Ni Val Panlilio |
Kinondena ng mga opisyal ng Pilipinas ang biglang pagdami ng mga maling pahayag sa social media ng Tsina nitong mga nakaraang linggo na nagsasabing ang isla ng Palawan ay dating bahagi ng Tsina.
Unang lumaganap sa Rednote (Xiaohongshu) ang pekeng pag-aangkin na nagsasabing ang Palawan ay dating tinawag na “Zheng He Island” bilang parangal sa isang 15th-century Chinese explorer.
Bagamat hindi opisyal na inaangkin ito ng gobyerno ng Tsina, lumaganap ang post sa TikTok, na nagdulot ng matinding pagtutol mula sa mga Pilipino at mga awtoridad ng Pilipinas.
Noong Pebrero 28, agad na kinondena at pinasinungalingan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pag-aangkin.
![Nagbabahagi ang mga netizen ng Tsina ng mga post na nagsasabing ang isla ng Palawan ayon sa kasaysayan ay kabilang ng Tsina. Ang ilan pa ay may mga headline na nagsasaad ng, 'Panahon na para 'bumalik sa inang bayan.'" [Screenshot mula sa Sohu.com]](/gc9/images/2025/03/13/49495-palawan_posts-370_237.webp)
“Walang ebidensya na may permanenteng nanirahang populasyon ng Tsino sa Palawan, na patuloy nang tinitirhan ng iba’t ibang pangkat ng tao sa loob ng 50,000 taon ayon sa datos ng arkeolohiya." pahayag ng NHCP.
Walang estado o bansa ang maaaring gumamit ng kaduda-dudang datos ng kasaysayan upang igiit ang pag-angkin sa teritoryo ng Pilipinas, dagdag pa ng ahensya.
Bahagi ang ganitong mga naratiba o kwento ng mas malawak na kampanya ng maling impormasyon na may layuning manipulahin ang pananaw ng publiko at pahinain ang soberanya ng Pilipinas, ayon sa mga opisyal.
Bahagi ang mga post na ito ng “cognitive warfare” ng Tsina, ayon kay Alexander Lopez, tagapagsalita ng National Maritime Council.
"Sinisikap nila (mga Tsino) na hubugin ang isip ng mga tao—lokal at pandaigdigang madla—upang ang opinyon ay pumabor sa kanila," aniya, ayon sa Inquirer.
Ang Palawan, na matatagpuan sa kanlurang dulo ng Pilipinas, ay kumokontrol sa pagpasok patungo sa South China Sea at West Philippine Sea.
Inaangkin ng Tsina ang halos kabuuan ng South China Sea, sa kabila ng hatol ng pandaigdigang tribunal o hukuman na walang legal na basehan ang kanilang pag-aangkin.
Nagpadala ang Beijing ng mga barkong pandigma ng navy at coast guard upang pigilan ang Pilipinas sa pagpasok sa mahahalagang bahura at isla sa South China Sea, na nagresulta sa sunod-sunod na sagupaan nitong mga nakaraang buwan.
Paggamit ng propaganda
Bagama't ibinasura na ng pandaigdigang hukuman ang malawakang pag-aangking teritoryal ng Tsina, patuloy na itinutulak ng Beijing ang iba’t ibang naratibo ng kasaysayan sa pamamagitan ng mga grassroots digital campaigns na suportado ng estado.
Malamang ay ginagamit ng Tsina ang social media upang palakasin ang kanilang walang basehang pag-aangkin sa South China Sea, ayon kay Dennis Coronacion, isang political scientist mula sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Bagaman madaling mag-angkin, mahirap naman itong patunayan gamit ang ebidensya, lalo na’t paulit-ulit nang nabigong magbigay ng konkretong pruweba pangkasaysayan ang Tsina sa kanilang sinasabing pag-aari sa mga lugar na ito, sinabi niya sa Focus.
Inilarawan niyang ang estratehiya ng Tsina ay may dalawang bahagi: ang paggamit ng “gray warfare” sa pamamagitan ng agresibo ngunit hindi tahasang paghahamon ng digmaan sa pinagtatalunang teritoryo, at ang paggamit ng propaganda sa social media upang pahinain ang pamumuno ng Pilipinas at lumikha ng kalituhan sa publiko.
Muling tiniyak ng mga opisyal ng Pilipinas ang kanilang paninindigan laban sa maling impormasyon at ang pagpapalakas ng kaalamang pangkasaysayan.
Tinawag ni Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa West Philippine Sea, na “walang basehan” at “ganap na walang katuturan" ang pahayag ng Tsina.
Ang Palawan ay namalaging likas na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, aniya, ayon sa Daily Tribune.
“Ang mga pahayag na ito ay hindi lamang mali sa kasaysayan kundi nagpapakita rin ng isang mapanganib na anyo ng teritoryal na agresyon na nagkukubli sa ilalim ng tinatawag nilang karapatan sa kasaysayan,” ayon kay Neri Colmenares, dating kongresista at chairperson ng Bayan Muna partylist.
Nanawagan siya sa coast guard ng bansa na dagdagan ang pagpapatrolya at pakikipagtulungan sa iba pang bansang may inaangking teritoryo sa lugar.