Seguridad

Mga larawan ng misteryosong J-36 stealth fighter ng China, nagpapahiwatig ng kanilang lalong tumitinding ambisyong militar

Habang tumitindi ang pagpapakita ng Beijing ng lakas sa umiigting na tensyon sa rehiyon ng Asya-Pasipiko, inilantad din nila ang kanilang pinakabagong sasakyang panghimpapawid,

Ang modelong ito ng J-35A , isa sa mga ikaanim na henerasyong stealth fighter na gawa sa China, ay ipinakita sa display ng AVIC (China Aviation Industry Corporation) sa ika-15 na China International Aviation and Aerospace Exhibition sa Zhuhai, sa lalawigan ng Guangdong, China, noong Nobyembre 14. [Hector Retamal/AFP]
Ang modelong ito ng J-35A , isa sa mga ikaanim na henerasyong stealth fighter na gawa sa China, ay ipinakita sa display ng AVIC (China Aviation Industry Corporation) sa ika-15 na China International Aviation and Aerospace Exhibition sa Zhuhai, sa lalawigan ng Guangdong, China, noong Nobyembre 14. [Hector Retamal/AFP]

Ayon kay Tony Wesolowsky |

Kamakailan,ipinakita ng China ang pinakabago nitong stealth aircraft sa ikatlong pagkakataon. Ang sasakyang panghimpapawid, na binigyan ng hindi opisyal na pangalan na "J-36," ay matutunghayan samga larawan at video na kumakalat sa social media.

Ang pagpapakita nito ay kasabay ng mga hakbang ng Beijing upang palakasin ang presensya ng militar nito sa rehiyon ng Asya-Pasipiko.

Noong Marso 25, may bagong footage na lumabas sa social media ng China kung saan matutunghayan ang "J-36" na minamaniobra sa mababang altitude malapit sa Wenjiang Airport sa Chengdu, sa lalawigan ng Sichuan. Makikita sa likod nito ang papalubog na araw. Ito ang ikatlong naitalang test flight ng eroplanong ito mula noong unang paglipad nito noong Disyembre 26, isang indikasyon ng pagpapabilis ng testing ng Chengdu Aircraft Industry Group.

Dalawang araw bago nito, ipinalabas ng CCTV, ang pambansang broadcaster ng China, ang isang 27 na segundong video na nagtatampok ng malabong larawan ng isang eroplanong walang buntot sa dulo ng isang montage na gumugunita sa ika-27 na anibersaryo ng J-10 jet. Ang pangwakas na caption, "Ano ang susunod?" ay itinuturing na unang opisyal na pagtukoy sa ikaanim na henerasyong fighter jet ng China.

Isang malabong imahen ng isang sasakyang panghimpapawid na walang buntot ang ipinakita sa pagtatapos ng isang CCTV broadcast noong Marso 23, na may caption na 'Ano ang susunod?'. Ito ang unang opisyal na pahiwatig ng susunod na henerasyong fighter jet ng China. [China Central Television/Youtube]
Isang malabong imahen ng isang sasakyang panghimpapawid na walang buntot ang ipinakita sa pagtatapos ng isang CCTV broadcast noong Marso 23, na may caption na 'Ano ang susunod?'. Ito ang unang opisyal na pahiwatig ng susunod na henerasyong fighter jet ng China. [China Central Television/Youtube]

Ipinahayag ng Chinese military analyst na si Song Zhongping na ito ay tila nagpapahiwatig ng paglulunsad ng susunod na henerasyong fighter jet ng Chengdu, na malawakang ipinapalagay bilang ang J-36, ayon sa South China Morning Post.

Ayon sa mga kamakailang pagsusuri, ang kawalan ng buntot at ang hugis-diyamante na disenyo ng pakpak ng eroplano ay nagpapabuti sa kakayahan nitong magkubli o kumilos nang palihim, nagpapahusay sa aerodynamic performance nito, at malamang ay nagpapaunlad sa mga nagagawa nito kaugnay ng supersonic cruising.

Ang pagiging hindi madaling matunton at ang malawak na masasaklaw ng J-36 ay maaaring magbigay-daan upang ito'y makalusot sa First Island Chain sa kabila ng makakapal na air defense network. Ito ay ayon kay Hsiao-Huang Shu, isang mananaliksik mula sa Institute for National Defense and Security Research ng Taiwan, sa isang panayam ng Radio Taiwan International noong Marso 24.

Kasama sa chain ang Japan, Taiwan, at Pilipinas.

Maaaring puntiryahin ng China ang mga estratehikong lokasyon sa loob ng chain o lampas pa rito, tulad ng Guam o maging ang mga aircraft carrier ng US.

Gayunpaman, ang kakaibang three-engine configuration ng J-36, bagama't maaaring makadagdag sa puwersa at bilis ng sasakyan, ay nagdudulot din ng mga katanungan. Ang karagdagang engine ay maaaring magpataas ng infrared visibility at pagkonsumo ng gasolina, na posibleng makaapekto sa pagiging epektibo ng jet sa pagkubli, ayon kay Shu.

'Isang banta ngayon '

Ang mga ulat tungkol sa mga test flight ng stealth aircraft ay lumabas kasabay ng patuloy na pagpapalakas ng China sa agresyon ng militar nito sa rehiyon ng Asya-Pasipiko, habang nasasangkot sa mga lalong mapanghamong engkwentro laban sa mga puwersa sa rehiyon.

Patuloy na namumuhunan nang malaki ang China sa militar nito. Tumaas ng 7.2% ang ginastos para sa depensa noong 2025 upang "matatag na mapangalagaan" ang pambansang seguridad. Dahil dito, pumapangalawa na ang China sa Estados Unidos sa mga bansang may pinakamalaking gastusin para sa depensa.

Ang pagpapaunlad ng mga makabagong sasakyang panghimpapawid tulad ng J-36 ay nagpapakita ng matibay na paninindigan ng China sa pagpapalawak ng kakayahang militar nito.

Ang paglalantad ng J-36 ay naganap sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon ng Asya-Pasipiko. Lalo pang naging mapangahas ang China sa South China Sea, kung saan nasasangkot ito sa mga mapanghamong engkwentro laban sa mga puwersa sa rehiyon.

Nitong mga nakaraang linggo, paulit-ulit na binubulabog ng mga fighter jet ng China ang mga sasakyang panghimpapawid ng Australia. Kabilang sa mga ginawa nila ang paghulog ng mga flare sa daraanan ng isang surveillance plane ng Australia sa pinagtatalunang South China Sea.

May mga katulad ding insidenteng naganap sa mga hukbong pandagat ng Australia, kung saan diumano'y gumamit ang mga Chinese destroyer ng sonar pulses laban sa mga diver sa karagatang malapit sa Japan.

Kasabay nito, pinaigting ng Beijing ang mga komprontasyon nito sa Pilipinas bilang bahagi ng serye ng mga "mapanganib" na panggugulo na naglalayong igiit ang malawakang pag-aangkin ng China sa karagatan.

Samantala, regular na nagpapadala ang Beijing ng mga fighter jet, barkong pandigma, at mga sasakyang pandagat ng coast guard malapit sa Taiwan. Sila rin ay nagsagawa ng ilang malalaking pagsasanay-militar sa paligid ng isla nitong nakaraang taon.

Iginigiit ng China na ang Taiwan, na may sariling pamahalaan, ay bahagi ng kanilang teritoryo at nagbantang puwersahang sasakupin ang isla.

Paghahari sa himpapawid

Ayon kay Gen. Kenneth Wilsbach, commander ng Air Combat Command na nangangasiwa sa mga fighter, reconnaissance, at mga electronic warfare fleet ng US Air Force, ang mga stealth aircraft ng China ay malamang na dinisenyo para sa lubos na paghahari sa himpapawid.

"Naniniwala kami na ang ikaanim na henerasyong sasakyang panghimpapawid na ito ay nilikha upang maging makapangyarihan sa himpapawid," pahayag ni Wilsbach noong Marso 4 sa isang kaganapan ng Air & Space Forces Association, ayon sa ulat ng FlightGlobal.

Bagama't patuloy na umuunlad ang stealth technology ng China, nagbabala ang mga military analyst ukol sa labis na pagpapahalaga sa mga kakayahan nito.

Sa kabila ng mabilis nitong pagsulong, nahaharap ang militar ng China sa mga hamong tulad ng pagkakaroon ng sapat na tao, kakayahan sa estruktura, at ng pulitikal na paninindigan upang talunin ang Estados Unidos sa isang kumbensyonal na labanan, ayon sa pagsusuri.

Ayon sa isa pang ulat ng RAND na inilathala noong Enero 30, ang People's Liberation Army "ay nahihirapang makakuha ng mga nangungunang talento, lalo na mula sa mga pinakamahusay na unibersidad ng China."

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *