Ayon kay Zarak Khan |
Pormal nang ipinasok sa serbisyo ng India ang isang bagong stealth-guided missile frigate at isang nuclear-powered ballistic missile submarine (SSBN). Pinalalakas ng mga ito ang kakayahang pandagat ng India sa isang hakbang na karaniwang itinuturing na pangontra sa lumalawak na presensiya ng Tsina sa Indo-Pacific.
Ang pagpasok sa serbisyo ng INS Taragiri, isang Project 17A stealth frigate, kasama ang INS Aridhaman, ang pinakabagong submarinong nukleyar na gawa sa loob ng bansa, ay nagbigay-diin sa estratehikong pagbabago sa doktrinang pandagat ng New Delhi na mas nakatuon sa pagpigil sa mga banta at sa tuloy-tuloy na operasyon sa malalayong karagatan.
Bentahe sa stealth
Ipinasok sa serbisyo noong Abril 3 sa Visakhapatnam, ang INS Taragiri ay kumakatawan sa isa sa pinaka-makabagong barkong pandigma sa ibabaw ng dagat ng India.
Itinayo sa ilalim ng Project 17A program, may taglay ang frigate na mga katangiang stealth na idinesenyo upang mabawasan ang radar at tunog na bakas nito, na nagpapataas ng kakayahan nitong makaligtas sa mga pinagtatalunang lugar.

Sa seremonya ng paglulunsad, sinabi ni Defense Minister Rajnath Singh na ang sasakyang pandagat ay "kayang maglayag nang mabilis at manatiling nakatalaga sa dagat sa mahabang panahon," at "nilagyan ng mga sistemang idinisenyo upang subaybayan ang galaw ng kalaban, tiyakin ang sariling seguridad, at kung kinakailangan, magbigay ng agarang tugon."
Ang frigate ay mayroong supersonic BrahMos cruise missile system at mga makabagong sistemang pangdepensa laban sa mga target sa himpapawid, kasama ang mga makabagong radar at sonar, ayon kay Singh.
Ang mga kakayahang ito ay nagpapahintulot dito na magsagawa ng iba’t ibang uri ng misyon -- mula sa matinding labanan sa dagat hanggang sa seguridad sa karagatan, pagpapatrolya laban sa pirata, at mga operasyong makatao.
"Malaki ang naitutulong ng barko sa pagpapalakas ng kakayahan ng India sa pagmamanman at pagpapalawak ng saklaw ng operasyon sa buong Indian Ocean Region," ayon sa Mazagon Dock Shipbuilders Limited, ang pagawaan ng barko na pinatatakbo ng estado na bumuo sa sasakyang pandagat.
Pagpigil sa mga banta sa dagat
Habang pinapalakas ng INS Taragiri ang kakayahan sa ibabaw ng dagat, pinalalakas naman ng INS Aridhaman, ang ikatlong submarinong nukleyar na gawa sa loob ng bansa, ang kakayahan ng India sa pagpigil sa mga bantang nukleyar sa ilalim ng dagat.
Ipinasok din sa serbisyo noong Abril 3, ang submarine ay "higit na pinalalakas ang kakayahan ng bansa na gumanti laban sa sinumang kalaban na magtatangka ng unang pag-atake," ayon sa ulat ng The Federal noong Abril 4.
Pinatitibay ng pag-unlad na ito ang pagsisikap ng India na matiyak ang isng maaasahang kakayahang gumanti sakaling magkaroon ng pag-atake, na isang pangunahing haligi ng doktrinang nukleyar nito.
Sa sukat na 125 metro ang haba at may bigat na 7,000 tonelada, ang submarine ay mas malaki at mas tahimik kaysa sa mga nauna rito, ang 6,000-toneladang INS Arihant at INS Arighaat, na ipinasok sa serbisyo noong 2016 at 2024.
Mas mahina ang "tunog na bakas" ng sasakyang pandagat na ito kumpara sa mga kasama nitong submarine, ayon kay Indian military analyst Shekhar Gupta noong Abril.
Ang pagpasok nito sa serbisyo ay nagpahintulot sa India na mapanatili ang "tuloy-tuloy na presensya sa dagat bilang panangga gamit ang SSBN fleet nito," ayon sa ulat ng WION noong Abril 3.
Bukod dito, ang mas malaking sukat nito at pinahusay na lakas at armas ay nagbibigay-daan sa mas flexible na mga operasyon sa buong Indian Ocean, dagdag ng ulat.
Salik ng Tsina
Ipinakikita ng magkasabay na pagpasok sa serbisyo ng mga ito ang tumitinding kompetisyong geopolitikal sa Indo-Pacific, kung saan pinalawak ng Tsina ang presensya nito sa dagat sa mga nakababahalang paraan.
Pinapalakas ng Tsina ang kanilang "mga patrolya ng submarine, mga operasyon ng aircraft carrier, at mga kasunduang militar sa buong Indian Ocean Region," ayon sa ulat ng Defense Security Asia noong Abril 6.
"Ang sabayang pagpasok ng isang matibay na pananggang nukleyar sa dagat at isang makabagong multi-role na barkong pandigma sa ibabaw ng dagat ay naghuhudyat na pinapabilis ng New Delhi ang paglipat mula sa simbolikong modernisasyon ng fleet tungo sa isang pinagsamang estruktura ng puwersang pandagat," ayon sa pag-aaral.
Dahil dito, ang pinakabagong mga plataporma ng India ay nagsisilbing direktang tugon sa tumitinding estratehikong panggigipit sa pangunahing saklaw ng impluwensiya nito sa dagat.
Ipinapakita rin nito ang mas malawak na pagsusumikap ng India tungo sa sariling kakayahan sa depensa sa ilalim ng Aatmanirbhar Bharat initiative, na naglalayong bawasan ang pagdepende sa mga dayuhang supplier ng kagamitang militar habang pinalalakas ang lokal na industriya.
Mahigit 75% ng INS Taragiri ay mula sa lokal na materyales, hango sa isang supply chain na kinabibilangan ng mahigit 200 lokal na kumpanya, na sumusuporta sa libu-libong trabaho at nagbabawas ng pagdepende sa mga dayuhang supplier, ayon sa New Delhi.
Umabot sa halos 390 bilyon INR ($4.2 bilyon) ang pagluwas ng mga kagamitang pandepensa ng India sa fiscal year 2025–26, kumpara sa tanging 12 bilyon INR ($128.9 milyon) isang dekada na ang nakalipas, ayon sa datos ng gobyerno.
"Ito ay patunay na patuloy na lumalago ang sariling kakayahan ng India," sabi ni Singh, ang ministro ng depensa.
"Binabantayan ang karagatan ng India ng mga barkong dinisenyo, binuo, at pinatatakbo ng mga Indian," ayon sa pahayag ng Defense Ministry.
