Ayon sa AFP at Focus |
TAIPEI -- Natukoy ng Taiwan ang 52 "kahina-hinalang" mga barkong pagmamay-ari ng China na gumagamit ng flags of convenience. Kailangan itong subaybayan kapag nakitang malapit sa isla, ayon sa coast guard noong Enero 27, habang naglalayon ang Taipei na protektahan ang mga kable ng telecom sa ilalim ng dagat nito.
Ipinatupad ang mas mahigpit na patakaran matapos maikling ma-detain ng coast guard ng Taiwan ang isang barkong may bandila ng Cameroon noong Enero dahil sa hinalang nakasira ito ng isang pandaigdigang kable sa hilagang-silangan ng isla.
Pag-aari ang barko ng isang kumpanyang nakarehistro sa Hong Kong na may isang Chinese na address na ibinigay para sa tanging nakalistang direktor nito, sinabi ng coast guard dati.
Nagpapahintulot ang flags of convenience sa mga kumpanya ng barko na irehistro ang kanilang mga barko sa mga bansang wala silang koneksyon—kapalit ng bayad at kalayaan mula sa mahigpit na pangangasiwa.
Limampu't dalawang "kahina-hinalang" barkong pag-aari ng China na gumagamit ng flags of convenience mula sa Mongolia, Cameroon, Tanzania, Togo, at Sierra Leone ang mas mahigpit na sinusubaybayan batay sa mga rekord ng daungan at datos mula sa Tokyo MOU, isang panrehiyong multilateral na organisasyon para sa kontrol ng estado ng daungan, ayon sa coast guard.
Sa 52 barko, 15 ang itinuring na isang “banta” dahil sa iba't ibang dahilan—kabilang ang haba ng panahong ginugol nila sa paglalagi o mabagal na paglalayag malapit sa mga submarine cable ng Taiwan noong 2024.
Paglagi sa katubigan ng Taiwan
Limang barko, na itinuturing na may pinakamalaking banta, ang nagpagala-gala sa hilaga, kanluran, at timog na katubigan ng Taiwan at nanatili "sa loob ng teritoryal na katubigan ng Taiwan nang mahigit 15 araw," ayon sa pahayag ng coast guard.
Susubaybayan ng mga awtoridad ng Taiwan ang "mga anomalya" sa operasyon ng AIS (automatic identification system) ng isang barko at "peke o maling paggamit ng mga pangalan ng sasakyang pandagat."
Babalan ang mga barkong pinaghihinalaang "naglalagi, mabagal na naglalayag, o nakaangkla" malapit sa mga submarine cable, sa pamamagitan ng radyo upang lisanin ang lugar, ayon sa coast guard.
"Kung hindi sumunod ang barko, ipapadala ang mga barko ng coast guard para mangolekta ng ebidensya at itaboy ang barko," sabi nito.
"Magsasagawa ng inspeksyon sa mga barko kung kinakailangan upang maprotektahan ang seguridad ng pandagat ng Taiwan at ang pandaigdigang komunikasyon.
Inaangkin ng China ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nila at nagbanta itong gumamit ng puwersa upang mailagay ito sa ilalim ng kontrol nila.
Nangangamba ang Taiwan na maaaring putulin ng China ang mga link sa komunikasyon nito bilang bahagi ng pagtatangkang agawin ang isla o harangin ito.
May 14 na internasyonal na mga kable sa ilalim ng dagat at 10 mga domestic na kable ang Taiwan.
Noong Pebrero 2023, naputol ang dalawang linya ng telecom na ginagamit sa labas ng kapuluan ng Matsu ng Taiwan, na nakagambala sa mga komunikasyon nang ilang linggo.