Seguridad

Pilipinas, hindi nagpadala sa panggigipit ng China, BRP Sierra Madre, nananatili sa Ayungin Shoal

Nangangako ang Maynila na patuloy na bibigyan ng supplies ang mga sundalo nito sa isinadsad na barko at ituturing na 'red line' ang anumang maaaring pagtatangka ng China na alisin ito doon.

Noong Agosto 20, namataan ang mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard na nagsasagawa ng mga pagmamaniobra at mga pagsasanay gamit ang mga water cannon. Ilang maliliit na bangka, kabilang ang mga rigid-hulled inflatable boat at mabibilis na bangkang may mga nakakabit na armas, ang ipinuwesto rin sa loob ng shoal. [Armed Forces of the Philippines/X]
Noong Agosto 20, namataan ang mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard na nagsasagawa ng mga pagmamaniobra at mga pagsasanay gamit ang mga water cannon. Ilang maliliit na bangka, kabilang ang mga rigid-hulled inflatable boat at mabibilis na bangkang may mga nakakabit na armas, ang ipinuwesto rin sa loob ng shoal. [Armed Forces of the Philippines/X]

Ayon sa Focus |

Nangako ang Pilipinas na patuloy nitong susuportahan ang mga sundalong lulan ng isinadsad na BRP Sierra Madre sa Second Thomas Shoal, na kilala sa Pilipinas bilang Ayungin Shoal at tinatawag namang Renai Jiao ng China, sa kabila ng patuloy na paglakas ng presensya ng Beijing sa dagat.

Iginiit ng Maynila na magpapatuloy ang mga resupply mission at walang makapupuwersa sa mga marinong lisanin ang barko.

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Agosto 28 na umalis na mula sa shoal ang isang Chinese navy tugboat na noon ay pinangangambahang maaaring humila sa Sierra Madre, ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer.

"Hindi na muling namataan ang tugboat… Pagkatapos ng Agosto 26, hindi na ito nakita," sabi ni Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy. Binigyang-diin din niya na "kakailanganin ng higit pa sa isang tugboat upang mahila" ang barko.

Makikitang nakadaong ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea noong Nobyembre 10, 2023. [Jam Sta Rosa/AFP]
Makikitang nakadaong ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea noong Nobyembre 10, 2023. [Jam Sta Rosa/AFP]

Mula pa noong 1999, mahigpit nang nakaangkla ang barko rito bilang pagpapakita ng presensya ng Maynila sa mga pinag-aagawang karagatan.. Isang maliit na pangkat ng mga marinong Pilipino ang nananatili sa barko.

Ang pag-alis ng tugboat ay itinuturing ng Maynila bilang pagpapamalas ng katatagan ng Pilipinas sa pagpapanatili ng Sierra Madre sa shoal.

Iniulat ng AFP ang pagdagsa ng mga barko ng China sa paligid ng shoal noong Agosto 20. Kabilang rito ang limang sasakyang pandagat ng China Coast Guard, 11 mabibilis na bangka na may malalakas na armas, siyam na bangka ng maritime militia,isang helicopter at isang drone.

“Hindi karaniwan para sa China na subukan ang kanilang mga water cannon, ipakita ang tila malalakas na machine gun na nakatakip, at magbaba ng lambat-pangisda na maaaring makasagabal sa mga sasakyang pandagat," sinabi ni Trinidad sa mga reporter sa isang panayam sa telepono, ayon sa ulat ng Inquirer.net noong Agosto 23. Mabilis na tinanggal ng mga Pilipinong sundalo ang mga lambat.

Mapanganib na pagmamaniobra

Kabilang sa mga ginagawa ng China ang paglapit sa mga barko ng Pilipinas at paggamit ng mga water cannon, na nagdudulot ng mga pangambang tataas ang tensyon.

Binigyang-diin ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mga marinong Pilipino sa Sierra Madre.

Ayon sa kanya, sumasagisag ang outpost sa soberanya ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) nito. "Kahit na nasa mga rubber boat lamang kami na humaharap sa mas malalaking barko, patuloy namin silang itutulak palayo at hindi namin sila hahayaang makalapit," dagdag pa niya.

Nangako ang Maynila na ipagpapatuloy ang mga resupply mission. Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang mga operasyong ito ay "regular na misyong pantao" na isinasagawa sa ilalim ng soberanya ng Pilipinas.

“Ang pagpapalit-palit ng mga tao namin at ang pagbibigay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng aming mga puwersa ay isang moral na obligasyon ng pamunuan ng Armed Forces. Anuman ang pagbabanta, pagpipilit o agresibong aksyon, isasagawa pa rin namin ito," sabi ni Trinidad.

Ayon kay Brawner, ang pagkamatay ng isang Pilipino ang magiging "red line" para sa AFP. "Kung may mamatay na isang Pilipino, iyon ang red line. Lagi kaming handa sa anumang sitwasyon."

Iniutos niya sa mga sundalong pigilan ang anumang tangkang pagsakay ng mga Chinese sa barko ng Pilipinas.

Pagtaas ng tensyon

Ayon sa lokal na media , sinabi ni Trinidad na tumaas ang bilang ng mga barko ng China malapit sa shoal. Mula sa karaniwang pitong bangka ng militia at dalawang sasakyang pandagat ng coast guard, umabot ito sa hanggang 20 noong Agosto 20, bago bahagyang bumaba sa 13 bangka ng militia, dalawang sasakyang pandagat ng coast guard at isang navy tugboat pagsapit ng Agosto 25.

Iniuugnay ng mga opisyal ng Pilipinas ang pagdagsa ng mga barko ng China sa mga tensyon sa rehiyon matapos ang banggaan ng dalawang barko ng China sa Scarborough Shoal noong unang bahagi ng Agosto.

Ang ikinilos ng China at pag-angkin sa teritoryo "ay hindi lamang dapat ikabahala, kundi dapat kondenahin dahil ito ay malinaw na paglabag sa internasyonal na batas," ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. noong Agosto 22 sa isang pinagsamang press conference sa Maynila kasama ang kanyang bisitang Australian counterpart na si Richard Marles.

Ang mga misyon ng Pilipinas na pagre-resupply sa Sierra Madre ay lumabag sa soberanya ng China, ayon sa Beijing.

Matatag ang paninindigan ng Maynila

Ayon sa Maynila, ang barko ay isang legal na outpost sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Binanggit nito ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea.

Mahigit 60% ng pandaigdigang kalakalan sa dagat, na nagkakahalaga ng mahigit sa $3 trilyon bawat taon, ay dumadaan sa South China Sea. Inaangkin ng Beijing ang halos buong estratehikong daanang-tubig sa kabila ng salungat na pag-aangkin ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia at Brunei.

Ayon sa Maynila, nananatili itong nangangako sa pagpoprotekta ng soberanya nito, titiyakin ang pagre-resupply para sa mga sundalo sa Sierra Madre, at lalabanan ang panggigipit ng mga pwersang pandagat ng Beijing.

Pinuri ni Brawner ang tatag ng mga marinong Pilipino na nananatili sa Sierra Madre. "Mahirap ang ginagawa ng aming mga sundalo sa BRP Sierra Madre… gayunpaman, patuloy silang nagseserbisyo nang may dignidad."

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *