Krimen at Hustisya

Imperyo ng panlilinlang na iniuugnay sa China, muling bumangon sa Burma matapos itong sugpuin

Ipinapakita ng satellite imagery ang dose-dosenang gusaling itinatayo o binabago sa isang scam center compound sa Burma, sa pagitan ng Marso at Setyembre.

Ayon sa imbestigasyon ng AFP, muling lumalawak ang mga scam center sa Burma, na sinisisi sa panlilinlang at pagkuha ng bilyon-bilyong dolyar mula sa mga biktima sa buong mundo, ilang buwan lamang matapos ang crackdown na dapat ay susugpo sa mga ito. [Watsamon Tri-Yasakda/iba’t ibang pinagkunan/AFP]

Ayon sa AFP at Focus |

MAE SOT, Thailand — Ang mga scam center sa Burma, na sinisisi sa panlilinlang at pagkuha ng bilyon-bilyong dolyar mula sa mga biktima sa buong mundo, ay mabilis na lumalawak ilang buwan lamang matapos ang crackdown na dapat ay susugpo sa mga ito, ayon sa imbestigasyon ng AFP.

Ipinapakita ng mga satellite image at drone footage ng AFP na mabilis na umuusbong ang mga bagong gusali sa loob ng mahigpit na binabantayang mga compound sa paligid ng Myawaddy, sa hangganan ng Thailand at Burma, habang ang ilan ay nilagyan ng mga satellite dish para sa Starlink internet service ni Elon Musk.

Lumabas ang mga rebelasyong ito kasabay ng pagpataw ng parusa ng Britain at ng US noong Oktubre 14 sa "mga utak sa likod ng mga scam center sa Timog-Silangang Asya na mistulang industriya na ang laki.” Nasa kontrol ng mga awtoridad ang 19 na ari-arian sa London na iniuugnay sa isang network na pinaniniwalaang may biyon-bilyong pounds ang halaga.

Sinamsam ng mga tagausig ng US ang cryptocurrency na nagkakahalagang $15 bilyon, na sinasabing pagmamay-ari ni Chen Zhi. Si Chen Zhi, na ipinanganak sa China, ay ang itinuturong pinuno ng “malawak na imperyo ng cyber-fraud” na nakabase sa Cambodia, ayon sa pahayag ng mga awtoridad noong Oktubre 14.

Ang matatanaw mula sa himpapawid ng KK Park scam compound sa kahabaan ng Moei River, malapit sa hangganan ng Thailand at Burma. [AFP]
Ang matatanaw mula sa himpapawid ng KK Park scam compound sa kahabaan ng Moei River, malapit sa hangganan ng Thailand at Burma. [AFP]
Ipinapakita ng mga satellite image ng mga scam center sa Burma ang mabilis na pagpapalawak nito: sa larawan noong Marso (kaliwa), makikita pa ang kakaunting istruktura, habang pagsapit ng Oktubre (kanan), tumambad ang mga bagong gusali sa buong compound. [AFP]
Ipinapakita ng mga satellite image ng mga scam center sa Burma ang mabilis na pagpapalawak nito: sa larawan noong Marso (kaliwa), makikita pa ang kakaunting istruktura, habang pagsapit ng Oktubre (kanan), tumambad ang mga bagong gusali sa buong compound. [AFP]

Sa ngayo'y hindi pa nadadakip si Chen.

Iniulat ng CBS News na ayon sa ahensya, ito ang pinakamalaking pagsamsam sa kasaysayan ng US Department of Justice.

Ugnayan sa pulitika ng Cambodia

Ipinunto ni Mark Taylor, na dating nagtatrabaho sa sangay ng nonprofit organization na Winrock International sa Cambodia para labanan ang human trafficking, na si Chen ay may malalim na kaugnayan sa pulitika ng Cambodia at kaugnay noon ay mahigpit na pinoprotektahan.

Ang Cambodia ay isang kanlungan sa mundo ng cyber scam. Aniya, ayon sa Radio Canada, si Chen ay naging personal na tagapayo rin ng Cambodian prime minister na si Hun Manet.

Ayon sa independenteng organisasyon para sa pananaliksik, ang Cyber Scam Monitor, na ibinabatay ang kanilang mga napag-alaman sa mga patotoo ng mga mismong gumagawa ng mga scam, sa mga imbestigasyon sa aktuwal na lugar, at sa mga ulat ng media, sa Cambodia pa lamang ay may mahigit sa 200 na cyber scam center at casino na,

NItong mga nakaraang taon, ginawaran si Chen ng titulong pandangal na “Neak Oknha” sa Cambodia. Ang kanyang kumpanya, ang Prince Holding Group, ay tila nagpapatakbo ng mga lehitimong negosyo tulad ng real estate at serbisyong pinansyal. Ngunit sa likod ng mga ito ay ang mga scam compound sa Cambodia kung saan ang mga manggagawa ay sapilitang pinagtatrabaho, ipinangangalakal at “ikinukulong sa mga lugar na mistulang mga bilangguan.”

