Seguridad

China raw ang pumutol ng kable ng Taiwan sa ilalim ng dagat, tulad ng pananabotahe sa Baltic

Ang mga insidente ay kahawig ng sunud-sunod na pagputol ng mga kable sa Baltic Sea kamakailan, na isinisi sa Russia ng mga awtoridad mula Estonia hanggang Sweden.

Isang lalaki ang nakatayo sa harap ng mga barko ng navy ng Taiwan na nakadaong sa Keelung noong Disyembre 11. Sinabi ng Taiwan noong Disyembre 11 na nakakita ito ng 53 military aircraft ng China at 19 na barkong malapit sa isla sa nakalipas na 24 na oras, habang isinagawa ng Beijing ang pinakamalaking mobilisasyon nito sa karagatan sa loob ng maraming taon. [I-Hwa Cheng/AFP]"
Isang lalaki ang nakatayo sa harap ng mga barko ng navy ng Taiwan na nakadaong sa Keelung noong Disyembre 11. Sinabi ng Taiwan noong Disyembre 11 na nakakita ito ng 53 military aircraft ng China at 19 na barkong malapit sa isla sa nakalipas na 24 na oras, habang isinagawa ng Beijing ang pinakamalaking mobilisasyon nito sa karagatan sa loob ng maraming taon. [I-Hwa Cheng/AFP]"

Ayon ka Robert Stanley |

Sa isa sa pinakabagong hakbang nito upang takutin ang Taiwan, tila ginaya ng China ang ilang taktika mula sa mga aksyon ng Russia sa Baltics.

Noong nakaraang buwan, natuklasan ng pangunahing telecom operator ng Taiwan, ang Chunghwa Telecom, ang pagkasira ng Trans-Pacific Express Cable, isang kable sa ilalim ng dagat na nagkokonekta sa islang bansa sa iba pang panig ng mundo.

Ayon sa Chunghwa at sa coast guard ng Taiwan, gamit ang radar at mga satellite record ng daloy ng mga barko, malamang na nakaladkad ng isang cargo ship ang angkla nito sa ibabaw ng kable. Ito ay pagmamay-ari ng isang taga-Hong Kong at sakay ang isang tripulanteng Tsino.

Madalas na nakikitang mabagal ang paglalayag sa mga dagat ng Silangang Asya ang Shun Xing 39 na may bandila ng Cameroon.

Makikita sa screenshot na ito ng video na walang petsa at ginawa ng coast guard ng Taiwan, na nasa dagat ang barkong pangkargamento na Shun Xing 39 na may bandila ng Cameroon at pag-aari ng Hong Kong. Hinarang ng coast guard ang barko noong Enero 3. [AFP]
Makikita sa screenshot na ito ng video na walang petsa at ginawa ng coast guard ng Taiwan, na nasa dagat ang barkong pangkargamento na Shun Xing 39 na may bandila ng Cameroon at pag-aari ng Hong Kong. Hinarang ng coast guard ang barko noong Enero 3. [AFP]

Hindi nakasakay sa barko ang mga tauhan ng coast guard dahil sa maalon na karagatan at pinayagan itong lumayag patungong South Korea.

"Ang pagsusuri sa kasaysayan ng paglalakbay ng barko ay hindi pa nagbibigay-linaw sa tunay nitong intensiyon," ayon sa coast guard ng Taiwan noong Enero 8.

"Gayunpaman, hindi maaaring ibasura ang posibilidad na isang barkong may bandila ng China na ginagamit lamang bilang 'flag of convenience' ay sangkot sa panggigipit sa grey-zone," dagdag pa nito, na tumutukoy sa mga taktikang hindi direktang maituturing na aktuwal na digmaan.

Pamumuwersa ng mga Intsik

Nakaranas ang Taiwan ng humigit-kumulang 30 pagkasira sa mga fiber optic cable nito sa pagitan ng 2017 at 2023, ayon sa The New York Times.

Noong Pebrero 2023, naputol ang dalawang linya ng telecom sa ilalim ng dagat na ginagamit sa malayong isla ng Matsu sa Taiwan, na sumira sa komunikasyon sa loob ng ilang linggo.

Noong panahong iyon, sinabi ng Komisyon sa Komunikasyon ng Taipei at ng mga lokal na posibleng mga barkong pangisda o dredger ng buhangin mula sa Tsina ang nakapinsala niyon.

Ang mga insidente ay kahawig ng sunud-sunod na pagputol ng mga kable sa Baltic Sea nitong mga nakaraang buwan, na isinisi sa Russia ng mga awtoridad mula Estonia hanggang Sweden, na nagpapalakas ng mga paratang na nagsasagawa ang Moscow ng isang hybrid war.

Gayundin, itinuturing ng Taiwan na bahagi ng estratehiya ng China ang pananabotahe upang puwersahin ang mga Taiwanese na itigil ang kanilang paglaban sa pagkokontrol ng Beijing."

Inaangkin ng Beijing ang halos ang buong South China Sea, sa kabila ng isang internasyonal na desisyon noong 2016 na nagpatunay na wala itong legal na batayan.

Patuloy itong nagpapadala ng mga sibilyan at military na barko sa katubigan ng Taiwan halos araw-araw sa nakalipas na ilang taon habang pinalalakas ang panggigipit na militar laban sa Taipei.

Ang nasirang cable sa baybayin ng Taiwan ay isa lamang sa mahigit isang dosenang kableng nagpapanatili ng internet nito.

Dahil sa pangamba na maaaring kabilang sa unang yugto ng pag-atake ng China ang pagputol sa komunikasyon ng Taiwan, ang islang nasa 177 km sa silangang baybayin ng China, ay naglalaan ng pondo para sa mga satellite na backup.

'Paghahanda para sa pagharang sa hinaharap'

Pag-aari ng kumpanya ng Hong Kong na Jie Yang Trading Limited, na pinamamahalaan ng isang Chinese, ang Shun Xing 39.

Bagamat walang nahanap na ebidensya ang mga Taiwanese na sinadyang putulin ng barko ang kable, nangyari ang insidente malayo sa mga karaniwang daraanan ng mga barko.

"Hindi namin ibabasura ang posibilidad na sinira ng China ang kable sa pamamagitan ng '[grey] zone operations,'" ayon sa isang mataas na opisyal ng coast guard ng Taiwan sa CNN.

Ang intensiyon ng ganitong gawain ay upang "putulin ang pandaigdigang komunikasyon ng Taiwan bilang paghahanda para sa pagharang at pag-quarantine sa hinaharap."

Bukod pa rito, maaaring sinusubukan ng barko na pagtakpan ang tunay nitong pagkakakilanlan.

Ayon sa masusing pagsusuri ng Lloyd's List Intelligence na shipping industry website, ang barko ay gumagamit ng tatlong magkakaibang digital na pagkakakilanlan, nagpapadala ng mga signal sa radar at mga satellite tracker bilang Tanzania-flagged Xing Shun 39, Cameroon-flagged Shun Xing 39, at Cameroon-flagged Xing Shun 39.

Ang pagpapadala ng signal upang malaman ang lokasyon gamit ang iba't ibang pagkakakilanlan sa iba't ibang oras ay nagdudulot ng "matinding kalituhan" sa sinumang sumusubaybay sa kilos ng barko, ayon kay Ian Ralby, punong ehekutibo ng mga consultant na IR Consilium.

Ang pagtatago ng tunay na pagkakakilanlan ng isang barko ay kadalasang hindi pinapansin ng mga awtoridad sa maritime, ngunit ito rin "ang pinakamadaling paraang matukoy ang palatandaan ng iba pang ilegal o hindi kanais-nais na aktibidad," ayon kay Ralby sa panayam ng Lloyd's List.

"Maraming barko na sangkot sa kahina-hinala, kaduda-duda, o tahasang mapanganib na gawain ang hindi napapansin dahil karaniwan nating ipinagsasawalang-bahala ang tila maliliit at hindi kapansin-pansing paglabag," dagdag niya.

Ang 'shadow fleet' ng Russia

Sa Baltic Sea, isinisisi ang mga insidente ng pagputol ng mga kable sa tinatawag na shadow fleet -- isang network ng mga lumang barko na hindi malinaw kung sino ang may-ari at patuloy na nagdadala ng krudong langis at mga produktong petrolyo ng Russia sa kabila ng mga parusang ipinataw ng Western matapos ang pagsalakay nito sa Ukraine.

Ang pinakahuling insidente ay naganap noong Disyembre 25, nang masira ang Estlink 2 -- isang kable ng kuryente -- kasama ang apat na kable ng telecom na nag-uugnay sa Finland at Estonia. Ilang linggo bago ito, isa pang pag-atake ang tumarget sa dalawang kable ng telecom.

Sinabi ng mga awtoridad ng Finland na natuklasan nila ang bakas ng isang angkla na kinaladkad nang halos 110km sa sahig ng dagat, at puwersahang kinuha ng mga komandong Finnish ang isang barko na tinatawag na Eagle S dahil sa hinalang pananabotahe.

"Mariin naming kinokondena ang mga sinadyang pagsira sa mahahalagang imprastraktura ng Europa," ayon sa pahayag ng European Commission at ng punong diplomatiko ng European Union, si Kaja Kallas, noong Disyembre 26. "Ang pinaghihinalaang barko ay bahagi ng shadow fleet ng Russia, na nagbabanta sa seguridad at kalikasan, habang pinopondohan ang budget ng digmaan ng Russia."

"Magsusulong kami ng karagdagang hakbang, kabilang ang mga parusa, upang matarget ang shadow fleet na ito," ayon sa pahayag.

Ang pagkaputol ng koneksiyon ng Estlink ay nangyari mahigit isang buwan matapos maputol ang dalawang telecom cable sa teritoryal na katubigan ng Sweden sa Baltic Sea.

Ipinahayag ng mga opisyal ng Europa noong Nobyembre 19 na pinaghihinalaan nilang may kinalaman ang "pananabotahe" at "hybrid warfare" sa paglusob ng Russia sa Ukraine, ayon sa ulat ng AFP.

Tumindi ang tensyon sa Baltic region mula nang salakayin ng Russia ang Ukraine.

Noong Setyembre 2022, sunud-sunod na pagsabog sa ilalim ng dagat ang sumira sa mga pipeline ng Nord Stream, na nagdadala ng gas ng Russia patungong Europa. Hanggang ngayon, hindi pa natutukoy ang sanhi nito, kaya't patuloy ang mga espekulasyon at tensyon sa geopolitika.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *