Ayon sa AFP |
Magsasanay ang isang platoon ng Pilipinas sa paggamit ng US mid-range missile system sa susunod na buwan, bilang paghahanda para sa mga pagsasanay kasama ang US, ayon sa pahayag ng militar ng Maynila noong Enero 28.
Dinala ng US military ang Typhon missile system sa hilagang bahagi ng Pilipinas noong nakaraang taon bilang bahagi ng taunang pinagsamang pagsasanay, ngunit hindi ito inalis matapos ang training o war games.
Nakipagsagupaan ang pwersa ng China laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas nitong mga nakaraang buwan dahil sa mga pinag-aagawang bahura at katubigan sa South China Sea.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng Philippine Army na nagpaplano itong bumili ng Typhon system para patibayin ang kanilang pagsusumikap na maprotektahan ang interes ng bansa sa karagatan.
Isang bagong platoon mula sa Philippine Army Artillery Regiment ang tuturuan sa paggamit ng bagong sistema. Magkakaroon sila ng oryentasiyon at pagsasanay na magsisimula sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero, ayon sa pahayag ni Army spokesman Col. Louie Dema-ala sa isang press conference.
Pagsasanay ng Philippine-US army
Ang isang linggong pagsasanay ay sasalihan ng mga grupo mula sa 1st Multi-Domain Task Force ng US Army Pacific, dagdag ni Dema-ala
"Ito ay pagpapatuloy ng mga natutunan namin sa unang pagsasanay na ginawa noong nakaraang taon. Magsasama dito ang mga bagong yunit at ang grupo ng mga sundalo na nag-training noon," sabi ni Dema-ala.
"Hangga't narito ang MRC [mid-range missile capability], sasagarin namin ang paggamit nito para maturuan ang ating mga sundalo sa bagong teknolohiya," dagdag pa niya.
Ang pagsasanay ay paghahanda na rin para sa darating na Salaknib, isang taunang joint exercise ng mga hukbo ng Pilipinas at Estados Unidos, sabi niya.
Sinabi niya sa mga mamamahayag na lihim ang lokasyon ng pagsasanay at hindi rin papuputukin ang Typhon system
Ang paglilipat ng launcher mula sa orihinal nitong lokasyon patungo sa ibang bahagi ng bansa ay isang pagsusuri "upang makita kung paano maipadadala ang mga logistical trains sa mga tiyak na lugar, sa mga tiyak na mahahalagang lokasyon," sabi ni Philippine military spokeswoman na si Col. Francel Padilla.
Pagpoprotekta sa mga sasakyang pandagat na nasa 370 km mula sa baybayin
Kaya ng ng Typhon system na protektahan ang mga sasakyang pandagat hanggang 370 km (200 nautical miles) mula sa baybayin. Ito ang siyang hangganan ng karapatan sa dagat sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea, ayon sa mga opisyal ng militar ng Pilipinas.
Noong nakaraang linggo, paulit na nanawagan si Mao Ning, tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs ng Tsina, na "itigil ng Pilipinas ang pagpapatuloy sa maling hakbang."
"Muling iginigiit ko na sa pagdadala ng ganitong uri ng sandatang pandigma sa bahaging ito ng mundo, ang Pilipinas ay lumilikha ng tensyon at hidwaan sa rehiyon at naghihikayat ng tunggaliang pang-geopolitika at kumpetisyon sa armas," sabi niya.
Ang Typhon Strategic Mid-Range Fires system, na dating kilala bilang Mid-Range Capability system, ay binuo gamit ang apat na containers na may strike-length cells mula sa Mk-41 Vertical Launch System, na karaniwang matatagpuan sa mga platapormang pandagat.
Ang mga cells na ito ay maaaring maglunsad ng Standard Missile-6 (SM-6) at Tomahawk cruise missile, kung saan ang huli ay maaaring umabot ng 2,400 km.