Seguridad

China, tumangging humingi ng paumanhin sa biglaang live-firing drills sa baybayin ng Australia

Ang insidenteng ito ang pinakabago sa dumaraming sagupaan sa pagitan ng mga puwersang Australian at Chinese sa karagatan.

Larawan ng Chinese naval frigate, ang Hengyang. [Australian Defense Force]
Larawan ng Chinese naval frigate, ang Hengyang. [Australian Defense Force]

Ayon sa Focus at AFP |

Sinabi ng embahador ng Beijing sa Canberra noong Pebrero 28 na hindi siya hihingi ng paumanhin para sa biglaang naval drills ng China malapit sa Australia, na nagpilit sa dose-dosenang mga commercial flight na magbago ng ruta.

Nitong nakaraang linggo, napilitang lumihis ang ilang mga 49 na flight nang mag-anunsyo ang tatlong barkong pandigma ng China ng live-firing drills sa ilalim ng abalang ruta ng panghimpapawid sa pagitan ng Australia at New Zealand.

Pinuna ng dalawang bansa ang China dahil sa pagsasagawa ng drill nang halos walang abiso -- ayon sa mga opisyal ng Australia, ang huling-minutong babala ay ipinalabas sa isang channel na hindi ginagamit ng mga air controller.

"Sa aking palagay, ang abiso [na ibinigay ng China] ay tama," ang sabi ni Ambassador Xiao Qian sa pambansang broadcaster na ABC.

Pormal na ipinaabot ng pamahalaan ng Australia ang kanilang mga pangamba hinggil sa pagsasanay na ito ng China, kapwa sa Canberra at Beijing, noong Pebrero 21.

Sunud-sunod na mga pangyayari

Bilang karagdagan, noong Pebrero 21, hinarap ni Foreign Minister Penny Wong ang kanyang katapat na si Wang Yi sa isang di-pormal na pag-uusap noon ng G20 meeting sa Johannesburg, Timog Africa, na humihiling ng mas malinaw na impormasyon sa mga galaw ng flotilla at tinanong kung bakit hindi nagbigay ang Beijing ng mas maagang abiso tungkol sa drill.

Ang insidente ay nagdagdag sa dumaraming bilang ng sagupaan sa pagitan ng mga puwersang Australian at Chinese sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Noong nakaraang buwan, isang Chinese fighter jet ang nagpakawala ng mga flare sa daraanan ng isang surveillance plane ng Australian air force na nagbabantay sa pinag-aagawang South China Sea. Noong Mayo, inakusahan ang isang Chinese fighter jet ng pagharang sa isang Australian Seahawk helicopter sa internasyonal na himpapawid, na nagpakawala ng mga flare sa daraanan nito. Noong 2023, sinasabing binomba ng isang Chinese destroyer ang mga nakalubog na Australian navy diver gamit ang sonar pulses sa karagatan malapit sa Japan, na nagdulot ng bahagyang pinsala.

Kasabay nito, patuloy na pinapalala ng China ang tensyon sa Pilipinas kaugnay ng pinag-aagawang teritoryo. Noong Pebrero 18, sinabi ng Filipino coast guard na isang Chinese navy helicopter ang lumipad nang mas mababa sa tatlong metro mula sa isang Filipino surveillance plane sa pinag-aagawang Scarborough Shoal, ang pinakabagong insidente sa mga "mapanganib" na paghahamon ng Beijing. Patuloy pa rin inaangkin ng China ang halos buong South China Sea sa kabila ng isang internasyonal na desisyon noong 2016 na itinatanggi ang kanilang mga pag-aangkin.

Patuloy ding pinatitindi ng Beijing ang panggigipit militar sa Taiwan. Mula Pebrero 10 hanggang 12, iniulat ng National Defense Ministry ng Taiwan ang 62 paglipad ng mga eroplanong pandigma ng People Liberation's Army (PLA) malapit sa Taiwan Strait, kung saan 45 ang lumampas sa median line at pumasok sa hilaga, timog-kanluran at silangang himpapawid ng Taiwan. Nakita rin ng Taipei ang walong barkong pandigma ng PLA na kumikilos malapit sa strait.

Inihahanda ng New Zealand ang mga kagamitang pangmilitar nito

Patuloy na sinusubaybayan ng Australia at ng malapit nitong kaalyado, ang New Zealand, ang tatlong barkong pandigma ng China -- ang frigate, cruiser at supply tanker -- mula nang ito ay makita sa internasyonal na karagatan malapit sa Australia noong nakaraang linggo.

Handa ang New Zealand na "suportahan ang Australia sa pamamagitan ng pagbibigay ng kagamitang militar para sa mas mahigpit na pagbabantay, kung kinakailangan," ayon sa pahayag ng kaalyadong militar ng Australia noong Pebrero 28.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *