Seguridad

Taiwan Balak Higpitan ang Pagkamamamayan para sa mga Residente ng Hong Kong at Macau

Layuning pigilan ang posibleng pagpasok ng China sa pamamagitan ng imigrasyon, ayon sa isang iminungkahing pagbabago sa mga panuntunan sa imigrasyon ng Taiwan.

Hawak ng mga tao ang mga bandila ng Hong Kong at China habang kumakanta upang ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng paglipat ng lungsod mula sa Britain patungong China, sa Hong Kong noong Hulyo 1, 2022. [Isaac Lawrence/AFP]
Hawak ng mga tao ang mga bandila ng Hong Kong at China habang kumakanta upang ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng paglipat ng lungsod mula sa Britain patungong China, sa Hong Kong noong Hulyo 1, 2022. [Isaac Lawrence/AFP]

Ayon sa Focus |

TAIPEI -- Isinasaalang-alang ng gobyerno ng Taiwan na higpitan ang mga regulasyon sa pagkamamamayan para sa mga residente mula sa Hong Kong at Macau bilang bahagi ng mga reporma sa pambansang seguridad na naglalayong pigilan ang pagpasok ng China sa pamamagitan ng imigrasyon.

Ayon sa panukala, kailangang manirahan sa Taiwan nang hindi bababa sa apat na taon, sa halip na isa, bago maging kwalipikado para sa permanenteng paninirahan ang mga residente mula sa Hong Kong at Macau, ayon sa mga ulat ng lokal na media.

Sa karagdagan, hindi na sila makakapag-aplay para sa pagkamamamayan pagkatapos makakuha ng permanenteng paninirahan.

Ang mga aplikanteng may kaugnayan sa Chinese Communist Party (CCP), militar, o mga institusyon ng gobyerno ay mahaharap sa mas mahigpit na pagsisiyasat at maaaring matanggihan ang kanilang aplikasyon sa paninirahan.

Ayon sa isang hindi pinangalanang opisyal ng gobyerno sa Liberty Times noong Marso 3, nagdulot ng malaking panganib sa pambansang seguridad ang maluwag na patakaran sa imigrasyon para sa mga teritoryong ito, na ipinatupad noong 2020.

Mula nang ibalik ang Hong Kong ng United Kingdom sa China noong 1997, mahigit 2 milyong residente mula sa mainland China ang lumipat sa Hong Kong.

Ayon sa opisyal, hindi na wasto ang dating batayan sa pagbibigay ng pinabilis na paninirahan para sa mga residente ng Hong Kong at Macau dahil sa pagbabago ng pampulitikang kalagayan sa mga teritoryong ito.

Masusing Pag-iisip

Nagbunga ng magkakaibang reaksyon ang muling pagsusuri ng Taiwan sa mga patakaran nito sa imigrasyon.

Hinimok ni Lam Wing-kee, tagapagtatag ng Causeway Bay Books sa Hong Kong, ang gobyerno na maingat na pag-aralan ang mga repormang ito.

Nagsara noong 2015 ang Causeway Bay Books—na kilala sa pagbebenta ng mga librong kritikal sa CCP—matapos mawala sa kontrobersyal na paraan ang lima nitong empleyado, kabilang si Lam, na natuklasang ikinulong ng mga awtoridad sa mainland

Kusang loob na tumakas si Lam patungo sa Taiwan noong 2019 bago muling binuksan ang bookstore noong 2020. Naging mamamayan ng Taiwan siya noong nakaraang taon.

Sa isang panayam sa TVBS News, iginiit ni Lam na dapat natugunan ang mga pangamba hinggil sa mga migrante mula sa Hong Kong na maaaring lumulusot sa Taiwan bilang kinatawan ng gobyerno ng China noong 2019, nang nagsimula ang pagdagsa ng mga lumilikas, sa halip na ngayon.

Bagama't iaayon ng iminungkahing regulasyon ang mga kinakailangan o requirements sa paninirahan para sa mga residente ng Hong Kong at Macau sa mga dayuhan mula sa ibang bansa, mas magiging maluwag pa rin ang mga ito kumpara sa mga patakaran para sa mga aplikante mula sa mainland China, na kailangang maghintay ng anim na taon bago makapag-aplay para sa isang national ID card.

Mas inuuna ng maraming migrante mula sa Hong Kong at Macau ang paninirahan kaysa sa pagkamamamayan ng Taiwan, kaya maaaring hindi gaanong maapektuhan ng mga pagbabagong ito ang karamihan ng mga aplikante.

Plano ng gobyerno na kumunsulta sa mga komunidad ng Hong Kong at Macau sa Taiwan bago tapusin ang mga pagbabago, ayon sa mga lokal na ulat.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *