Media

Propaganda network ng China, nagpahayag ng suporta sa mga Taiwanese na mambabatas na nahaharap sa recall

Hinarangan o binawasan ng mga mambabatas na mula sa oposisyon ang pondo para sa mahahalagang inisyatiba ng pamahalaan, kabilang ang sektor ng depensa na naglalayong hadlangan ang China.

Lumahok ang mga tagasuporta sa isang pro-recall rally sa harap ng presidential hall sa Taipei noong Hulyo 24. Dalawang dosenang Taiwanese na mambabatas mula sa oposisyon, kasama ang isang alkalde, ang haharap sa recall na botohan sa Hulyo 26, at maaaring magbunga ang mga balotang ito ng paglipat ng kontrol sa parlyamento sa namumunong partido. [I-Hwa Cheng/AFP]
Lumahok ang mga tagasuporta sa isang pro-recall rally sa harap ng presidential hall sa Taipei noong Hulyo 24. Dalawang dosenang Taiwanese na mambabatas mula sa oposisyon, kasama ang isang alkalde, ang haharap sa recall na botohan sa Hulyo 26, at maaaring magbunga ang mga balotang ito ng paglipat ng kontrol sa parlyamento sa namumunong partido. [I-Hwa Cheng/AFP]

Ayon kay Chia Feimao |

Hayagang ipinagtatanggol ng state media ng China at ng mga kaakibat nitong social media account ang 24 na mambabatas mula sa oposisyong Kuomintang (KMT) na nahaharap sa recall sa Taiwan. Nagdulot ito ng mga pag-aalalang nakikialam ang Beijing sa demokratikong proseso ng isla.

Ang kampanyang recall, na unang isinulong ng mga grupong sibiko noong unang bahagi ng taon, ay nakatuon sa mga mambabatas ng KMT na inaakusahan ng “pagpanig sa kagustuhan ng Beijing sa kapinsalaan ng interes ng Taiwan.” Nakatakdang idaos ang botohan sa Hulyo 26.

Sa halalan noong 2024, bagama’t muling nasungkit ng Democratic Progressive Party (DPP) ang pagkapangulo, 51 lamang sa 113 puwesto sa lehislatura ang kanilang napanalunan.

52 puwesto ang hawak ng KMT, samantalang walo naman ang kabilang sa Taiwan People's Party, at may dalawang independent. Sa kabuuan, ito'y lumilikha ng sumasalungat na legislative environment para sa administrasyon ni President Lai Ching-te.

Nagtipon ang mga tagasuporta at boluntaryo ng isang grupong pabor sa recall sa labas ng isang istasyon ng subway sa Taipei noong Hulyo 22. Sumisigaw sila ng “Mahusay na recall, mahusay na tagumpay,” bago pa man idaos ang recall na botohan. [I-Hwa Cheng/AFP]
Nagtipon ang mga tagasuporta at boluntaryo ng isang grupong pabor sa recall sa labas ng isang istasyon ng subway sa Taipei noong Hulyo 22. Sumisigaw sila ng “Mahusay na recall, mahusay na tagumpay,” bago pa man idaos ang recall na botohan. [I-Hwa Cheng/AFP]
Isang napakalaking karatulang nag-uudyok ng '罷' (recall) ay nakapaskil sa loob ng Legislative Yuan ng Taiwan. Napapaligiran ito ng mga larawan at mga slogan na nakapuntirya sa mga mambabatas ng KMT na humarap sa recall sa bansa noong Marso 28. [I-Hwa Cheng/AFP]
Isang napakalaking karatulang nag-uudyok ng '罷' (recall) ay nakapaskil sa loob ng Legislative Yuan ng Taiwan. Napapaligiran ito ng mga larawan at mga slogan na nakapuntirya sa mga mambabatas ng KMT na humarap sa recall sa bansa noong Marso 28. [I-Hwa Cheng/AFP]
Habang umiigting ang isyu ng recall sa Taiwan, nagkalat sa mga lansangan ng Taipei ang malalaking karatula ng kampanya mula sa magkabilang panig -- ang mga humihikayat sa mga botante na suportahan ang recall, at ang mga nananawagan na ito'y tanggihan. Mayroon ding anim na malalaking bandera na nakabitin sa gilid ng gusaling ito. [Jia Feimao]
Habang umiigting ang isyu ng recall sa Taiwan, nagkalat sa mga lansangan ng Taipei ang malalaking karatula ng kampanya mula sa magkabilang panig -- ang mga humihikayat sa mga botante na suportahan ang recall, at ang mga nananawagan na ito'y tanggihan. Mayroon ding anim na malalaking bandera na nakabitin sa gilid ng gusaling ito. [Jia Feimao]

Hinarangan o binawasan ng mga mambabatas mula sa oposisyon ang pondo para sa mahahalagang inisyatiba ng pamahalaan, kabilang ang depensa na naglalayong hadlangan ang China, pati na rin ang mga pamumuhunan sa enerhiya at teknolohiya. Noong Oktubre, hinatulan ng Constitutional Court na ang pagpapalawak ng kapangyarihang pambatas na sinuportahan ng oposisyon ay hindi naaayon sa Konstitusyon.

Sa mga pinuntirya, ang KMT caucus leader na si Fu Kun-chi ay naging isang simbolo.

Noong Abril 2024, pinamunuan ni Fu Kun-chi ang isang delegasyon ng KMT na binubuo ng 16 miyembro, at nagtungo sila sa Beijing upang makipagpulong kay Wang Huning, pangunahing tagapayo ni President Xi Jinping ng China.

Noong Pebrero, bumiyahe rin si Fu Kun-chi sa Hong Kong kung saan ipinakilala niya ang sarili bilang kinatawan ng "pamahalaang sentral" ng Taiwan. Ikinagalit ito ng mga mamamayang pro-independence, na naging daan upang magsimula ang panawagan para sa recall sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Ang pahayag ng Beijing

Tinuligsa ng mga opisyal at mga state media outlet ng China ang kampanya para sa recall, ayon sa ulat ng Reuters noong Hulyo 22.

Noong Abril, inakusahan ng People's Daily ng China si Lai na ginagamit ang mga recall upang ipatupad ang tinawag nilang "green dictatorship." Ang berde ang kulay ng DPP, ang partidong kinabibilangan ni Lai.

Naglabas ang Chinese state media at mga kaakibat nitong social media account ng 425 post sa unang kalahati ng taon na tumutuligsa sa recall effort at sa mga tagasuporta nito, ayon sa Taiwan Information Environment Research Center (IORG).

"Ang lahat ng opisyal na pagsasalaysay ng mga Chinese ay dapat sumailalim sa masusing pagsisiyasat," ayon kay Yu Chih-hao, co-director ng IORG, sa isang talumpati tungkol sa propagandang inilalabas ng Beijing laban sa Taiwan noong Hulyo 22.

Nagsusulong ang Beijing ng pananaw na kinukuwestiyon ang lehitimasyon ng recall movement sa Taiwan, ayon kay Yu. Hinimok niya ang publiko na mag-isip nang mabuti dahil maaaring, kahit hindi nila namamalayan, ay nakukumbinsi sila ng mga salaysay na pabor sa Beijing.

Kinondena ng Mainland Affairs Council ng Taiwan noong Hulyo 23 ang Beijing dahil sa “bukas at hayagang panghihimasok,” at inilahad ang panawagang “huwag makialam sa mga demokratikong proseso ng Taiwan.”

Bagama’t ang makinarya ng China para sa paglikha ng propaganda ay kadalasang hindi sentralisado, kaya nitong kumilos agad kapag may utos mula sa pinakamataas na antas, ayon kay Li Chih-te, dating direktor ng Asia Fact Check Lab at isang eksperto sa Chinese information warfare.

"Kapag may ganitong pangyayari, siguradong patatakbuhin nila ang sistema," ani Li, na nagsalita kasabay ni Yu noong Hulyo 22.

Tinalakay niya kung paano tumugon ang China sa anunsiyo ng pamumuhunan ng US sa tagagawa ng chip na Taiwan Semiconductor Manufacturing Co. (TSMC) noong Marso.

Sa loob ng isang linggo, walong Douyin (TikTok) na account na maiuugnay sa mga grupo ng media sa Fujian province ang naglabas ng 99 na maiikling video na tumutuligsa sa DPP at sa ugnayan ng Taiwan at ng US.

"Sa sandaling sila ay kumilos, nagiging malinaw ang pampulitikang agenda," ani Li.

Pangontra sa impluwensiya ng mga Chinese

Nabigyang-linaw ng recall movement ang mga lugar sa Taiwan kung saan malakas ang impluwensiya ng mga Chinese: sa hilaga at gitnang bahagi ng bansa.

"Lahat ng mga mambabatas na naging target ng recall ay mula sa mga distritong matagal nang pinasok ng United Front operations ng China," ani Lin Tsung-hung, isang sociologist mula sa Academia Sinica, na nagsalita rin sa kaganapan noong Hulyo 22. Tinukoy niya rito ang mga pagsisikap ng Beijing na pabagsakin ang Taiwan.

Ngayon, ang Great Recall ay may malinaw na mensahe para sa mga pulitiko ng Taiwan -- "ang pagiging bahagi ng United Front activities ng China ay makakasira sa kanilang karera sa pulitika, " sabi ni Lin.

Wala ni isang mambabatas o lokal na opisyal mula sa KMT ang dumalo sa “Straits Forum” ngayong taon, na ginanap noong Hunyo sa Xiamen, China. Ang forum na ito ay isang taunang kaganapan na idinadaos ng Beijing at kilala bilang plataporma para sa propaganda.

"Ngayon lang nangyari iyon," ani Lin tungkol sa hindi pagdalo ng mga kasalukuyang opisyal ng KMT. Dumalo si Ma Ying-jeou, dating pangulo ng Taiwan mula sa KMT.

Magtagumpay man o hindi ang recall campaign sa pag-aalis sa puwesto ng karamihan sa mga target nito, mayroon na itong mahalagang nagawa para sa demokrasya sa Taiwan.

Nakapagbigay na ang lipunang sibil ng babala sa mga pulitikong kumampi sa Beijing, ayon sa mga tagapagmasid.

Ang recall movement, ayon kay Bo Tedards, isang matagal nang tagapagmasid ng pulitika sa Taiwan, sa isinulat niya sa The Diplomat, ay "nagbigay ng plataporma sa mga mamamayan upang maipahayag nila sa konkretong paraan ang kanilang nararamdaman ukol sa mga nagaganap sa lehislatura."

Kahit hindi man magtagumpay, binigyang-diin niya na ang lumalagong pampublikong kamalayan tungkol sa impluwensiya ng mga dayuhan at ang karanasan sa pagharap sa mga pulitiko ay “magsisilbing hadlang sa mga kasamaan sa hinaharap.”

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *