Ayon kay Zarak Khan |
Nakagawa ang India ng isang mahalagang hakbang sa modernisasyon ng paghadlang sa pagsalakay na nukleyar, sa pamamagitan ng matagumpay na pagsubok sa paglulunsad ng 2,000 km-range na Agni-Prime (Agni-P) missile mula sa rail-based mobile launcher, ayon sa Indian Defense Ministry.
Isinagawa ang pagsubok noong Setyembre 24 sa isang kumpletong senaryo ng operasyon ng Defense Research and Development Organization at Strategic Forces Command, na nangangasiwa sa mga sandatang nukleyar ng India, ayon sa pahayag ng Defense Ministry.
Ang Agni-P, na isang medium-range ballistic missile, ay maaaring ilunsad mula sa kahit saang bahagi ng pambansang rail network. Ito’y isang makahulugang pag-unlad sa second-strike capability ng India.
Ang second-strike capability ay tumutukoy sa kakayahang makaganti gamit ang mga sandatang nukleyar kahit na katatapos pa lang humarap sa isang nukleyar na pagsalakay.
![Ipinapakita ng imaheng mula sa video na inilabas ng Defense Research and Development Organization (DRDO) ng India ang pagpapalipad ng Agni-P missile mula sa rail-based launcher noong Setyembre 24. [DRDO/X]](/gc9/images/2025/09/29/52164-agni-p_2-370_237.webp)
Ayon sa post sa X ni Rajnath Singh, ministro ng depensa ng India, ang kauna-unahang ganitong klaseng paglunsad mula sa espesyal na dinisenyong rail-based mobile launcher ay nagbibigay-daan sa kakayahang gumalaw sa iba't ibang klase ng lupain, maglunsad nang mabilisan sa loob ng maikling oras, at malagpasan ang nabawasang paningin nang walang paunang kondisyon.
Kinumpirma ng Defense Ministry na nasubaybayan ng maraming estasyon sa lupa ang trahektorya ng missile, na ang pagsubok ay sumunod sa mga pamantayan, at natupad nito ang lahat ng mga layunin ng misyon.
Ang pagpapalipad ng Agni-P ay kasunod ng pagsubok noong Agosto ng Agni-V, isang intermediate-range ballistic missile, mula sa isang test range sa Odisha.
Paghadlang sa China at Pakistan
Ang China at Pakistan, mga karatig-bansa ng India, ay may mga sandatang nukleyar. Nitong Enero, ang China ay itinatayang may 600 na nuclear warhead, habang ang India naman ay mayroong humigit-kumulang 180, ayon sa Stockholm International Peace Research Institute.
Ayon sa mga manunuri, ang pagsisikap ng India na paunlarin ang mga sandatang nukleyar nito, kabilang ang pagpapabuti ng mga rail-mobile missile system, ay dulot ng mabilis na pagpapalakas ng militar ng China at ang lumalawak nitong estratehikong koleksyon ng mga sandata.
Ilang araw bago ang pagsubok ng Agni-P, ipinadala ng China sa Indian Ocean ang missile-tracking vessel nito, ang Yuan Wang 5. Ito’y nagdulot ng pangamba sa New Delhi sa posibleng paggamit ng sopistikadong kakayahan ng barko sa pagsubaybay ng paglunsad, ayon sa Deccan Herald.
Ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa ay nananatiling mataas matapos ang nakamamatay na labanan noong Hunyo 2022 sa kahabaan ng Line of Actual Control (LAC), isang de facto at hindi matatag na hangganan na naghihiwalay sa dalawang magkalaban sa rehiyon ng Ladakh.
Ang tunggalian ay nagresulta sa pagkamatay ng 20 na sundalong Indian at apat na sundalong Chinese. Ito ang mga unang palitan ng putok mula pa noong 1975 sa LAC.
Malaki ang ipinuhunan ng Beijing sa imprastruktura ng kalsada at riles sa LAC upang mabilis nitong mailipat ang mga sundalo at kagamitan kung kinakailangan.
“Ang pangangailangan ng India para sa pangmalayuan, ngunit hindi naman tatawid ng kontinente, na missile ay batay sa kanilang pagtingin sa China bilang banta,” sabi sa Al Jazeera noong Agosto ni Manpreet Sethi, isang kilalang eksperto mula sa Center for Air Power Studies ng New Delhi.
Subali’t, may hatid ding mensahe para sa Pakistan ang mga missile test ng India kamakailan.
Matapos ang maikling digmaan sa himpapawid noong Mayo, nanatiling mataas ang tensyon sa pagitan ng Pakistan at India.
“Ang mga sandatang nukleyar ay… nagpapakita ng kakayahan sa paghadlang sa mga kalaban," sabi ni Sandeep Unnithan, executive editor ng India Today, sa kanyang pagsusuri.
Sa Agni-P, ipinahihiwatig ni Defense Minister Singh ang "tibay at pagiging epektibo ng maliit ngunit matatag na nuclear arsenal ng India bilang bahagi ng mas malawak na estratehiya ng paghadlang sa Pakistan at China," sabi ni Unnithan.
“Ang pagpapabuti ng kakayahang kumilos at kahandaan sa pamamagitan ng mga sistemang tulad ng Agni-P" ay nagbibigay-daan sa New Delhi na patatagin ang second-strike deterrence nito habang sumusunod sa patakaran ng "credible minimum deterrence" at hindi paggamit ng sandatang nukleyar bilang panimula, sabi ni Kapil Anand, isang defense analyst na nakabase sa Mumbai, sa Focus.
Kakayahang kumilos sa riles
Umaabot sa humigit-kumulang 70,000 na kilometro ang riles ng India, isa sa pinakamalaki sa mundo. Ngunit hindi pa kumpleto ang koneksyon nito sa mga liblib na hangganang katabi ng China, kabilang ang ilang bahagi ng northeast at mga sona sa matataas na sektor ng Ladakh.
Sa mga nakaraang taon, pinabilis ng pamahalaan ng India ang pagtatayo at modernisasyon ng mga kalsada, lagusan, at tulay upang maisama ang mga estratehikong rehiyong ito sa kanilang rail network.
Ang rail-based launch system ay mas mahirap subaybayan at tutukan kaysa mga launch site, at ginagawang kumplikado ang pagpuntirya sa mga kalaban, ayon sa Indian news site na Federal.
Gayunpaman, sinabi nito na ang mismong riles ay maaaring madaling sirain o isabotahe, isang posibleng panganib na magiging malaking suliranin sa panahon ng digmaan.
![Sinubukan ng India na maglunsad ng isang Agni-P ballistic missile mula sa isang rail-based mobile launcher sa isang hindi ibinunyag na lokasyon noong Setyembre 24. Ito’y isang mahalagang hakbang sa modernisasyon ng paghadlang sa pagsalakay na nukleyar. [Indian Ministry of Defense/X]](/gc9/images/2025/09/29/52163-agni-p-1-370_237.webp)