Ayon kay Chia Fei-mao |
Pinag-aaralan ng pamahalaan ng Taiwan ang mga patakaran upang masuring mabuti ang mga cross-strait exchange bilang bahagi ng pagsusumikap na pigilan ang pagpasok ng mga Chinese nang walang pahintulot at nang maprotektahan ang mga mamamayan nito.
Nanawagan ang pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te noong Marso 13 para sa ganap na pagpapatupad ng isang mekanismo ng pagsisiwalat o disclosure at matiyak na mananatiling matapat at mananagot sa publiko ang mga opisyales ng pamahalaan kapag bumibisita sila sa China para sa mga exchange.
Sinabi rin niya na dapat bumuo ang Ministry of the Interior (MOI) ng mekanismong tulad nito para sa mga organisasyong nakatuon sa kapakanan ng publiko at mga relihiyosong grupo na kasali sa mga exchange sa Taiwan Strait.
Ang "mekanismo ng pagsisiwalat" para sa mga organisasyon ay naglalayong pigilan ang "panghihimasok at pagsusumikap ng united front ng Beijing," dagdag ni Lai, ayon sa ulat ng Focus Taiwan.
![Ipinapakita sa larawang ito na kuha noong Agosto 14, 2024, ang pagsayaw ng isang grupo ng mga Taiwanese sa taunang Cross-Strait Breakdancing Competition sa Fuqing City, sa Fujian, isang lalawigan ng China. Ang pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te ay nanawagan para sa mas mahigpit na pagsisiwalat ng mga detalye sa paglalakbay uang kontrahin ang mga taktika ng United Front ng China. [cnsphoto/Imaginechina via AFP]](/gc9/images/2025/03/31/49782-afp__20240815__2088146600495284238__v1__highres__2024crossstraitbreakdancingcompetit-370_237.webp)
Ang katagang "united front" ay tumutukoy sa pagsusumikap ng Chinese Communist Party na impluwensyahan ang lipunan, mga pulitiko at media ng Taiwan upang isulong ang mga sentimyentong pabor sa Beijing.
Pormal ding itinuring ni Lai ang China bilang "panlabas na kumakalabang puwersa" at inakusahan ito ng pagtataguyod ng mga exchange habang ikinukulong ang mga Taiwanese na naglalakbay.
Simula 2024, nakapagtala ang Mainland Affairs Council (MAC) ng Taiwan ng 71 kaso ng mga nawawala, hinuli, sumailalim sa interogasyon, o ikinulong habang bumibiyahe patungong China.
'Mula sa pagkompromiso tungo sa pagharap'
Noong 2024, 4.4 milyon na biyahe ang kabuuang bilang ng cross-strait travel. Ito'y wala pa sa kalahati ng 10 milyong biyahe na naitala noong 2015, sa pagtatapos ng pamumuno ng Kuomintang (KMT).
Ngayong papalapit na ang halalan sa susunod na taon at may isinasagawang mga mass recall campaign, "ang mga halal na kinatawan ay hindi dapat bumibisita sa China na kasingdalas ng pagpunta nila sa mga convenience store," sinabi sa Focus ni Huang Kwei-bo, isang professor sa Department of Diplomacy sa National Chengchi University.
Sa isang panayam sa Focus, sinabi ni Chen Wen-chia, isang senior adviser sa Institute for National Policy Research, na pinatindi ng China ang mga united front na taktika nito laban sa Taiwan upang lumikha ng mga alitan sa loob ng bansa.
Sa pamamagitan ng pagturing sa China bilang isang "panlabas na kumakalabang puwersa," malinaw na ipinarating ni Lai ang kanyang paninindigan. Ang kanyang pag-aanunsyo ng mga hakbang bilang tugon ay nagmamarka ng paglipat mula sa isang hindi tiyak na posisyon patungo sa isang malinaw at matibay na estratehiya, ayon kay Chen.
"Ipinapakita ng mga hakbang na ito ang pagbabago mula sa pakikipagkompromiso tungo sa tuwirang pakikitungo," sabi ni Chen. "Maaari itong magdulot ng paghihiganti mula sa China at humantong sa pagsuspinde ng mga cross-strait exchange habang pinatitindi nito ang 'cognitive warfare' laban sa administrasyon ni Lai."
Gayunpaman, sa pangmatagalang pananaw, ang mga hakbang na ito ay makatutulong sa Taiwan na pigilan ang panghihimasok ng China at patatagin ang pagkakaisa ng bansa, sabi niya.