Ayon sa AFP |
MANILA – Sinuspinde ng Pilipinas ang isang siyentipikong survey sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea noong Enero 25 dahil sa "mapanganib" na panghaharas mula sa mga sasakyang pandagat at eroplano ng Chinese navy at coast guard.
Isinagawa ng tatlong barko ng Chinese Coast Guard at apat na mas maliliit na bangka ang mga 'agresibong maniobra' laban sa dalawang barko ng Philippine Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at kanilang mga inflatable boat noong Enero 24 malapit sa isla ng Thitu, ayon sa pahayag ng Philippine Coast Guard.
Ayon sa Coast Guard, ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ay may sakay na mga dalubhasang mananaliksik na naglalayong magsagawa ng "marine scientific survey at sand sampling" sa isang sandbar sa Thitu, ang pinakamalaking isla na inaangkin ng Pilipinas sa pinag-agawang Spratlys.
Ang Thitu ay nasa 430km mula sa pangunahing isla ng Palawan sa Pilipinas at higit sa 900km mula sa pinakamalapit na pangunahing lupaing Tsino, ang isla ng Hainan.
Ang mga pwersang Tsino ay nagkakampo sa Subi Reef malapit sa Thitu.
Isang helicopter ng Chinese Navy ang "lumipad nang mababa sa hindi ligtas na altitude" sa ibabaw ng mga inflatable boat ng Philippine Fisheries Agency, "na nagdulot ng pangamba sa panganib na dala ng malakas na hangin mula sa mga elisi nito," ayon sa pahayag ng Coast Guard ng Manila.
"Dahil sa patuloy na panggigipit at kawalan ng pagpapahalaga sa kaligtasan na ipinakita ng puwersang pandagat ng Tsina," sinabi ng Philippine Coast Guard na sila at ang ahensya ng fisheries ay "nalungkot sa sapilitang pagpapatigil ng kanilang isinasasagawang survey. Sila ay hindi rin nakapagkolekta ng mga sample ng buhangin" mula sa mga hindi okupadong mga sandbar malapit sa Thitu.
Sa kabila ng "mapanganib na komprontasyon," wala namang naganap na aksidente, ayon sa Philippine Coast Guard.
Sinabi ng Chinese Coast Guard sa isang pahayag noong Enero 25 na pumasok ang mga bangka ng Pilipinas sa mga katubigan malapit sa Tiexian Reef, na tinatawag ng China na Sandy Cay, ilang kilometro mula sa Thitu, at napilitang itong umalis.
Ayon sa Beijing, ang mga nakasakay sa mga bangka ng Pilipinas ay "nagtangkang lumapag nang ilegal" upang mangolekta ng mga sample ng buhangin sa kabila ng "hindi matinag na soberanya" ng China.
Hinamak ng mga Tsino ang desisyon ng isang internasyonal na tribunal.
Inaangkin ng China ang halos lahat ng pinag-aagawang mga daang-dagat, tinatanggihan ang mga pag-aangkin ng ibang bansa kabilang na ang Pilipinas, at ang desisyon ng isang internasyonal na tribunal na ang kanilang pag-angkin ay walang legal na basehan.
Nagtalaga ito ng mga sasakyang pandagat ng navy at coast guard nitong mga nakaraang buwan upang hadlangan ang Pilipinas sa mga mahahalagang reef at isla sa South China Sea.
Gayundin, noong Enero 24, sa parehong araw ng insidenteng malapit sa Thitu, muling nagsagawa ng supply mission at rotation ng mga tropang nagbabantay sa isang sirang barko ng navy na nakasadsad sa sa Second Thomas Shoal sa Spratlys, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs.
Sadyang ipinasadsad ng Maynila ang barko sa bahura upang igiit ang kanilang pag-angkin sa lugar.
Nagtaas ng alarma ang gobyerno ng Pilipinas noong Enero kaugnay ng mga barko ng Chinese Coast Guard na nagpapatrolya malapit sa pangunahing isla ng Luzon, at tinawag itong "taktika ng pananakot" ng Beijing upang hadlangan ang pangingisda ng mga Pilipino.
Tinanggihan ng China ang mga paratang at sinabi ng isang tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs na ang kanilang pagpapatrolya ay "alinsunod sa batas."