Ayon kay Wu Qiaoxi |
Lumalalim ang ugnayang pang-ekonomiya ng China at Brunei, habang gumagawa ang Brunei ng mga pagpili na maaaring makaapekto sa diplomatikong awtonomiya nito.
Noong unang bahagi ng Agosto, dumating ang trenching ship ng China na Hai Yang Shi You 295 sa Muara, ang pinakamalaking pantalan ng Brunei. Itinuring itong unang pagbisita ng barko sa bansa, kung saan ito'y maglalatag ng mga tubo sa ilalim ng dagat para sa mga offshore oil field. Ipinakikita nito ang lalong lumalalim na pagtutulungan ng dalawang bansa.
Pakikipagtulungan sa China
Ang pagpapalawak ng pantalan ng Muara ay mas malinaw na indikasyon ng lnas malapit na ugnayan ng China at Brunei. Ang pantalan, na magkatuwang na pinamamahalaan ng isang negosyong pag-aari ng pamahalaan ng China at pamahalaan ng Brunei, ay magdaragdag ng container terminal na kayang tumanggap ng mga barkong may kapasidad na 50,000 tonelada, palawakin ang mga puwesto, at paunlarin ang kasalukuyang mga pasilidad.
Ayon sa ulat ng Xinhua noong Agosto, ang proyekto ay may kabuuang pamumuhunan na 2 bilyong CNY ($278 milyon) at inaasahang matatapos sa katapusan ng 2027. Kapag natumpleto na ito, inaasahang dodoble o higit pa ang kapasidad ng pantalan.
![Isinagawa ng USS Emory S. Land (nasa unahan) ang isang passing exercise kasama ang hukbong-dagat ng Brunei habang papalabas ng Muara, Brunei, matapos ang pagdaong nito sa pantalan noong Disyembre 12. Ipinakikita ng pagsasanay na ito ang ugnayang pangseguridad ng Brunei at United States. [Mario E. Reyes Villatoro/US Marine Corps/DVIDS]](/gc9/images/2025/09/08/51864-8818778-370_237.webp)
![Lumapag sa Brunei sa kauna-unahang pagkakataon ang C909 na gawang China matapos itomg lumipad mula Guangzhou, China, noong Disyembre 31. [Li Meng /Xinhua via AFP]](/gc9/images/2025/09/08/51865-afp__20250101__xxjpbee007166_20250101_pepfn0a001__v1__highres__bruneibandarseribegaw-370_237.webp)
Ang pagpapalawak ng Muara ay "lubos na magpapahusay sa kapasidad ng pantalan sa paghawak ng kargamento at mas mahusay na makapagsisilbi sa pag-unlad ng ekonomiya ng Brunei at sa kooperasyon ng dalawang bansa sa ilalim ng BRI [Belt and Road Initiative],” sinabi ng Sino-Bruneian Muara Port Co., ayon sa Xinhua noong Agosto.
Hindi ibinunyag ng mga pinagkukunan ng impormasyon kung aling utang ang inaako ng Brunei bilang bahagi ng proyektong ito.
Ang BRI ay isang inisyatiba ng China para magtayo ng imprastruktura sa buong mundo na magdadala sa China ng raw materials galing sa mahihirap na bansa. Binatikos ito ng maraming kritiko bilang isang bitag ng utang para sa maraming bansa na walang kamalay-malay sa panganib ng pag-utang sa China.
Nauubusan ng langis at gas
Matagal nang umaasa ang ekonomiya ng Brunei sa langis at gas, ngunit inaasahang mauubos ang mga mapagkukunang-yaman nito sa loob ng 30 na taon.
Noong 2007, ipinakilala ng pamahalaan ang kanilang “Wawasan Brunei (Brunei Vision) 2035” na blueprint para sa kaunlaran. Hango sa “Vision 2030” ng Saudi Arabia, layunin ng estratehiyang ito na bawasan ang pagsalalay sa langis.
Mula noong 2018, ang Wawasan Brunei 2035 ay kahanay na ng BRI.
Kabilang sa mga pangunahing proyekto ang isang petrochemical refinery at ang Temburong Bridge, na pinakamahabang tulay sa Southeast Asia.
Sa pagbisita ni Sultan Haji Hassanal Bolkiah sa China noong Pebrero, naglabas ang dalawang bansa ng pinagsamang pahayag na nangangako ng pagtutulungan nila sa paggalugad ng South China Sea para sa langis at gas.
Pumayag silang “magtulungan sa pagpapaunlad ng mga pinagkukunang-yaman sa mga lugar na napagkasunduan,” nang hindi isinisiwalat ang mga lokasyon nito.
Ipinakikita ng pahayag ang maingat na pamamaraan ng Brunei sa South China Sea: sa pag-iwas nitong tuwirang sitahin ang China tungkol sa “nine-dash line.”
Iginuguhit ng China ang nine-dash line sa mga mapa upang angkinin ang halos buong South China Sea, kahit na hindi ito sinasang-ayunan ng kanilang mga karatig-bansa.
Ayon sa mga manunuri, ang lumalaking pag-asa ng Brunei sa ekonomiya ng China ay nagpapahina sa posisyon nito sa South China Sea.
Sa isang pag-aaral noong 2024, sinabi ni Bama Andika Putra, isang political scientist ng Hasanuddin University sa Makassar, Indonesia na gumagawa ang Brunei ng “desperadong pagtatangkang makakuha ng mga oportunidad mula sa China sa pamamagitan ng patuloy na pagwawalang-bahala sa mga pag-angkin nito sa South China Sea.”
Ayon sa isinulat ni Lye Liang Fook, associate senior fellow ng ISEAS-Yusof Ishak Institute ng Singapore, sa ThinkChina noong Pebrero, “sinasamantala ng China ang pagiging diskreto ng ilang bansa sa ASEAN, kabilang ang Brunei, upang palakasin ang sariling posisyon sa isyu ng South China Sea.”
Pumapanig sa Washington pagdating sa seguridad
Sa seguridad at depensa, malinaw na pinapaboran ng Brunei ang US. Mula nang maitatag ang kanilang ugnayang diplomatiko noong 1984, nanatiling pangunahing katuwang ng Brunei sa seguridad ang Washington. Matagal nang nagtutulungan ang dalawang bansa sa mga magkasamang pagsasanay at pagpapalitan ng kaalaman, kabilang ang Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT), Southeast Asia Cooperation and Training, at ang Rim of the Pacific, isang pagsasanay na nagaganap tuwing dalawang taon.
Noong pagwawakas ng 2024, tinapos ng Brunei at US ang ika-30 na CARAT exercise, na tumagal ng walong araw.
“Ang layunin ng serye ng mga pagsasanay sa CARAT ay bumuo ng mga ugnayang pandagat. Sa nakaraang linggo, nagsanay nang magkakasama ang US Navy, US Marine Corps, at ang Royal Brunei Armed Forces upang higit pang pagtibayin ang kanilang magkatuwang na kakayahan sa seguridad sa karagatan bilang suporta sa kapayapaan at katatagan,” sabi ni Rear Adm. Katie Sheldon, vice commander ng US 7th Fleet.
Noong Marso 2024, lumapag sa Rimba Air Base ng Brunei ang dalawang US Air Force F-35 Lightning II fighter. Inilarawan ng US Pacific Air Forces ito bilang “unang pagkakataon na lumapag ang isang US fighter aircraft sa Brunei” at bilang halimbawa ng “bagong modelo ng pandaigdigang kooperasyon.” Tinawag naman ito ng Newsweek na “isa na namang mahalagang yugto sa pinalawak na pakikilahok ng US sa depensa kasama ang mga bansa sa kahabaan ng first island chain.”
Kasama sa mga estratehikong islang ito ang Japan, Taiwan, Pilipinas — at Brunei.
Itinuturing pa rin ng mga bansang pandagat sa Southeast Asia ang US, at hindi ang China, bilang kanilang pangunahing katuwang sa seguridad, ayon sa Lowy Institute ng Australia noong Agosto.
UK garrison sa Brunei, nanganganib
Gayunpaman, walang permanente sa mga pandaigdigang ugnayan.
Sa unang bahagi ng taong ito, binigyang-diin ng Tony Blair Institute for Global Change ng UK ang estratehikong halaga ng Brunei.
Kung magtagumpay ang Beijing sa pagpapalalim ng impluwensya nito sa Brunei, maaari nitong pahinain ang depensa sa first-island-chain, na may mga malubhang implikasyon para sa Taiwan.
Sa Brunei, pinananatili ng Britain ang isang garison ng humigit-kumulang 900 na hukbo, na maaaring paalisin ng susunod na pinuno ng Brunei at palitan ng mga puwersang Chinese.
Sa ngayon, pinananatili ng Brunei ang awtonomiya nito sa gitna ng tunggalian ng China at US, ngunit lumalawak ang impluwensya ng China sa bansa at 79 taong gulang na ang Sultan. Maaaring padating ang mga mahihirap na pagpasya.