Ayon kay Zarak Khan |
Ang pinabilis na pagpapaunlad ng militar at imprastruktura ng China sa hangganan ng silangang Ladakh ay nagdulot ng mahalagang pagbabago sa estratehikong pagpaplano ng India.
Pinatatatag ng karatig-bansa ng India ang mga puwesto nito mula silangang Ladakh hanggang Arunachal Pradesh, iniulat ng The Times of India noong Enero.
Samantala, pinabibilis ng New Delhi ang pagpapaunlad ng kalsada ng Darbuk–Shyok–Daulat Beg Oldie (DS-DBO), isang kritikal na daanan para sa mga high-altitude na operasyong militar.
Ang 255-kilometrong kalsada ng DS-DBO ay nag-uugnay sa Leh at sa Daulat Beg Oldie (DBO) airstrip, isa sa pinakamataas na himpilan ng militar sa buong mundo na matatagpuan sa taas na mahigit 4,877 metro. Tinatawid nito ang bulubundukin ng Karakoram, na may altitude mula 3,962 hanggang 5,065 metro. Pinaiikli ng rutang ito ang biyahe mula dalawang araw tungo sa 11 hanggang 12 oras.
![Makikitang ginagamitan ng malalaking makinarya ang kalsada ng DS-DBO sa silangang Ladakh, India, sa litratong inilabas ng Indian Border Roads Organization noong Agosto 8. [Indian Border Roads Organization/X]](/gc9/images/2025/08/22/51625-photo_2-370_237.webp)
Ang pagpapaunlad na ito ay maaaring magbago ng estratehiya sa silangang Ladakh, kung saan matagal nang nahahadlangan ang pagkilos dahil sa mapaghamong lupain at lagay ng panahon.
Natapos ng Indian Border Roads Organization, isang sangay ng Defense Ministry, ang kalsada noong 2019 matapos halos dalawang dekada ng pagtatayo. Pinatitibay ngayon ang ruta at 37 tulay nito sa Class 70 standard, na magpapahintulot sa pagdaan ng mga armored vehicle na may bigat na hanggang 70 tonelada, kabilang ang mga tangke at missile carrier.
Ang pagkumpleto ng mga pagpapaunlad na ito ay magpapabuti sa high-altitude military mobility ng India, iniulat ng The Tribune of India noong Hulyo 21, ayon sa pamahalaan ng India.
Hindi tinukoy sa ulat kung kailan matatapos ang Class 70 upgrade.
Kasabay nito, nagtatayo ang India ng isang alternatibong ruta na may habang 130 kilometro mula Sasoma na tatagos sa Saser La, Saser Brangsa, at Gapshan patungong DBO, iniulat ng The Times of India noong Hulyo 21. Dinisenyo ang rutang ito upang makaiwas sa pagmamatyag ng mga Chinese patrol, na nakababawas sa pagsalalay sa kasalukuyang kalsada at nagdaragdag ng seguridad sa operasyon, dagdag pa ng ulat.
Ang bagong ruta ay magbibigay rin sa mga puwersa ng India ng isa pang linya ng komunikasyon at magpapabilis sa pagkilos ng kanilang hukbo at sandata.
Inaasahang matatapos ito sa Nobyembre 2026, ayon sa Indian Express.
Estratehikong halaga
Tinitingnan ang pagkilos na ito bilang bahagi ng mas malaking pagtugon ng India sa Beijingat sa mabilis na paglawak ng imprastruktura nito sa border. Nangyayari ito sa gitna ng mahina at hindi pa nareresolbang kasunduan sa de-escalation na sinubukang gawin noong Oktubre, matapos ang ilang taon ng hindi pagkakasunduan.
Para sa India, ang kalsada ng DS-DBO ay hindi lamang isang supply line; ito rin ang tanging daan sa lupa patungo sa Galwan Valley at sa outpost sa DBO.
Ang dalawang lokasyon ay parehong naging mga flashpoint noong mga labanan sa border ng China noong Hunyo 2020, na sinundan ng walang patid na pagsalakay ng People's Liberation Army (PLA) sa iba't ibang bahagi ng Ladakh. Nagdulot ang komprontasyon ng pagkamatay ng 20 sundalong Indian at 4 sundalong Chinese, ito ang mga unang pamamaril mula noong 1975 sa Line of Actual Control (LAC), isang de facto na hangganan sa pagitan ng dalawang panig.
Sa kabila ng kanilang kasunduan noong Oktubre, nananatiling nakatalaga sa hangganan ang malaking bilang ng mga hukbo, ayon kay Tasleem Ahmed, isang mananaliksik sa Srinagar na pinag-aaralan ang tensyon sa pagitan ng China at India.
"Ang kalsada ng DS-DBO ay nagpapahintulot sa India na magpadala ng mga hukbo at mabibigat na kagamitan sa border, sakaling magkaroon ng panibagong tensyon sa ugnayan nito sa China," ani Ahmed sa isang panayam ng Focus.
Mula 2014, ang India ay "mas naninindigan" sa kanilang layunin na "pagbawalan" ang mga pagkilos ng hukbong Chinese, ayon sa Jamestown Foundation noong 2020.
Ang mga proyektong imprastruktura, tulad ng kalsada ng DS-DBO, ay "nagpapahusay sa kapasidad ng India na ipagtanggol ang teritoryo nito," subalit, "maaari rin itong gamitin sa opensa, na nagdudulot ng pag-aalala sa China," dagdag ng Jamestown.
"Noong nakaraan, nakasalalay ang mga puwersa ng India sa paghuhulog ng supplies gamit ang helicopter para sa mga sundalo malapit sa LAC," sabi nito. "Subalit ngayon, maaari na silang magpadala ng mga hukbo, pati na rin ng mga tangke gamit ang C-17 Globemasters at C-130 Super Hercules aircraft sa mga landing strip sa DBO at iba pang lugar."
Pagkabalisa ng China
Ang pagpapaunlad ng DS-DBO, na isinasagawa sa kabila ng pagtutol ng mga Chinese at ng hamong dala ng lupain, ay nagdulot ng pagkabalisa sa PLA, ayon sa mga manunuri.
Ang pinahusay na pagkilos ng India ay maaaring magbigay ng lakas ng loob sa New Delhi na gumamit ng mas mapanganib na forward deployment o mas mabilis na pagkilos sa mga pinagtatalunang sektor, ayon sa mga Chinese military commentator, na kadalasa’y kapareho ang opinyon sa Chinese Communist Party.
Ang “pinabuting imprastruktura (ng India) ay maaaring mauwi sa mapanganib na pagpapagalit sa mga lugar sa border," sabi ni He Xianqing, isang mananaliksik ng National Institute for South China Sea Studies sa China, sa South China Morning Post noong Agosto.