Seguridad

Pag-angkin ng China sa Sandy Cay, nagpapataas ng pangamba sa Indo-Pacific

Ang paggiit ng Beijing na pag-aari nito ang outpost ng Pilipinas ay nagpasiklab ng panibagong tensyon sa pinagtatalunang karagatan, kasabay ng lumalawak na taunang pagsasanay militar ng US at Pilipinas sa rehiyon.

Noong kalagitnaan ng Abril, itinaas ng mga tauhan ng Chinese coast guard ang pambansang watawat ng China sa Sandy Cay, na kilala rin bilang Tiexian Jiao, bilang pagpapakita ng kanilang soberanya sa pinag-aagawang bahura sa South China Sea. [China Central Television]
Noong kalagitnaan ng Abril, itinaas ng mga tauhan ng Chinese coast guard ang pambansang watawat ng China sa Sandy Cay, na kilala rin bilang Tiexian Jiao, bilang pagpapakita ng kanilang soberanya sa pinag-aagawang bahura sa South China Sea. [China Central Television]

Ayon sa Focus at AFP |

Ang kamakailang paggigiit ng China sa kontrol sa Sandy Cay sa South China Sea ay nagpasiklab ng panibagong sigalot sa pagitan ng China at ng Pilipinas, at nagdulot ng pagkabahala mula sa US.

Ang hakbang ng Beijing, kasabay ng isinasagawang magkasanib na pagsasanay militar ng Pilipinas at mga kaalyado nito, ay nagpapakita ng tumitinding agresyon nito sa pinagtatalunang karagatan at nagdudulot ng pangamba sa posibleng kaguluhan sa mahalagang pandaigdigang ruta sa dagat.

Lalong tumindi ang tensyon matapos iulat ng pambansang telebisyon ng China, ang China Central Television (CCTV), na ang kanilang coast guard ay "nagpatupad ng kontrol sa karagatan at nagsagawa ng soberanong hurisdiksyon" sa Sandy Cay, na kilala bilang Tiexian Reef sa China, noong unang bahagi ng Abril.

Itinampok sa ulat noong Abril 26 ang mga larawan ng mga tauhan ng Chinese coast guard na itinaas ang kanilang watawat sa bahura, na matatagpuan ilang kilometro lamang mula sa Thitu Island, kung saan may presensya ng militar at coast guard ang Pilipinas.

Iwinagayway ng mga tauhan ng Philippine coast guard ang pambansang watawat sa Sandy Cay sa isang larawang inilabas noong Abril 28, bilang pagpapakita ng patuloy na presensya ng Maynila sa pinag-aagawang buhanginan. [Philippine Coast Guard]
Iwinagayway ng mga tauhan ng Philippine coast guard ang pambansang watawat sa Sandy Cay sa isang larawang inilabas noong Abril 28, bilang pagpapakita ng patuloy na presensya ng Maynila sa pinag-aagawang buhanginan. [Philippine Coast Guard]
Naghahanda ang mga US Marine ng Marine Air Defense Integrated System (MADIS) kontra-drone system sa taunang magkasanib na pagsasanay militar na Balikatan ng US at Pilipinas sa isang naval training base sa bayan ng San Antonio, lalawigan ng Zambales, hilaga ng Maynila noong Abril 27. [Ted Aljibe/AFP]
Naghahanda ang mga US Marine ng Marine Air Defense Integrated System (MADIS) kontra-drone system sa taunang magkasanib na pagsasanay militar na Balikatan ng US at Pilipinas sa isang naval training base sa bayan ng San Antonio, lalawigan ng Zambales, hilaga ng Maynila noong Abril 27. [Ted Aljibe/AFP]

Inilarawan ng CCTV ang hakbang na ito bilang isang "panata ng soberanya," na minarkahan ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng maraming taon na opisyal na nagtayo ng watawat ang China sa isang dati'y hindi okupadong lugar.

'Manakot at manggulo'

Mabilis ang naging tugon ng Maynila.

Pinabulaanan ng tagapagsalita ng Philippine National Security Council na si Jonathan Malaya ang paggiit ng Beijing sa isang briefing noong Abril 28, sa pagsasabing, "Walang katotohanan ang pahayag ng China Coast Guard na umano nasakop na ang [mga buhanginan ng Sandy Cay]."

Inakusahan ni Malaya ang China ng paggamit ng “espasyo ng impormasyon upang manakot at manggulo," na itinanggi ang ulat bilang gawa-gawang propaganda.

Upang salungatin ang salaysay ng Beijing, naglabas ang Philippine coast guard ng sarili nitong larawan na nagpapakita ng mga marino habang itinataas ang watawat ng Pilipinas sa bahura sa isang maagang misyon noong Abril 27.

Sa isang press conference noong Abril 28, hinimok ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang mga bansa na “umiwas sa mga hakbang na nagpapalala sa sitwasyon” habang nagpapatuloy ang negosasyon sa Code of Conduct para sa South China Sea.

"Umaasa kami na ang mga bansa ay kahit papaano ay magbawas o umiwas sa pagsasagawa ng ganitong mga hakbang," ayon kay Manalo, at idinagdag na mahigpit na sinusubaybayan ng Pilipinas ang sitwasyon at pinag-aaralan ang mga angkop na tugon.

Ipinagtanggol ng Foreign Ministry ng China ang mga aksyon ng Chinese coast guard, iginigiit na bahagi ng kanilang “teritoryo” ang Sandy Cay.

Ang Sandy Cay, na kilala rin bilang Pag-asa Cay 2, ay matatagpuan sa kanluran ng Pag-asa Island — ang pinakamahalagang outpost ng Pilipinas sa Spratly Islands. Bagama't maliit, ang Sandy Cay ay may mahalagang legal na katayuan.

Kung kikilalaning isang katangiang lupain, maaari itong bumuo ng 12-nautical-mile (22-km) na teritoryal na dagat, na sumasaklaw sa mga katubigan sa paligid ng Thitu Island at nagpapalakas sa mga pag-angkin ng Maynila sa katubigan.

Ang paggiit ng China sa soberanya ng Sandy Cay ay nagdudulot ng pangamba na maaari nitong palakasin ang panggigipit sa mga puwersang Pilipino na nakatalaga sa Pag-asa.

Banta sa katatagan

Ang hakbang ng China ay kasabay ng isinasagawang taunang Balikatan na mga pagsasanay ng Pilipinas, US, at Australia -- ang pinakamalaking pagsasanay ng ganitong uri.

Tampok sa Balikatan ngayong taon ang pinalawak na mga operaysong pandagat, kabilang ang mga senaryo ng pagtatanggol sa baybayin at pagsakop sa isla malapit sa pinag-aagawang Spratly Islands. Paulit-ulit namang binatikos ng China ang Balikatan, na itinuturing nitong banta sa interes ng seguridad ng rehiyon.

Lalo pang tumindi ang tensyon matapos matukoy ng mga opisyal ng Pilipinas ang mga barkong pandigma ng China, kabilang ang aircraft carrier na Shandong, na nagpapatrolya sa loob ng katubigang sakop ng Pilipinas mula nang magsimula ang mga pagsasanay.

Nagpahayag ng pagkabahala ang US.

Ang mga ulat ay "lubhang nakakabahala kung totoo," ayon kay James Hewitt, tagapagsalita ng US National Security Council, sa panayam ng Financial Times, at nagbabala na "ang ganitong mga hakbang ay nagbabanta sa katatagan ng rehiyon at lumalabag sa pandaigdigang batas."

"Patuloy kaming nakikipag-ugnayan nang mabuti sa aming mga kaalyado at nananatiling nakatuon sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific," dagdag ni Hewitt.

Paalala sa mga obligasyon ng China

Binigyang-diin ni Malaya ng National Security Council na nilalabag ng China ang pandaigdigang batas.

Ipinaalala niya sa China ang mga obligasyon nito sa ilalim ng 2002 Declaration of Conduct of Parties in the South China Sea, na nagbabawal sa pag-angkin sa mga bahaging hindi pa okupado.

"Hinihimok namin ang People's Republic of China at ang Chinese coast guard na panatilihin ang kasalukuyang kalagayan," sinabi niya noong Abril 28.

Itinuturing ng mga analyst ang hakbang ng China sa Sandy Cay bilang isang planadong maniobra.

Dapat ituring ang mga hakbang ng Beijing bilang isang "taktikal na kilos" na naglalayong paigtingin ang panggigipit sa Pilipinas, ayon kay Lyle Morris, dating Pentagon Sinologist na ngayon ay nasa Asia Society Policy Institute, sa panayam ng Financial Times para sa isang artikulo noong Abril 26.

Ang mas malawak na estratehiya ng China sa South China Sea ay patuloy na sinusuri ng mabuti.

Inaangkin ng Beijing ang halos buong karagatan sa kabila ng desisyon ng pandaigdigang arbitral noong 2016 na bumasura sa malawak nitong mga pag-aangkin. Ang batas ng China noong 2021 na nagbibigay ng malawak na kapangyarihan sa kanilang coast guard na sumakay at mag-inspeksyon ng mga dayuhang sasakyang-dagat sa mga pinagtatalunang katubigan ay lalong nagpapataas ng panganib ng mga sagupaan.

Bagaman walang ebidensyang nagpapakita ng permanenteng okupasyon o konstruksiyon sa Sandy Cay, ang simbolikong paglalagay ng watawat ay nagpapakita ng lalong tumitigas na paninindigan ng Beijing. Pinapataas nito ang panggigipit sa Maynila at nagdaragdag ng panibagong komplikasyon sa isang sitwasyong dati nang maselan sa isa sa pinakamahalagang rutang pandagat sa mundo.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *