Ayon sa AFP |
Nag-uusap ang Pilipinas at New Zealand tungkol sa isang kasunduan na magpapahintulot na magpadala ng tropa sa lupa ng bawat isa habang lumalala ang tensyon sa karagatan laban sa China.
Sinisikap ng Maynila na palakasin ang mga ugnayan ng pangdepensa sa rehiyon ng Asya-Pasipiko at iba pang bahagi ng mundo sa lumalagong kumpiyansa ng China sa pag-angkin nito sa hotspot na South China Sea.
Nagkaroon ng unang round ng pag-uusap sa Maynila noong Enero 23 ang mga kagawaran ng depensa ng Pilipinas at New Zealand, sinabi ng dalawang bansa sa magkasanib na pahayag noong Enero 29.
"Ang unang bahagi ng pag-uusap na ito ay isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng bilateral na ugnayang pangdepensa ng Pilipinas at New Zealand," ayon sa pahayag.
Idinagdag pa na ang Status of Visiting Forces Agreement ay magbibigay ng legal na batayan para sa dalawang bansa "upang paigtingin ang kanilang mga aktibidad at magsagawa ng mga pagsasanay sa mga teritoryo ng bawat isa, na magpapalalim sa kooperasyong pangdepensa at militar," dagdag nito.
Dumalo sa pagpupulong sa Maynila si Catherine McIntosh, embahador ng New Zealand sa Pilipinas, habang ang iba pang miyembro ng delegasyon ng Wellington ay lumahok nang virtual.
Mula sa panig ng Pilipinas, kasama sa mga negosyador ang mga opisyal mula sa Kagawaran ng Depensa, Katarungan at Ugnayang Panlabas, gayundin ang Komisyon ng Pangulo sa Mga Bumibisitang Puwersa.
Noong nakaraang buwan, inaprubahan ng Senado ng Pilipinas ang parehong kasunduan sa depensa kasama naman ang Japan. Lumagda rin ang bansang ito sa Timog-silangang Asya ng mga katulad na kasunduan sa depensa sa Estados Unidos at Australia at nagsimula nang makipag-usap sa France.
Inaangkin ng Beijing ang halos buong South China Sea; isinasantabi ang mga nakikipagkumpitensyang pag-aangkin ng ilang bansa sa Timog-silangang Asya, kabilang ang Pilipinas, pati na rin ang isang internasyonal na desisyon na walang legal na basehan ang kanilang paninindigan.
Madalas magkaroon ng sagupaan o matinding standoff sa pagitan ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas at China sa estratehikong daang-dagat na ito.