalsada ang mga katutubo upang harangin ang mga sasakyan at nagbantang kukumpiskahin ang mga kagamitan sa pagmimina, isang matapang na hakbang sa isang bansang ang karapatang magtipon ay madalas nakadepende sa kagustuhan ng mga armadong bantay.
“Ang hinihingi lang namin ay ang mga karapatang pangkatutubo na dapat ay sa amin,” sinabi ni Khun Khine Min Naing sa AFP, kasabay ng panawagang itigil muna ang mga plano sa pagmimina hanggang matapos ang digmaan at magkaroon ng sibilyang pamahalaan na maaaring magsuri nito.
Likas na yaman
Ang tingga ay isang nakalalasong metal na karaniwang minimina para gamitin sa mga lead-acid na baterya.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pagkuha nito ay maaaring magdulot ng polusyon sa lupa at sa pinagkukunan ng tubig, kung saan ang mga bata ang pinakananganganib kapag nalantad dito.
“Ayaw naming iwan ang lupang ito sa susunod na henerasyon na napinsala ang kalikasan,” sabi ni Khun Khine Min Naing. “Ayaw naming ituring kaming mga kriminal ng kasaysayan.”
Ayon sa Pradawng, aktibo sa lokal ang Four Star Company nang dalawang dekada na at konektado ito sa namumunong partido sa lokal na Kayan New Land Party, na ang armadong sangay ay nagpapanatili ng tigil-putukan kasama ang militar ng Burma.
Hindi matawagan ang kumpanya para sa kanilang pahayag.
Mahirap tukuyin ang kanilang kasosyo na kumpanyang Chinese, at ayon sa mga katutubo, lumitaw lamang ang partisipasyon nito nang dumalo ang mga kinatawan nito sa isang pinagsanib na pagpupulong kasama ang Four Star Company na layuning tugunan ang pagtutol ng komunidad.
Magkabahagi ang China at Burma sa 2,100 kilometrong hangganan at matagal na itong naging pangunahing pamilihan ng bansa para sa likas na yaman nito, kabilang ang jade, mga batong hiyas, trosong teak, at mga mineral na metal.
Ayon sa datos ng World Bank noong 2023, binibili ng China ang halos 98% ng lead ore at concentrate na ine-export ng Burma.
Sinasabi ng mga datos na 49,000 tonelada na nagkakahalaga ng $20 milyon ang in-export sa China noong taong iyon, ngunit malamang na mas mababa ito kaysa sa totoong halaga.
Ang kawalan ng sentralisadong awtoridad ay nagpapahirap sa pagsubaybay sa tunay na lawak ng mga operasyon ng pagmimina sa buong Burma.
Ngunit ayon sa pagsusuri ng satellite imagery ng isang hotspot sa hangganan ng Burma at China na isinagawa ng Center for Information Resilience na nakabase sa Britain, halos dumoble ang lawak ng mga operasyon ng pagmimina doon mula 2018 hanggang 2024.
'Mga bato na lang'
Laganap ang paggamit ng mga rechargeable lead-acid na baterya sa mga sasakyan, kabilang ang mga de-kuryenteng sasakyan, kung saan nagbibigay ang mga ito ng karagdagang kuryente. Ginagamit din ang mga ito para sa pag-iimbak ng enerhiyang nagmumula sa mga renewable na teknolohiya gaya ng hangin at araw.
Ang metal na ito, na kinilala ng WHO bilang “isa sa 10 kemikal na may malalaking banta sa pampublikong kalusugan”, ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang $2,000 kada pinong tonelada sa pandaigdigang pamilihan.
Ngunit hinala ng mga Pradawng na wala silang makikitang kahit kaunting bahagi ng kita.
Bukod sa banta sa kalusugan, nangangamba ang mga katutubo sa pinsalang pangkapaligiran nito. Ayon sa mga tagabaryo, ang pagdami ng pagmimina nitong mga nakaraang taon ay nagdulot ng mas madalas na pagbaha at pagguho ng lupa na umanod ng buong kabahayan.
Ikinabubuhay ni Mu Ju July, 19, ang paghahanap ng mga maliliit na tira-tirang tingga mula sa mga tambak ng basura ng minahan at ibinebenta ito.
Ang biglaang pagdagsa ng pagmimina ay maaaring maging malaking biyaya para sa kanya, ngunit nangangamba siya na masisira nito ang kabuhayan at mga tahanan ng mga susunod na henerasyon.
“Kung papayagan namin sila, magiging ayos lang kami sa loob ng isa o dalawang taon,” sabi niya.
“Mga bato na lang ang matitira pagdating ng panahon para sa aming mga anak.”