Ang mga “alipin” ay kinokontrol sa pamamagitan ng karahasan at pinipilit na makilahok sa mga scam sa pamumuhunan ng cryptocurrency at iba pang mga mapanlinlang na aktibidad.

Pang-aalipin at pagpapakamatay

Nagdulot ng matinding kapighatian sa milyon-milyong biktima sa buong mundo ang mga sentrong ito, na nagtulak sa ilan upang magpakamatay, habang ang mga pamilya ng mga nagtatrabaho rito ay kadalasang kailangang magbayad upang mapalaya ang kanilang mga kamag-anak.

Karamihan sa mga sentro sa Burma at Cambodia, na kilala sa kanilang mga panloloko sa pag-ibig at sa scam sa pamumuhunan na tinatawag na ‘pig butchering,’ ay pinatatakbo ng mga pinamumunuan ng mga Chinese na mga sindIkatong lumipat mula sa sugal patungo sa cybercrime, ayon sa mga manunuri.

Pinilit ng China, Thailand, at Burma ang mga pro-junta na milisyang Burmese na nagbabantay sa mga sentro na mangakong ‘lilipulin’ ang mga compound noong Pebrero. Napalaya nila ang humigit-kumulang 7,000 na bihag — karamihan ay mga mamamayang Chinese — mula sa brutal na call-center style system, na ayon sa United Nations ay pinatatakbo sa pamamagitan ng sapilitang paggawa at human trafficking.

Marami sa mga manggagawa ang nagsabi sa AFP na binubugbog at pinipilit silang magtrabaho ng mahahabang oras ng mga amo nilang nambibiktima sa iba;t ibang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng panlilinlang sa telepono, Internet, at social media.

Tuloy-tuloy ang konstruksyon

Ngunit ilang linggo lamang matapos ang makatawag-atensyong pagpapalaya sa Burma, nagsimula na ang pagtatayo ng ilang mga sentro sa kahabaan ng Moei River, na bumubuo sa hangganan ng Thailand.

Sa pagsusuri ng AFP sa mga satellite image mula sa Planet Labs PBC, natuklasan nilang sa pagitan ng Marso at Setyembre, dose-dosenang gusali ang itinayo o binago sa pinakamalaking compound sa lugar, ang KK Park.

Patuloy din ang konstruksyon sa ilan sa 27 pang pinaghihinalaang scam center sa Myawaddy cluster. Kabilang rito ang binansagan ng US Treasury na 'notorious’ na mga Shwe Kokko center sa hilaga ng Myawaddy.

Pag-udyok sa korapsyon sa ilang mga bansa

Ayon sa kasong isinampa sa New York, si Chen at ang kanyang mga kasabwat ay di-umano’y gumamit ng pampulitikang impluwensya upang protektahan ang kanilang mga operasyon ng scam sa maraming mga bansa, kabilang ang Ministry of Public Security (MPS) at Ministry of State Security ng China. Sinuhulan din ng Prince Holding Group ang mga opisyal upang magbigay ng maagang babala kapag sasalakayin ng mga awtoridad ang mga scam compound.

Halimbawa, bandang Mayo 2023, nakipag-ugnayan ang isang suspek, na tinawag ng pamahalaan ng US na Co-Conspirator-2, sa isang opisyal ng MPS na nagsabing maaari niyang iligtas ang mga kasamahan ng Prince Holding Group mula sa parusa. Bilang kapalit, nag-alok si Co-Conspirator-2 na ‘aalagaan’ ang anak ng opisyal.

Maaaring 220,000 na mga scammer ang aktibo

Ayon sa ulat ng United Nations noong 2023, hanggang 120,000 na bihag ang maaaring ‘pinipilit na magsagawa ng online scams’ sa mga sentro sa Burma, habang 100,000 pa ang hawak sa Cambodia.

Sinabi ni Pangulong Lee Jae Myung ng South Korea noong Oktubre 14 na nababahala siya sa ‘malaking pinsala’ na idinudulot ng mga sentro. Kasabay pa nito ang pagkabigla ng bansa sa pagkamatay ng isang estudyanteng Koreano na, ayon sa mga awtoridad, ay pinahirapan at pinatay matapos siyang ma-kidnap sa Cambodia.

Dinukot din ng mga kriminal ang iba pang mga Koreano sa Cambodia. ‘Hindi maliit ang bilang, at marami sa ating mga mamamayan ang labis na nag-aalala para sa kanilang mga pamilya,’ ani Lee.

Ayon sa Yonhap News, nakatakdang ibalik sa Oktubre 18 ang humigit-kumulang 60 na Koreano na maaaring pinilit magtrabaho sa mga scam center sa Cambodia.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *