Ayon sa AFP |
BEIJING -- Naglunsad ang Tsina ng malawakang live-fire drills sa paligid ng Taiwan, na nagsasanay para sa pagba-blockade ng mga pangunahing daungan, isang hakbang na kinondena ng Taipei bilang “pananakot ng militar.”
Matagal nang ipinapahayag ng Beijing, na inaangkin ang isla bilang teritoryo nito, na hindi nito isinasantabi ang paggamit ng puwersa upang sakupin ang isla.
Inanunsyo ang mga ehersisyong militar noong Disyembre 29, labing-isang araw lamang matapos aprubahan ng Estados Unidos angrekord na $11.1 bilyong package ng armas para sa isla. Ito ang pinakamalaking bentahan ng armas sa kasaysayan ng US at Taiwan, na nagdulot ng babala mula sa Beijing tungkol sa posibleng “marahas na hakbang” bilang tugon.
Sa pahayag nito, nagbabala ang Beijing na ang mga “panlabas na puwersa” na nagbibigay ng armas sa isla ay nagtutulak sa Taiwan Strait tungo sa isang “mapanganib na sitwasyon ng agarang digmaan,” kahit na hindi direktang binanggit ang Estados Unidos.
![Isang barkong Tsino ang namataan sa karagatang malapit sa isla ng Pingtan, ang pinakamalapit na bahagi ng Tsina sa Taiwan, sa lalawigan ng Fujian noong Disyembre 29. Naglunsad ang Tsina ng live-fire drills sa paligid ng Taiwan noong Disyembre 29 na, ayon dito, ay magsisilbing pagsasanay para sa pagba-blockade ng mga pangunahing daungan ng islang may sariling pamahalaan, na nagbunsod sa Taipei na kondenahin ang 'pananakot ng militar' ng Beijing. [Adek Berry/AFP]](/gc9/images/2025/12/29/53295-afp__20251229__897n38n__v2__highres__chinataiwandefencedrills-370_237.webp)
![Isang Taiwanese Mirage 2000 ang umaalis mula sa Hsinchu Air Base noong Disyembre 29 habang naglulunsad ang Tsina ng malalaking ehersisyong militar sa paligid ng Taiwan. Iniulat din ng Taipei na may apat na barko ng Chinese coast guard na namataan malapit sa isla noong araw na iyon. [Cheng Yu-Chen/AFP]](/gc9/images/2025/12/29/53296-afp__20251229__897k6k3__v1__highres__taiwanchinadefencedrills-370_237.webp)
![Nagtala ng bagong rekord ang Justice Mission 2025 exercises ng Tsina sa pamamagitan ng pitong itinalagang zone, na sumasaklaw sa mas malaking lugar at umaabot nang mas malapit sa Taiwan kumpara sa 2024 United Sword at Strait Thunder-2025 drills noong Abril. [@TaiwanMonito/X]](/gc9/images/2025/12/29/53306-drill_map-370_237.webp)
![Inilabas ng militar ng Taiwan ang isang litrato ng Chinese J-16 fighter jet na binabantayan ng isang F-16 ng Taiwanese air force sa panahon ng Justice Mission 2025 exercises ng Tsina noong Disyembre 29. [Taiwanese Ministry of Defense]](/gc9/images/2025/12/29/53300-j-16-370_237.webp)
Anumang pagtatangkang pigilan ang pag-iisa ng Tsina sa Taiwan ay “tiyak na mabibigo,” ayon kay Lin Jian, tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs.
Namataan ng mga reporter ng AFP ang dalawang fighter jet at isang barkong militar malapit sa isla ng Pingtan, ang pinakamalapit na bahagi ng Tsina sa Taiwan.
'Live-fire drills'
Sinabi ng Tsina noong umaga ng Disyembre 29 na nagsasagawa ito ng “live-fire drills sa mga target sa dagat sa hilaga at timog-kanluran ng Taiwan” sa malawakang ehersisyong may mga destroyer, frigate, fighter jet, bomber, at drone.
Sinabi ni Shi Yi, tagapagsalita ng militar, na magpapadala ang Beijing ng mga sundalo ng army, navy, air force, at rocket force para sa drills na may code name na Justice Mission 2025.
Sinabi niya na tututok ang drills sa “patrolya para sa kahandaan sa dagat at himpapawid, pinagsanib na pagsakop para sa kalamangan sa lahat ng larangan, pagba-blockade sa mga pangunahing daungan at lugar, pati na rin sa pananakot sa lahat ng direksyon sa labas ng hanay ng mga isla.”
Inilabas ng mga awtoridad ng Tsina ang isang mapa ng limang malalaking zone sa paligid ng Taiwan kung saan gaganapin ang mga war games.
Kinokondena at binabantayan ng Taiwan
Ayon sa Taiwan, ang mga itinalagang zone ng ehersisyo ng Tsina, na ang ilan ay nasa loob ng 12 nautical mile mula sa kanilang baybayin, ay nakaapekto sa mga pandaigdigang ruta ng mga barko at eroplano.
Ayon kay Karen Kuo, tagapagsalita ng Presidential Office, kinondena ng pamahalaan ng isla ang “pagsuway ng Tsina sa pandaigdigang pamantayan at paggamit ng pananakot ng militar upang bantaan ang mga karatig-bansa.”
Ayon sa Ministry of Defense nito, nakapagtala sila ng 89 na military aircraft ng Tsina malapit sa kanilang baybayin noong Disyembre 29, ang pinakamataas na bilang sa isang araw mula pa noong Oktubre 2024.
Ayon din dito, nakapagtala rin sila ng 28 barkong pandigma at barko ng coast guard.
Ayon sa Civil Aviation Administration ng Taiwan, nagdeklara ang Tsina ng “Temporary Danger Area” (Pansamantalang Lugar ng Panganib) sa loob ng 10 oras noong Disyembre 30.
Sinabi rin nito na higit sa 100,000 pasahero (sa eroplano) sa 857 na domestic, international, at transit na flight ang maaapektuhan ng mga drills sa parehong araw.
Ayon sa militar ng Taiwan, nagtayo ito ng response center, nag-deploy ng “angkop na puwersa,” at nagsagawa ng “mabilisang ehersisyo sa pagtugon,” habang sinabi ng Coast Guard na “agad itong nagpadala ng malalaking barko.”
Ayon sa Ministry of Defense ng Taipei, higit pang pinatutunayan ng mga drills ng namumunong Communist Party ng Tsina ang katangian nito bilang manlulusob, kaya't nagiging pinakamalaking banta sa kapayapaan.
'Mahigpit na babala'
Sinabi ni Shi, tagapagsalita ng militar ng Tsina, na ang drills ay “isang mahigpit na babala laban sa mga separatistang puwersang naghahangad ng ‘Kalayaan ng Taiwan,’ at … isang lehitimo at kinakailangang hakbang upang pangalagaan ang soberanya at pambansang pagkakaisa ng Tsina.”
Naglabas ang militar ng Beijing ng poster tungkol sa drills na nagpapakita ng “arrows of justice” -- na nilalamon ng apoy -- na bumabagsak sa mapa ng Taiwan.
At sa isang video na ginawa gamit ang artificial intelligence na inilabas ng militar, ang mga agila, pating, lobo, at bubuyog ay ginawang kagamitang militar ng Tsina, na umaatake sa Taiwan mula sa dagat at himpapawid.
Ayon sa isang namamasyal sa Pingtan, na may apelyidong Lin, umaasa siyang makita balang-araw ang pag-iisa ng mainland China at Taiwan.
“Sana ay gumanda at umunlad ang mga bagay, at tumibay ang aming relasyon,” sabi ng 22 anyos mula sa lalawigan ng Sichuan.
Iniulat ng state broadcaster na CCTV na isa sa pangunahing tema ng mga ehersisyo ay ang “pagba-blockade” sa mga pangunahing daungan ng Taiwan, kabilang ang Keelung sa hilaga at Kaohsiung sa timog.
Naglabas din ang militar ng isang video na nagpapakita ng teknolohiyang militar, kabilang ang automated humanoid robots, microdrones, at mga robotic dog na may armas, na hindi pa kailanman ipinakita ng Tsina.
Huling nagsagawa ang militar ng Tsina ng malakihang drills na may live firing sa paligid ng Taiwan noong Abril -- mga maniobrang ikinagulat at kinondena ng Taipei.
Noong unang bahagi ng Disyembre, sinabi ng Beijing na magsasagawa ito ng “matatag at marahas na hakbang” upang pangalagaan ang teritoryo nito matapos ianunsyo ng Taiwan ang pag-apruba ng Estados Unidos sa $11 bilyong bentahan ng armas.
Inanunsyo nito ang mga bagong sanction sa 20 kompanya ng depensa ng Amerika noong Disyembre 26, bagaman tila kaunti o wala silang negosyo sa Tsina.
Ang Japanese Prime Minister na si Sanae Takaichi ay nagpa-alsa ng galit sa Beijing noong Nobyembre nang sabihin niyang ang paggamit ng puwersa laban sa Taiwan ay maaaring magdulot ng tugon ng militar mula sa Tokyo.