Seguridad

'Mapanganib na panghahamon': Taiwan, nakita ang dose-dosenang sasakyang panghimpapawid ng China na lumalabag sa himpapawid

Apatnapu’t limang sasakyang panghimpapawid at 14 na barkong pandigma ng China ang nakitang malapit sa isla, kung saan 34 na sasakyang panghimpapawid ang tumawid sa median line ng Taiwan Strait.

Ang larawang ito na kuha noong Marso 2022, ay nagpapakita ng dalawang jet fighter ng China na nagsasagawa ng pagsasanay sa pag-atake sa lupa bilang bahagi ng isang panghimpapawid na combat formation sa silangang China. [Chinese Defense Ministry]
Ang larawang ito na kuha noong Marso 2022, ay nagpapakita ng dalawang jet fighter ng China na nagsasagawa ng pagsasanay sa pag-atake sa lupa bilang bahagi ng isang panghimpapawid na combat formation sa silangang China. [Chinese Defense Ministry]

Ayon sa AFP at Focus |

TAIPEI -- Sinabi ng Taiwan noong Pebrero 27 na nakita nito ang 45 sasakyang panghimpapawid ng China sa loob ng 24 na oras malapit sa islang may sariling pamahalaan, ang pinakamataas na bilang ngayong taon.

Kinondena ng Taipei ang mga pagsasanay bilang isang "mapanganib na panghahamon" at paglabag sa mga pandaigdigang alituntunin, habang muling iginiit ng China ang pagtanggi nitong talikuran ang paggamit ng puwersa laban sa Taiwan.

Ayon sa Ministry of National Defense ng Taiwan, mula 6 AM ng Pebrero 25 hanggang 6 AM ng Pebrero 26, nakita nito ang 45 sasakyang panghimpapawid at 14 na barkong pandigma ng China malapit sa Taiwan.

Sa mga ito, 34 na sasakyang panghimpapawid ang tumawid sa median line ng Taiwan Strait at pumasok sa hilaga at timog-kanlurang himpapawid ng Taiwan.

Sinusubaybayan ng hukbong-dagat ng Taiwan ang pagsasanay ng mga sasakyang pandagat ng China sa timog-kanlurang baybayin ng isla noong Pebrero 26. Ang mga barkong China na makikita ay ang amphibious ship Siming Mountain (kaliwa) at ang replenishment ship Qiandaohu (kanan). [Hukbong-Dagat ng Taiwan]
Sinusubaybayan ng hukbong-dagat ng Taiwan ang pagsasanay ng mga sasakyang pandagat ng China sa timog-kanlurang baybayin ng isla noong Pebrero 26. Ang mga barkong China na makikita ay ang amphibious ship Siming Mountain (kaliwa) at ang replenishment ship Qiandaohu (kanan). [Hukbong-Dagat ng Taiwan]

Itinalaga rin ng militar ng China ang isang sona ng pagsasanay at nagsagawa ng "pagsasanay sa pagbaril" sa karagatang tinatayang 74 na kilometro mula sa timog-kanlurang baybayin ng Taiwan, ayon sa Taipei.

Naglabas din ang Hukbong-Dagat ng Taiwan ng mga larawan ng mga barko ng People’s Liberation Army Navy, kabilang ang amphibious warship Siming Shan at ang replenishment ship Qiandaohu.

Noong Pebrero 27, nagpahayag ang Tanggapan ng Pangulo ng Taiwan ng isang "matinding pagkondena" sa mga kilos ng China, na tinawag nitong isang "lantarang panghahamon".

Hinimok ng Foreign Ministry ng Taiwan ang pandaigdigang komunidad na "patuloy na bantayan ang seguridad ng Taiwan Strait at ng rehiyon."

Samantala, tumugon ang hukbong sandatahan ng Taiwan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga yunit pandagat at panghimpapawid upang subaybayan at pigilan ang anumang karagdagang pagsalakay ng mga puwersa ng China.

Paggamit ng puwersa

Ipinipilit ng China na bahagi ng teritoryo nito ang demokratikong Taiwan at nagbanta itong gagamit ng puwersa upang mapasailalim ang isla sa kanilang kontrol.

Sa mga nakalipas na taon, dinagdagan ng Beijing ang pagpapadala ng mga fighter jet at barkong pandigma sa paligid ng Taiwan upang igiit ang pag-aangkin dito, isang bagay na itinatanggi ng Taipei.

Nauna nang nagbabala ang matataas na opisyal ng US na ang tumitinding pagsasanay militar ng China ay maaaring magsilbing panakip sa isang aktuwal na pagsalakay o isang pagharang.

Bilang pangunahing katuwang sa seguridad ng Taiwan, pinalakas ng United States ang pagbebenta ng armas sa isla sa kabila ng matinding pagtutol ng Beijing.

Tinutulan ng Beijing ang umano'y "eksaheradong pahayag" ng Taiwan tungkol sa tinawag nitong "karaniwang pagsasanay" ng hukbong sandatahan nito.

Kable sa ilalim ng dagat

Sa isang hiwalay na insidente, dinakip ng Taiwan ang isang cargo ship na may mga tripulanteng Chinese noong Pebrero 25 matapos maputol ang isang kable ng telecom sa ilalim ng dagat malapit sa isla, ayon sa coast guard.

Ito ang pinakabago sa sunud-sunod na insidente ng pagkaputol ng mga kable sa ilalim ng dagat ng Taiwan, kung saan iniuugnay ang mga naunang insidente sa natural na sanhi o sa mga barko ng China.

Ayon sa Ministry of Digital Affairs, iniulat ng Chunghwa Telecom ng Taiwan na naputol ang kable na nag-uugnay sa Penghu, isang mahalagang grupo ng isla sa sensitibong Taiwan Strait, at sa Taiwan noong umaga ng Pebrero 25.

Dagdag pa nito, pinangasiwaan ng Taipei ang insidente "alinsunod sa mga patakarang may antas ng pambansang seguridad."

"Kung ang sanhi ng pagkasira ng kable sa ilalim ng dagat ay sinadya o isang simpleng aksidente, kailangang pang linawin sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon."

Nangangamba ang Taiwan na maaaring putulin ng China ang mga linya ng komunikasyon nito bilang bahagi ng isang pagtatangkang pagsakop o pagharang sa isla.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *