Ayon sa Focus at AFP |
MANILA–Sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. "labis siyang nababahala" sa paniniktik ng China sa militar ng bansa matapos ang sunud-sunod na pag-aresto sa mga pinaghihinalaang Chinese na espiya.
"Labis kaming nababahala sa sinumang gumagawa ng paniniktik laban sa ating militar," sinabi ni Marcos sa mga reporter noong Enero 31.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na ang mga pag-aresto ay nagpapatunay na kinakailangan ang "mas masusing pagmamatyag at mga mabisang counterintelligence measures."
'Tip of the iceberg' o simula pa lang ng mas malalim na isyu
Sinabi ng mga opisyal ng seguridad ng Pilipinas na noong Enero 30, inaresto nila ang limang Chinese na espiya, matapos maunang maaresto ang isa pa nilang kababayan dahil sa paniniktik noong unang bahagi ng Enero.
![Ininspeksyon ng mga opisyal ng Philippine National Police ang isang submarine drone na natagpuan sa karagatan ng Gitnang Pilipinas noong Enero. [Philippine National Police]](/gc9/images/2025/02/03/49040-philipines_drone-370_237.webp)
Dalawang lalaki ang inaresto sa paliparan ng Maynila matapos umano silang maniktik sa sasakyang pandagat ng Philippine navy at iba pang sasakyan ng gobyerno na nagsusuplay ng military garrison sa mga kampo ng militar sa pinag-aagawang Spratly Islands.
Gamit ang drone at high-resolution solar-powered camera, kinunan ng video ng mga lalaki ang mga aktibidad sa isang naval base, isang coast guard station, isang air base, at isang pantalan sa lalawigan ng Palawan–ang pinakamalapit na pangunahing kalupaan sa Spratlys, ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) director Jaime Santiago sa isang news conference.
"Itinuturing namin silang napakamapanganib sa pambansang seguridad sapagkat kung mapunta ito sa maling kamay, maaari itong magdulot ng matinding panganib sa ating mga tauhan sa base at pati na rin ang mga sakay ng ating mga barko," sabi ni Philippine military chief Gen. Romeo Brawner sa nasabing news conference.
Nagpanggap ang mga espiya bilang mga mamimili ng produktong-dagat o mga myembro ng mga lehitimong organisasyon.
Dalawa pang Chinese ang inaresto sa magkaibang lugar sa Maynila, at isa pa sa sentro ng Dumaguete City, ayon kay Santiago.
Kasunod din ito ng pag-aresto noong Enero kay Deng Yuanqing, isang Chinese na software engineer at dalawa niyang kasamahang Pilipino na pinaghihinalaang maniniktik sa mga kampo ng militar at pulis. Itinanggi ito ng embahada ng China sa Maynila.
Ayon sa isang saksi, nakikipagkita si Deng sa limang nakakulong na mga suspek isang beses sa isang buwan at sumusunod sa utos ng isang hindi pinangalanang "dayuhan" mula sa China, sabi ni Jeremy Lotoc, chief ng NBI cybercrime unit.
Sabi ni Brawner, maaga pa para sabihin kung ang paniniktik ay nagmumula sa gobyerno, dahil hindi pa natutukoy ng mga awtoridad sa Pilipinas kung kanino napupunta and nakuhang impormasyon.
"Ika nga, ito ay maaaring 'tip of the iceberg' pa lang, nag-uumpisa pa lang ito. Marami pa ang pwedeng mahuli na gumagawa ng ganitong gawain," sabi ni Brawner. "Marami pa sila."
Chinese submarine drone
Isang hinihinalaang Chinese submarine drone ang narekober sa karagatan sa gitnang Pilipinas noong huling bahagi ng Disyembre. Dahil dito, lalong lumakas ang pangamba sa posibleng pagbabanta ng Beijing sa seguridad ng bansa, ayon sa pulisya.
Tatlong mangingisda ang nakakita sa drone noong Disyembre 30, mga 9 kilometro mula sa dalampasigan ng San Pascual, Masbate, ayon sa ulat ng pulisya noong Enero 2.
Matagal nang pinagtatalunan ng Pilipinas at China kung sino ang may karapatan sa South China Sea at sa pag-aari ng mga bahura at maliliit na isla.
Iginigiit ng China na halos buong dagat ay pag-aari nila, hindi pinapansin ang mga karapatan ng ibang bansa at hindi kinikilala ang desisyon ng isang pandaigdigang tribunal na walang legal na basehan ang kanilang pag-aangkin.
Ang dilaw na drone na may markang "HY-119" ay nakitang lumulutang sa dagat bago ito ibinigay sa mga awtoridad, sinabi ni regional police director Andre Dizon sa AFP.
Mga 2 metro ang haba nitong may hugis na torpedo, at may mga palikpik.
"Batay sa publikong impormasyon sa pananaliksik namin sa internet, ang HY-119 ay isang Chinese navigation at communication system sa ilalim ng dagat," sabi ni Dizon.
"May antena ito at isang 'mata' na maaaring gamitin para makita ang mga bagay o pangyayari sa paligid nito. Batay sa aming pananaliksik, magagamit ito para sa pagmamanman at pagsisiyasat."
Wala namang armas ang drone, sabi ni Dizon, pero ayon sa ulat ng pulis, may "kakayahan itong maging malubhang banta sa seguridad ng bansa".
Ibinigay ng Philippine navy ang drone sa pulisya noong Disyembre 31, idinagdag pa ni Dizon.