Seguridad

Taiwan nangangamba sa pagsupil ng China sa mga aktibista ng kasarinlan ng Taiwan sa ibayong dagat

Iniulat na inutusan ng China ang mga embahada at istasyon ng pulis nito sa ibayong dagat na tutukan ang mga turistang Taiwanese, estudyante, at residente upang parusahan ng matindi ang mga 'elementong nagsusulong ng kasarinlan ng Taiwan.'

Larawang kuha noong Mayo 24 na nagpapakita ng isang demonstrador sa Taiwan na may hawak na bandilang may nakasulat na 'Taiwan Independence' sa isang protesta sa labas ng parlamento sa Taipei. Iniulat na inutusan ng China ang mga yunit ng pambansang seguridad nito na supilin ang mga 'elemento ng kasarinlan ng Taiwan' sa mga bansang maka-China. [Yasuyoshi Chiba/AFP]
Larawang kuha noong Mayo 24 na nagpapakita ng isang demonstrador sa Taiwan na may hawak na bandilang may nakasulat na 'Taiwan Independence' sa isang protesta sa labas ng parlamento sa Taipei. Iniulat na inutusan ng China ang mga yunit ng pambansang seguridad nito na supilin ang mga 'elemento ng kasarinlan ng Taiwan' sa mga bansang maka-China. [Yasuyoshi Chiba/AFP]

Ni Wu Qiaoxi |

Pinag-iisipan ng mga Taiwanese na awtoridad ang pagtaas ng travel alert sa ilang bansa matapos lumabas ang mga ulat na iniutos ng Beijing sa ahensya ng pambansang seguridad nito na supilin ang mga "elemento ng kasarinlan ng Taiwan" sa ibang bansa.

Si Wang Huning, isang miyembro ng natatanging Politburo Standing Committee ng Chinese Communist Party at isa sa pinakamalalapit na mga tagapayo ni Pangulong Xi Jinping, ang nagbigay ng utos sa loob ng dalawang-araw na pagpupulong tungkol sa Taiwan na nagsimula Pebrero 25, iniulat ng Reuters na tinukoy ang isang memo ng gobyernong Taiwanese.

Sa pagpupulong, hiniling ni Wang sa mga embahada ng Beijing at mga istasyon ng pulis sa mga bansang "may mataas na antas ng tiwala" sa China, na ipatupad ang mga alituntuning inaprubahan noong nakaraang taon na tumututok sa mga turistang Taiwanese, estudyante, at residente, sabi ng memo.

Noong nakaraang Hunyo, naglabas ang China ng mga alituntunin upang parusahan ang mga "diehard" na aktibista ng kasarinlan ng Taiwan, kabilang na ang pagkakakulong at parusang kamatayan.

Noong Marso 8, muling pinagtibay ng Supreme People's Court at Supreme People's Procuratorate ng China ang pagpapatupad ng mga hakbang na ito, kahit wala namang hurisdiksyon ang mga hukuman ng China sa Taiwan at mga mamamayan nito.

Ang isang hindi pinangalanang mataas na opisyal ng Taiwan ay nagsabi sa Reuters na ang bagong utos ay nangangahulugan na ang mga mamamayang Taiwanese sa mga bansang tulad ng Cambodia, Laos, at ilang bahagi ng Africa ay maaaring maharap sa pagkaka-detene o imbestigasyon kung paghihinalaang sumusuporta sa kasarinlan ng Taiwan.

"Maaaring damputin sila para sa interogasyon ng lokal o Chinese police doon, kahit para sa sikolohikal na pananakot man lamang," ayon sa opisyal.

Pinag-iisipan ng mga ahensyang panseguridad ng Taiwan kung itataas ang antas ng travel alert sa ilang bansa para sa kanilang mga mamamayan, dagdag ng opisyal.

Ang Taiwan Affairs Office ng China at Foreign Ministry ay hindi agad tumugon sa mga pahayag na ito.

"Ang China ay nagtatangkang 'higpitan' ang demokrasya at kalayaan ng Taiwan sa pamamagitan ng mga alituntuning ito," ayon sa Foreign Ministry ng Taiwan.

Sinabi ng ministeryo na inatasan na nito ang mga tanggapan nito sa ibayong dagat na subaybayan at suriin ang mga kaugnay na panganib at ipaalala sa publiko na bigyan pansin ang pagiingat habang naglalakbay sa ibang bansa.

Pagsupil sa kasarinlan

Nagtatag ang China ng mahigit 100 na tinatawag na overseas police stations sa buong mundo upang subaybayan, gipitin, at sa ilang pagkakataon, pilitin ang pagpapauwi ng mga mamamayang Tsino na nasa exile, ayon sa mga ulat ng Kanluran.

Itinanggi nito noon na may pinapanatili itong mga istasyon, ngunit ibinanggit nitong may mga volunteer-run centers na tumutulong sa mga mamamayang Tsino sa pag-renew ng mga dokumento at pagbibigay ng iba pang serbisyo.

Ipinagpapalagay ng China na bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan at matagal nang nagbabantang gumamit ng puwersa upang sakupin ito, gamit ang Anti-Secession Law bilang katuwiran. Gayunpaman, hindi malinaw ang kahulugan ng batas patungkol sa kasarinlan ng Taiwan.

Ang mga alituntuning inilabas noong nakaraang taon ay nagpalawak sa kahulugan upang maisama ang pagtataguyod ng pagsali ng Taiwan sa mga pandaigdigang organisasyon o ang pagpapalaganap ng ideya na hiwalay ang Taiwan sa China.

Ang Taiwan Affairs Office ng China at Ministry of Public Security ay nagtayo ng hotline para iulat ang mga aktibidad na pabor sa kasarinlan ng Taiwan. Ang mga website ng parehong ahensya ay mayroon na ring pahina na tumutukoy sa mga naturang aktibista at naglalaman ng mga balita tungkol sa kanila.

Hindi bababa sa 52 na mga residente ng Taiwan ang nawala o na-detene matapos magtungo sa China mula noong 2024, ayon sa Mainland Affairs Council ng Taiwan.

Kabilang sa mga kilalang kaso ay ang aktibistang panlipunan na si Yang Chih-yuan, na nagtungo sa Xiamen at Wenzhou upang dumalo sa Wenzhou Go tournament noong 2022.

Noong Setyembre, hinatulan si Yang ng siyam na taong pagkakakulong para sa "kasalanang secession."

Isa pang kaso ay kinasasangkutan ni Fucha Yanhe, editor-in-chief ng Gusa Publishing, na nawala noong Marso 2023 matapos magtungo sa Shanghai upang kanselahin ang kanyang household registration, at nananatiling nakadetene mula noon.

Ang dalawang indibidwal ay itinuring ng mga awtoridad ng China na sangkot sa malalaking insidenteng panseguridad .

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *