Ayon sa AFP at Focus |
KUNSHAN, China — Mga masisiglang Taipei-style shopping street, mariringal na templo para sa mga diyos ng isla, at mga umuunlad na pabrika ang matagal nang bahagi ng silangang lungsod ng Kunshan sa China -- sa loob ng maraming taon, isa itong buhay na sentro ng mga negosyong Taiwanese.
Ngunit, ang mga kumpanyang ito ay humaharap ngayon sa tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang pampang na nagdudulot ng matinding pangamba sa kaligtasan ng mga negosyo.
Ang mga negosyanteng Taiwanese, na kilala bilang "Taishang" sa Mandarin, ay namuhunan ng bilyun-bilyong dolyar sa China mula nang nagsimulang bumuti ang ugnayan noong dekada ’90, at malaki ang naging bahagi sa pag-angat nito bilang ikalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo.
Ngunit biglang bumaba ang kanilang bilang sa mga nakaraang taon, kung saan ang tinatayang bilang ng mga Taiwanese na nagtatrabaho sa China ay bumaba mula 409,000 noong 2009 sa 177,000 noong 2022, ayon sa Straits Exchange Foundation.
![Isang nagtitinda ng pagkain ang naghihintay ng mga kostumer sa isang Taiwanese style village sa Kunshan, China, noong Hunyo 10. Ang dating mataong sentro ng negosyong Taiwanese ay unti-unting nauubusan ng mga negosyanteng 'Taishang' dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang pampang at lumalalang alalahanin sa kaligtasan. [Greg Baker/AFP]](/gc9/images/2025/06/25/50899-afp__20250618__62mc864__v1__highres__chinataiwaneconomypolitics-370_237.webp)
Ang biglaang pag-urong na ito ay bunga ng pinagsama-samang dahilan na pampulitika, pang-ekonomiya, at estruktura.
Nangunguna sa mga ito ang lumalalang panganib sa heopolitika na nagmumula sa lalong agresibong paninindigan ng Chinese Communist Party sa tinatawag nitong “mga diehard sa kalayaan ng Taiwan.”
Ang mga bagong regulasyong humihikayat sa mga mamamayan na isumbong ang umano’y mga kilos na pabor sa kalayaan -- kasama ng mga pahayag na sumusuporta sa parusang kamatayan para sa mga nais humiwalay -- ay nagdulot ng nakakatakot na epekto sa mga negosyanteng Taiwanese sa mainland.
Pangangamba sa kaligtasan
Direktang isinisi sa “pulitika” ng industriyalistang si James Lee ang pagkakasara ng kanyang pabrika sa Guangdong noong 2022.
“Kaming mga negosyanteng Taiwanese ay natatakot,” sabi niya. “Hindi na kami nagpapadala ng mga empleyadong Taiwanese [sa China] dahil hindi namin alam kung paano namin matitiyak ang kanilang kaligtasan.”
Ipinahayag din ni Luo Wen-jia, pangalawang tagapangulo ng Straits Exchange Foundation ng Taiwan, ang parehong pangamba, at binigyang-diin na “nawala na ang mga dating kanais-nais na kundisyon, at ngayon ay marami nang dagdag na panganib.”
Ang imbestigasyon ng China laban sa gumagawa ng iPhone na Foxconn noong Oktubre 2023 -- na itinuturing na pampulitikang pagganti kaugnay ng pagtakbo sa pagkapangulo sa Taiwan ng tagapagtatag nitong si Terry Gou -- ay lalong nagpatibay ng katotohanang kahit malalaking kumpanya ay maaaring malantad sa panganib.
Ang political pressure mula sa Beijing ay umaabot na rin sa kanilang mga pamilya at negosyo hindi lamang sa mismong mga sangkot.
Halimbawa, noong Hunyo, ipinataw ng China ang mga sanction sa Sicuens International Co., Ltd., isang exporter na pag-aari ng ama ng Taiwanese legislator na si Puma Shen mula sa nangungunang Democratic Progressive Party.
Nang tanungin tungkol sa mga sanction na ito, sinabi ni Zhu Fenglian, tagapagsalita ng Taiwan Affairs Office ng China, na "hindi kailanman papayagan ng China na kumita sa mainland ang mga kumpanyang may kaugnayan sa mga separatistang diehard sa kalayaan ng Taiwan."
Tinawag ni Shen, na nagsulong ng pagpapatibay ng pambansang kaligtasan ng Taiwan, ang sanction bilang isang paraan ng “pagdadamay sa buong pamilya,” at binanggit na ito na ang ikatlong beses sa loob ng isang taon na siya ay tinarget ng Beijing.
Ang kanyang proyekto para sa civil defense, ang Kuma Academy, ay kabilang din sa listahan ng China ng “mga diehard sa kalayaan ng Taiwan.”
Paghina ng ekonomiya
Lalong pinapalala ng paghina ng ekonomiya ng China ang mga banta sa pulitika.
Ang paghina ng paglago, kasabay ng matagal nang tensyon sa kalakalan ng US at China, ay naging dahilan upang mabawasan ang mga pamumuhunan, na ipinahayag ng Straits Exchange Foundation ng Taiwan.
Bukod dito, ang orihinal na atraksyon sa pamumuhunan sa China, ang malawak nitong merkado at murang produksyon, ay nawalan na ng kinang. Ang pagtaas ng labor at manufacturing costs ay nakadagdag pa sa mga problema.
“Nang una kaming pumunta doon, inakala naming patuloy na gaganda ang ekonomiya ng China dahil napakalaki ng pamilihan at populasyon nito,” ani Leon Chen, isang negosyanteng Taiwanese na dating nag-operate sa Jiangxi.
“Hindi pa natin nakikita itong nagaganap dahil may ilang mga isyu -- may trade war sa pagitan ng US at China, at nagkaroon pa ng pandemya,” aniya.
Ang pagkabigong magtagumpay ang mga ito ay nag-udyok sa maraming negosyo na muling pag-isipan ang kanilang pananatili sa China.
Dahil sa mga sunud-sunod na pressure na ito, ang mga kumpanyang Taiwanese ay naghahanap ng ibang lugar. Ang ilan ay lumilipat sa Vietnam, Thailand, Indonesia, at Pilipinas, habang ang iba naman ay bumalik sa kanilang sariling bansa.
Sa pagitan ng 2016 at 2024, ang pamumuhunan ng Taiwan sa Vietnam ay tumaas ng 129%, samantalang ang pamumuhunan sa China ay bumaba ng 62%.
Ang pagbagsak na ito ay isang malaking dagok sa matagal nang “united front” na estratehiya ng Beijing, na umaasa sa komunidad ng Taishang upang isulong ang mga layunin nito ng pampulitikang integrasyon sa Taiwan.
Habang pinalalakas ng China ang mga pagsasanay militar at pinahihigpit ng Taiwan ang pagsusuri sa mga pinaghihinalaang paninikitik ng mga Chinese, lalo namang naiipit sa hidwaan ang mga Taishang habang iniisip nila ang mga posibleng pag-alis sa isang kapaligirang hindi na nag-aalok o nangangako ng seguridad.