Ayon kay Jia Feimao |
Upang baguhin ang anyo ng depensa nito sa karagatan at hadlangan ang posibleng pananalakay ng China, naghahanda ang Taiwan na bumili ng malaking bilang ng mga uncrewed surface vehicles (USVs) na gawa sa bansa sa susunod na taon. Ang mga ito ay gumagamit ng teknolohiyang hango sa mga inobasyon ng Ukraine sa larangan ng digmaan, na inangkop para sa asimetrikong estratehiya ng isla.
Ang maliliit na sasakyang ito, na kinokontrol mula sa malayo, ay maaaring lagyan ng pampasabog at itutok sa mga barko, o kaya'y gamitin sa mga opensiba sa himpapawid.
Isang halimbawa ang Sea Shark 800 ng Thunder Tiger Technology, isang napakabilis na USV na gawa sa aluminum at maaaring gamitin sa mga swarm operation.
Sa kakayahan nitong umabot sa bilis na higit sa 50 knots at makatakbo ng hanggang 600 kilometro, dinisenyo ang Sea Shark upang makapagdala ng kargang may bigat na 1,200 hanggang 1,500 kilo. Madali rin itong gamitin at mabilis ilunsad.
Ang mga kakayahang ito ay maaaring makapagpabago sa mga plano ng China para sa pananalakay, ayon kay William Chen, ang bumuo ng nasabing kagamitan.
"Maaari kaming lumikha ng kawalang katiyakan. Maaari naming punuin ang Taiwan Strait ng mga panganib. Walang makakaalam kung saan susulpot ang mga panganib na ito," sabi niya sa Reuters noong kalagitnaan ng Hunyo.
Matapos magtagumpay ang Ukraine sa paggamit ng mga unmanned sea drone upang paralisisin ang Black Sea Fleet ng Russia, pinagbubuti ng Taiwan ang mga pagsisikap na gamitin at iangkop ang mga teknolohiyang katulad nito.
"Ang paghadlang sa mga kalabang puwersa sa karagatan at ang pag-iwas sa mga labanan sa lupa ang pinakamabisang taktikang pangdepensa ng Taiwan," ayon kay Su Tzu-yun, direktor ng Strategic and Resources Research Division ng Institute for National Defense and Security Research, sa Focus.
Ang mga suicide USV, kapag ipinareha sa mga multiple launch rocket system tulad ng Thunderbolt-2000 at High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS), ay maaaring maging banta sa mga landing operation ng China na hindi maaaring balewalain ng People's Liberation Army (PLA), aniya.
"Ang mga sasakyang hindi nangangailangan ng lulan na tao upang patakbuhin ito, maging sa ibabaw o ilalim ng dagat, ay magiging epektibo sa paghadlang sa China dahil hindi Taiwan ang sumasalakay; kami ang dumedepensa," sabi ni Chen Kuan-ting, isang mambabatas mula sa Democratic Progressive Party (DPP) at miyembro ng Foreign Affairs and Defense Committee ng Taiwan, sa isang panayam ng Reuters.
Pagsubok sa teknolohiya
Sa isang demonstrasyon kamakailan sa Su'ao, northeastern Taiwan, ipinakita ng tatlong kumpanyang Taiwanese ang mga kakayahan ng kanilang mga USV noong Hunyo. Kabilang dito ang Thunder Tiger, Lungteh Shipbuilding, at Carbon-Based Technology.
Bagama't may mga pagkakataong nawalan sila ng kontrol sa kani-kanilang USV, na diumano’y dulot ng mga isyu sa low-orbit satellite bandwidth, ipinakita ng kaganapang ito ang pag-unlad ng unmanned fleet ng Taiwan, ayon sa Military Media.
Ipinakita ng Lungteh Shipbuilding, isang kontratista para sa proyektong "Swift and Sudden" (Kuaiqi) ng Ministry of National Defense, ang Kuroshio USV -- isang napakabilis na sasakyan na may kakayahang magkubli at may saklaw na 250 kilometro.
Inaasahang matatapos ngayong taon ang mga pagsubok sa Kuaiqi, isang proyektong sinusuportahan ng budget na 800 milyong NTD ($27.2 milyon), at maaaring simulan ang maramihang produksyon nito sa 2025.
Samantala, ang Carbon Voyager 1 ng Carbon-Based Technology ay gawa sa aerospace-grade carbon fiber composite, na nagbibigay dito ng magaan, malakas, at matibay na katawan.
Kaya nitong magdala ng mahigit 100 kilo ng mga kagamitan para sa isang misyon, umabot sa bilis na 32 knots, at ang pinakamalaking saklaw nito ay 120 kilometro.
Upang mapabilis ang pagsulong ng mga ito, nakipagtulungan ang National Chung-Shan Institute of Science and Technology (NCSIST) ng Taiwan sa Auterion, isang Amerikanong kumpanya na may kaalaman sa larangan ng depensa, upang pag-isahin ang mga drone software na napatunayan nang epektibo sa mga labanan at ang mga bagong disenyo ng USV.
Layunin ng NCSIST na palalimin ang integrasyon ng artificial intelligence, paganahin ang autonomous navigation, paigtingin ang matalinong paggawa ng desisyon, at lubusang pagbutihin ang pagkilos nito sa mga kumplikadong kontekstong maritime, ayon sa ulat ng Central News Agency ng Taiwan.
Isang pangunahing priyoridad
"Ang mga drone ay isang pangunahing priyoridad ng United States at ng Taiwan," sabi ni Rupert Hammond-Chambers, ang presidente ng US-Taiwan Business Council, na kamakailan ay pinamunuan ang isang US defense industry delegation na bumisita sa Taiwan.
"Kitang-kita na ang nagaganap na hidwaan sa Ukraine ay nagbibigay-tuon sa magiging anyo ng susunod na henerasyon ng digmaan," aniya.
Ang hukbong-dagat ng Taiwan ay nananatiling lubhang nalalamangan ng hukbong-dagat ng China sa laki at dami ng mga armas, subalit maaaring magamit ng Taiwan ang heograpiya at teknolohiya sa pamamagitan ng mga USV upang maging patas ang labanan.
Ang Taiwan ay may kakayahang gumawa ng mga world-class na sea drone, ani Peter Chen, executive director ng Taiwan Tactical Research and Development Association.
"Ngunit pagdating sa paggamit nito, kung paano gagawing mahuhusay na sandata ang mga ito, hindi na iyon responsibilidad ng mga pribadong kumpanya. Ang pananaw ng pamahalaan at militar kung paano gagamitin ang mga sandatang ito at isasama sa estratehiya sa pakikidigma ay kailangang pag-isipan pa," aniya.
Bukod sa papel na ginagampanan nito sa panahon ng digmaan, maaari ring gamitin ang mga USV sa pagmamatyag sa panahon ng kapayapaan, na tumutulong punan ang mga limitasyon ng mga radar, ani Su Tzu-yun.
Bilang bahagi ng asymmetric warfare strategy ng Taiwan, ang mga ganitong platapormang hindi madaling mapansin ay makapagbibigay ng mga paraan ng pagsubaybay sa mga gawain sa karagatan at pagtugon sa mga gray-zone na pagbabanta.
Matapos ang ilang insidente ng pagpuslit ng mga Chinese sakay ng mga rubber boat, nagpahayag ng interes ang coast guard ng Taiwan sa paggamit ng mga USV upang bantayan ang mga blind spot ng radar at makakuha ng real-time na visual data mula sa sea level.
Sa kabila ng mga teknikal na suliranin, malinaw ang direksyong kanilang binabalak tahakin. Ang depensa ng Taiwan ay hinuhubog ng mga aral mula sa digmaan ng makabagong panahon: maliit, matalino, at gawa sa sariling bansa.