Kakayahan

War game simulation ng 2030 krisis sa Taiwan Strait, nagtawag-atensyon sa first shot dilemma

Isang tabletop war game na isinagawa ng matataas na opisyal ang naglantad ng mga estratehikong tensyon tungkol sa pagpigil, pag-igting ng mga labanan, at sa mga taktikang gray-zone sa isang simulated na pagsalakay ng China sa Taiwan.

Isang sasakyang militar ng Taiwan ang kumikilos sa Penghu noong Mayo 30, 2022. Sa isang war game noong Hunyo na simulation ng paglusob ng China sa 2030, kritikal ang pagtatanggol ng Penghu para sa pangkalahatang istratehiya ng Taiwan. [Sam Yeh/AFP]
Isang sasakyang militar ng Taiwan ang kumikilos sa Penghu noong Mayo 30, 2022. Sa isang war game noong Hunyo na simulation ng paglusob ng China sa 2030, kritikal ang pagtatanggol ng Penghu para sa pangkalahatang istratehiya ng Taiwan. [Sam Yeh/AFP]

Ayon kay Jia Fei-mao |

Isang simulation ng paglusob ng China sa Taiwan sa taong 2030 ang nagpakita na iiwasan ng Taipei na unang magpaputok at naglantad ng matitinding problema at tensyon sa pagdedesisyon na maaaring mangyari sa hinaharap.

Ang tabletop war game na inorganisa ng mga sibilyan at dinaluhan ng mga retiradong matataas na opisyal-militar mula sa Taiwan, United States, at Japan ay ginanap sa Taipei mula Hunyo 10 hanggang 11.

Ipinakita sa pagsasanay ang apat na papatinding yugto ng agresyon ng China laban sa Taiwan: panliligalig, pamumuwersa, pagpaparusa, at malawakang pananakop.

Siyam na retiradong heneral at walong tenyente heneral ang bumuo ng limang team — Taiwan, United States, Japan, China, at isang control group — na kumikilos batay sa kani-kanilang interes at doktrina.

Mula kaliwa hanggang kanan: dating commander ng US Pacific Command na si Dennis Blair; si Huang Huang-hsiung, presidente ng Taipei School of Economics and Political Science na siyang bumuo ng Taiwan Defense War Game; at ang dating Chief of the General Staff ng Taiwan na si Lee Hsi-min, sa isang press conference noong Hunyo 11. [Jia Fei-mao]
Mula kaliwa hanggang kanan: dating commander ng US Pacific Command na si Dennis Blair; si Huang Huang-hsiung, presidente ng Taipei School of Economics and Political Science na siyang bumuo ng Taiwan Defense War Game; at ang dating Chief of the General Staff ng Taiwan na si Lee Hsi-min, sa isang press conference noong Hunyo 11. [Jia Fei-mao]

Itinakda sa taong 2030, ipinagpalagay ng simulation ang pagbagal ng ekonomiya sa China at ang pagsulong ng ugnayang militar sa pagitan ng United States at Taiwan.

Sa ilalim ng mga agresyon, pinili ng Beijing na puwersahang wakasan ang isyu laban sa Taiwan. Nagsimula ang eksena sa pagpasok ng mga barkong Chinese sa loob ng 12-nautical-mile na teritoryo sa karagatan ng Taiwan at pagsakop sa mga isla bilang mga base ng operasyon, na nauwi sa isang sorpresang paglapag ng puwersa ng China mula sa dagat patungong baybayin ng silangang Taiwan.

Sa pagtatapos, nagtagumpay ang mga Taiwanese sa pagpigil sa paglapag ng militar ng China sa silangang bahagi ng bansa.

Ngunit umani ng matinding pagbatikos sa mga unang desisyon ng Taiwanese team: nang hindi pagpaputok laban sa paglabag sa teritoryo, o ang hindi pagtatangkang bawiin ang Isla ng Pratas (Dongsha), na matatagpuan 444 na kilometro sa timog-kanluran ng Taiwan at posibleng maging “tagapagbantay” ng Taiwan Strait.

Pinili ng team na magtimpi upang maiwasan ang paglala ng hidwaan, paliwanag ni Heneral Hu Chen-pu, dating army commander at pinuno ng Taiwanese team.

"Gusto nilang tayo ang maunang magpaputok para may dahilan silang sumalakay," sabi ni Hu sa press conference matapos ang pagsasanay noong Hunyo 11. Dagdag pa niya, ang pangunahing prinsipyo ng team ay iwasang makagalit, pigilan ang paglala ng sitwasyon, at bawasan ang mga sagupaan.

Kung didiretso ang mga barkong Chinese sa mismong teritoryo ng Taiwan, kinakailangan nang magpaputok, ayon kay Chieh Chung, isang mananaliksik ng Association of Strategic Foresight.

Subali’t, kung mananatili lang sila malapit sa 12-nautical-mile line, kailangang timbangin ng Taiwan ang mga panganib na maidudulot ng pagpapalala ng tensyon.

Ang suliraning ito ay sumasalamin sa mga aktuwal na tensyon na nagaganap sa mundo.

Kung papasok ang mga sasakyang panghimpapawid o pandagat ng China sa loob ng 12-nautical-mile zone nang walang pahintulot, may karapatan ang militar ng Taiwan na ipagtanggol ang sariling bayan. Ito’y sinabi noon ng defense minister ng Taiwan na si Chiu Kuo-cheng sa mga mambabatas.

Iginiit ni Tsai Ming-hsien, isang dating defense minister na inimbitahan upang saksihan ang pagsasanay, na dapat muling pag-isipan ng Taiwan ang paninindigang "huwag mauunang umatake", na indikasyon ng kawalan ng aksyon.

Iminungkahi niya ang magkasanib na pagpigil kasama ang United States at Japan — sa mga paraang gaya ng mga kaparusahan, pagpapatalsik, o pagsasamsam sa mga barkong Chinese na lumalapastangan sa mga teritoryo ng Taiwan.

Ang hamon ng quarantine

Ipinakita ng war game ang posibleng paggamit ng China ng malawakang gray-zone operations — mga barko ng coast guard, ng milisya, at ng mga sibilyan na pumapasok sa loob ng 12-nautical-mile zone — upang limitahan ang mga galaw ng militar ng Taiwan at mag-udyok ng hindi naaangkop na pagtugon.

Ang diskarteng ito, na mula sa karaniwang pagsasanay ay naging tila tunay na labanan dahil sa isang planadong insidente, ay magtutulak sa Taiwan na mamili ng solusyon para sa isang estratehikong problema.

Isa sa mahahalagang senaryo ng war game ay ang “maritime legal quarantine,” kung saan hindi gumamit ng mga barkong pandigma ang China. Sa halip ay ipinadala nila ang kanilang coast guard upang harangin ang mga barkong pangkalakalan ng Taiwan, na lumikha ng mistulang pagbangkulong.

Ang ganitong pagharang ay maaaring unang hakbang ng China upang ihiwalay ang Taiwan at maaaring mapilitan ang Taipei na unang magpaputok, ayon sa team ng United States.

Bilang tugon, pinili ng team ng Taiwanese ang “crisis management approach”, kung saan pinapabagal ang paglala ng tensyong militar, pinapadali ang palitan ng signal, at iniwasan ang hindi makontrol na paglala ng mga labanan. Sa karagatan, sinubukan ng Taiwan na sundan at pigilan ang mga barko ng People's Liberation Army (PLA) sa pagsalakay, sa halip na labanan ang mga ito.

Noong nawala sa Taiwan ang Dongsha Island sa unang bahagi pa lang ng simulation, pinili ng kanilang team na huwag na itong bawiin.

Ayon kay Hu, ang pagtatangkang bawiin ang Dongsha ay maaaring maglipat ng labanan sa isang lokasyon na mas pabor sa kalaban.

"Ang pinagtuunan namin ay kung lalapit ang kanilang puwersa sa pangunahing isla. Hindi namin maaaring isakripisyo ang kabuuang depensa ng Taiwan para sa Dongsha," sabi niya.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang mga Isla ng Penghu, isang kapuluan ng 90 na isla at islet na nasa humigit-kumulang 50 na kilometro sa kanluran ng pangunahing isla ng Taiwan, ay kailangang ipagtanggol anuman ang mangyari.

Kapag nasakop, maaaring magsilbing mahalagang base ng supply para sa PLA ang mga isla. Sa isinagawang pagsasanay, unang sinakop ng China ang mga isla ng Chimei at Wang-an, sumunod ang Penghu, na naging malaking dagok sa Taiwan.

Ipinaliwanag ni Sun Ping-chung, dating deputy director ng Joint Intelligence Center ng Ministry of National Defense at pinuno ng team ng China, ang diskarte ng PLA: una, sakupin ang Penghu upang hayaan ang Taiwan na isiping nagmula sa kanluran ang pagsalakay, bago sila lumipat sa silangan upang guluhin ang mga plano para sa depensa ng Taiwan.

Sabi niya, mas gusto ng China ang "pwersahang pagsuko sa pamamagitan ng digmaan" kaysa wasakin ang kalabang bansa dahil kailangan pa rin nitong pamahalaan ang Taiwan pagkatapos ng labanan.

Istratehikong pagpapahiwatig

Dahil sa mas malawak na epekto sa Indo-Pacific, isinama sa war game ang mga team mula sa United States at Japan.

Patuloy na nagpakita ang panig ng US ng pagsuporta sa Taiwan, sa pamamagitan ng simulation ng pag-alis ng mga nakabangkulong sa karagatan at pagbubukas ng mga ruta para sa mga supply.

Bagama’t hindi nagpadala ng mga puwersa ang Japan, nakilahok ito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga hukbo ng US batay sa balangkas ng alyansang US-Japan.

Sa huling yugto, ang malawakang labanan, nagpakita ng mga team ng US at Japan ng simulation ng kanilang pag-ayaw sa "One China" policy at sa halip ay kanilang itataguyod ang Taiwan bilang isang bansang may kasarinlan.

Gayunpaman, ang interbensyong militar ng US ay nakasalalay pa rin sa gagawin ng Taiwan.

Ayon kay Admiral (ret.) Dennis Blair, dating commander ng US Pacific Command, ang mga pangunahing salik sa pagtulong ng US ay kung paano magsisimula ang labanan at kung magpapakita ang Taiwan ng kakayahan at kagustuhang ipagtanggol ang sarili.

Ayon kay Blair, may dalawang salik na makaiimpluwensya sa desisyon ng pangulo ng United States kung tutulong ito sa pagtatanggol sa Taiwan laban sa isang pananakop ng militar ng China: kung paanong magsisimula ang labanan, at kung may kakayahan at kagustuhan ang Taiwan na ipagtanggol ang sarili.

Samantala, binigyang-diin ni Lee Hsi-min, dating Chief of the General Staff ng Taiwan, na sa pagpapalakas ng puwersa ng bansa, dapat ipagpalagay na walang kaalyadong bansang tutulong. Dapat ay may kakayahan ang bansang pigilan ang China sa pamamagitan ng sarili nitong lakas.

"Kung wala kang kagustuhang ipagtanggol ang sarili mo, bakit isasakripisyo ng ibang bansa ang buhay ng kanilang mga kabataan para matulungan ka?" tanong niya sa ginanap na press conference.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link