Kakayahan

Japan, pinalalakas ang depensa sa pagsasagawa ng unang missile test sa sariling teritoryo sa gitna ng tensyon sa China

Dating nakatali sa mga prinsipyong pasipista pagkatapos ng digmaan, pinalalakas ng Japan ngayon ang mga kakayahan nito sa depensa upang hadlangan ang sa tingin nito'y tumitinding paninindigang militar ng China.

Nagsagawa ang Japan ng una nitong surface-to-ship missile test sa loob ng bansa, partikular na sa Hokkaido, noong Hunyo 24. [AFP]
Nagsagawa ang Japan ng una nitong surface-to-ship missile test sa loob ng bansa, partikular na sa Hokkaido, noong Hunyo 24. [AFP]

Ayon kay Wu Qiaoxi |

Sa gitna ng tumitinding tensyon sa Beijing, gumagawa ang Japan ng mahahalagang hakbang upang palakasin ang depensa sa sariling teritoryo, kabilang na ang pagsasagawa ng kauna-unahang surface-to-ship missile test.

Noong Hunyo 24, pinaputok ng Japan Ground Self-Defense Force (JGSDF) ang isang Type 88 surface-to-ship missile mula sa Shizunai training range sa hilagang bahagi,ng Hokkaido.

Tinatayang 300 sundalo mula sa First Artillery Brigade ang lumahok sa nasabing pagsasanay, kung saan ang target ay isang hindi na ginagamit na barko na nasa mga 40 kilometro mula sa katimugang baybayin ng Hokkaido, ayon sa mga lokal na media.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinagawa ang ganitong missile launch sa mismong teritoryo ng Japan. Dahil dati, sa United States o Australia isinasagawa ang mga live-fire exercise bunga ng kakulangan sa espasyo at mga alalahanin sa kaligtasan.

Nagpakuha ng larawan ang mga kabilang sa Western Army ng Japan Ground Self-Defense Force (JGSDF) katabi ng V-22 Osprey, ang kauna-unahang dumating sa bagong air base sa Saga noong Hulyo 9. [JGSDF Western Army/x.com]
Nagpakuha ng larawan ang mga kabilang sa Western Army ng Japan Ground Self-Defense Force (JGSDF) katabi ng V-22 Osprey, ang kauna-unahang dumating sa bagong air base sa Saga noong Hulyo 9. [JGSDF Western Army/x.com]
Nakapila ang mga F-35B Lightning jet sa flight deck ng HMS Prince of Wales habang papasikat ang araw sa Exercise Nordic Response 24 noong Disyembre 2024. Ang aircraft carrier, na kasalukuyang nasa Indo-Pacific bilang bahagi ng Operation Highmast kasama ang mga F-35B Lightning jet nito, ay inaasahang magsasagawa ng mga magkasanib na drill kasama ang Japan sa karagatan malapit sa China. [UK Ministry of Defense]
Nakapila ang mga F-35B Lightning jet sa flight deck ng HMS Prince of Wales habang papasikat ang araw sa Exercise Nordic Response 24 noong Disyembre 2024. Ang aircraft carrier, na kasalukuyang nasa Indo-Pacific bilang bahagi ng Operation Highmast kasama ang mga F-35B Lightning jet nito, ay inaasahang magsasagawa ng mga magkasanib na drill kasama ang Japan sa karagatan malapit sa China. [UK Ministry of Defense]

Sa tinatayang saklaw na humigit-kumulang 100 kilometro, ang Type 88 ay mahalagang bahagi ng depensa ng Japan laban sa mga sasakyang pandagat.

Ayon kay Masafumi Iida, direktor ng security studies sa National Institute for Defense Studies, sa panayam ng South China Morning Post (SCMP) noong huling bahagi ng Hunyo, na ang live firing ay patunay na "ang mga pagsisikap ng Japan na magkaroon ng kakayahan at magsanay sa pag-asinta mula sa malalayong distansya ay may ibinubungang pag-unlad, na pinalalakas nito ang pagpigil ng Japan sa China."

Nagsisikap ang Japan na i-upgrade ang kanilang mga missile arsenal sa pamamagitan ng pagbuo ng mas pinalawak na bersyon ng Type 12 surface-to-ship missile, na tinatayang aabot ng hanggang 1,000 kilometro.

Tinawag ni Grant Newsham, senior fellow sa Japan Forum for Strategic Studies, na "matalinong hakbang" ang paglulunsad dahil "nagising na ang Japan" at mas sineseryoso na nito ang kanilang depensa sa gitna ng patuloy na panghihimasok ng China, ayon sa ulat ng SCMP.

Tumitinding tensyon

Nililimitahan ng saligang-batas ng Japan ang hukbo nito sa depensa lamang, ngunit mula nang pinagtibay ang 2022 National Defense Strategy, itinuturing na ng Tokyo ang China bilang "pinakamalaking estratehikong hamon" at binigyang-diin ang mas malapit na ugnayan sa US.

Lalong tumindi ang tensyong militar sa pagitan ng Japan at China nitong mga nakaraang buwan, kasabay ng pagpapalawak ng presensya ng Beijing sa karagatan at himpapawid sa buong East Asia.

Noong Hunyo, sa kauna-unahang pagkakataon, nagsagawa ng sabayang operasyon sa Pasipiko ang mga Chinese carrier na Liaoning at Shandong, kung saan paulit-ulit na dumaan malapit sa mga isla sa katimugang bahagi ng Japan.

Habang isinasagawa ang mga drill, isang Chinese J-15 mula sa Shandong ang lumipad sa layong 45 metro lamang mula sa isang reconnaissance plane ng Japan, na nagresulta sa isang mapanganib na engkuwentro.

Noong Hulyo 9, isang Chinese JH-7 bomber ang lumipad din nang halos 30 metro ang lapit sa isa pang Japanese surveillance aircraft, ayon sa ulat ng Kyodo News.

Samantala, nananatiling mataas ang tensyon sa East China Sea.

Inanunsiyo ng pamahalaan ng Japan noong Hulyo 10 na namataan ang mga sasakyang pandagat ng Chinese coast guard sa paligid ng pinagtatalunang Senkaku Islands (kilala sa China bilang Diaoyu) sa loob ng 234 na magkakasunod na araw -- isang bagong rekord mula nang isailalim ng Tokyo sa nationalization ang mga isla noong 2012.

Inakusahan ng Tokyo ang Beijing sa pagtatayo ng bagong istruktura sa panig ng China sa median line ng East China Sea, sa isang lugar na pinaghihinalaang may mga reserba ng langis at gas.

Dahil sa pangamba sa pansariling pag-unlad ng China, lumipad ang mga mambabatas ng Japan sa nasabing lugar sakay ng military aircraft noong Hunyo 29 upang magsagawa ng inspeksyon. Pagkatapos noon, binigyang-diin nila ang halaga ng "pagtitiyak na hindi mapagsasamantalahan ng China ang mga yaman ng Japan."

Binalaan ni Prime Minister Shigeru Ishiba sa isang mataas na antas na pagpupulong ng JSDF noong huling bahagi ng Hunyo na “tinatangkang baguhin ng China ang status quo sa East at South China Sea gamit ang puwersa.”

"Kailangan nating mas palakasin pa ang ating paghadlang upang pigilan ang paglaganap ng agresyon sa ating teritoryo," aniya, kalakip ang pangakong isusulong ang mga reporma sa depensa sa ilalim ng National Security Strategy.

'Mas malakas na paghadlang'

Bilang isa pang pangunahing hakbang upang palakasin ang depensa sa timog kanluran, sinimulan ng Japan ang pagtatalaga ng 17 V-22 Ospreys sa bagong bukas na permanenteng base sa Saga noong Hulyo 9.

Pansamantalang nakatalaga sa Chiba Prefecture ang mga sasakyang panghimpapawid sa nakalipas na limang taon. Ang paglilipat na ito ay sumusuporta sa estratehiya ng Japan para hadlangan ang pagpapalawak ng teritoryo ng China sa karagatan at tiyakin ang seguridad ng Nansei island chain -- isang estratehikong mahalagang lugar dahil sa lapit nito sa Taiwan.

Makikipagtulungan ng lubusan ang mga Ospreys sa Amphibious Rapid Deployment Brigade ng Japan upang mapabuti ang kakayahang kumilos at tumugon sa mga krisis.

Ayon sa isang senior official ng JSDF sa panayam ng Mainichi Shimbun, ang pagtatalaga na ito "ay magsisilbing mas matibay na panangga hindi lamang sa China kundi maging sa ibang mga bansa."

Pinapalalim ng Japan ang pandaigdigang pakikipag-ugnayang militar nito.

Inaasahang magsasagawa ng mga magkasanib na drill ang British aircraft carrier na HMS Prince of Wales kasama ang Japan sa mga karagatang malapit sa China ngayong Agosto at Setyembre.

Binabantayang mabuti ng mga tagamasid kung lalapag ang mga British F-35B fighter sa mismong Japanese helicopter destroyer na Kaga, isang hakbang na itinuturing na bagong yugto sa pakikipagtulungan ng mga kaalyado sa Indo-Pacific, ayon sa ulat ng The Japan Times nitong unang bahagi ng Hulyo.

Mula sa kauna-unahang missile test sa loob ng bansa hanggang sa pinalawak na pagtatalaga sa timog kanluran, lumalampas na ang Japan sa postwar pacifism at nagpapatupad ng mas maagap na depensa bilang tugon sa mga lumalaking ambisyon ng China sa rehiyon.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *