Ayon sa AFP at Focus |
TOKYO — Sinimulan na ng isang Japanese research vessel ang isang makasaysayang paglalayag upang subukang kumuha ng mga deep-sea rare earth sa lalim na 6,000 na metro, bilang hakbang upang mabawasan ang pagsalalay sa Tsina.
Noong Enero 12, umalis sa pantalan ng Shimizu sa Shizuoka prefecture ang scientific drilling boat na Chikyu patungong isla ng Minami Torishima sa Pasipiko, kung saan ang mga nakapalibot na katubigan ay maaaring naglalaman ng mga mahahalagang mineral.
sinasagawa ang test cruise sa panahong pinaiigting ng Tsina, na siyang pinakamalaking supplier ng mga rare earth sa buong mundo, ang panggigipit sa karatig-bansa nito. Kasunod ng hakbang na ito ang mungkahi ni Prime Minister Sanae Takaichi noong Nobyembre na maaaring tumugon ang Tokyo sa pamamagitan ng puwersang militar sakaling magkaroon ng pagsalakay sa Taiwan. Inaangkin ng Beijing ang Taiwan, na may sariling pamahalaan, bilang bahagi ng teritoryo nito at nagbantang sasakupin ito sa pamamagitan ng puwersa kung kinakailangan.
Pagbibigay-prayoridad sa seguridad ng mga likas na yaman
Ang pakikipaglaban na ito para sa seguridad ng mga likas na yaman ay isang paulit-ulit na tema para sa Japan. Noong 2010, nagkaroon ng alitan na nagtulak sa Japan na bawasan ang pagsalalay nito sa Beijing para sa mga rare earth, ngunit ayon sa Tokyo, higit sa 70% pa rin ang nagmumula sa Tsina – isang bilang na nais nitong baguhin.
Lalong binigyang-diin ang pangangailangang ito nang inanunsyo ng Beijing noong Enero 6 ang agarang pagbabawal sa mga "dual use" na mga iniluluwas sa Japan, o mga produktong maaaring magamit sa militar at maging sa mga sibilyang layunin.
"Matagal nang ipinatutupad ng Tsina ang mga pagkontrol ng pagluluwas ng iba pang materyales, at malaki ang epekto nito sa pandaigdigang supply chain," sabi ni Minoru Kihara, punong tagapagsalita ng pamahalaan, noong Enero 8.
Sinabi niya sa isang regular na briefing na pareho rin ang sitwasyon sa mga rare earth mineral, na mahalaga para sa iba't ibang produkto ng teknolohiya. "Patuloy naming babantayang mabuti ang sitwasyon at, sa pakikitungo sa mga kaugnay na bansa, gagawa kami ng mga angkop na hakbang kung kinakailangan," dagdag pa niya.
Ginagamit ang rare earth sa napakaraming produkto: mga smartphone, de-kuryenteng sasakyan, mga wind turbine, mga missile, at iba pa; 17 sa mga metal na ito ay mahirap kunin mula sa balat ng daigdig.
Pagbawas sa panggigipit ng Tsina
Matagal nang ginagamit ng Tsina ang pangunguna nito sa mga rare earth para sa panggigipit na heopolitikal, kabilang ang trade war nito laban sa US.
Ayon kay Shoichi Ishii, program director ng Cabinet Office, maaaring humantong sa lokal na produksyon ng mga rare earth ang paglalayag ng Chikyu, na naantala ng isang araw dahil sa masamang panahon.
"Iniisip naming palawakin ang aming mga pinagkukunan at iwasan ang labis na pagsalalay sa ilang partikular na bansa," sabi niya sa mga mamamahayag sa pantalan habang naghahanda ang barko sa pag-alis.
"Isa sa mga hakbang na naniniwala akong maaaring ipatupad ay ang pagtatatag ng proseso upang magawa ang lokal na produksyon ng mga rare earth," sabi niya.
Ipinagmamalaki ng Japan Agency for Marine-Earth Science and Technology ang Chikyu test bilang kauna-unahang ganitong pagsubok sa buong mundo na isinagawa sa ganoong lalim.
Posibleng 16 milyong tonelada ng mga rare earth ang nakataya
Tinatayang naglalaman ang palibot ng Minami Torishima, na nasa loob ng economic waters ng Japan, ng mahigit 16 milyong tonelada ng mga rare earth. Ayon sa Nikkei Business Daily, ito ang ikatlong pinakamalaking reserba sa buong mundo. Ang mayamang deposito ay tinatayang may sapat na supply para sa 730 na taon ng dysprosium, na ginagamit sa mga high-strength magnet ng mga telepono at de-kuryenteng sasakyan, at 780 na taong supply ng yttrium, na ginagamit naman sa mga laser, ayon sa Nikkei.
Nakatakdang tumagal hanggang Pebrero 14 ang paglalayag ng Chikyu. Ayon sa mga kamakailang ulat ng media, ipinagpapaliban ng Beijing ang mga pag-angkat ng Japan pati na rin ang pagluwas ng mga rare earth patungong Tokyo, habang tumitindi ang kanilang dalawang-buwang alitan. Ang pagbabawal ng Tsina sa pagluwas ng mga ‘dual use’ na produkto ay nagdudulot ng pangamba sa Japan na maaaring tuluyang pigilan ng Beijing ang supply ng mga rare earth. Isinama ng Tsina ang ilan sa mga ito sa kanilang listahan ng mga dual use na kalakal.
![Isang Japanese deep-sea drilling vessel na tinatawag na Chikyu ang nakita sa pantalan ng Shimizu sa Shizuoka prefecture noong Setyembre 11, 2013. Plano ng Japan na magsagawa ng 6,000 na metrong deep-sea rare earth test sa Enero 2026 upang mabawasan ang pagsalalay nito sa Tsina. [Toshifumi Kitamura/AFP]](/gc9/images/2026/01/12/53455-afp__20260110__92a94t3__v1__highres__filesjapanchinaoceansmining-370_237.webp)