Ayon kay Wu Qiaoxi |
Ang tahimik na pagsasara ng halos kalahati sa mga Confucius Institute sa Australia ay dagdag sa mahabang listahan ng mga isinasarang institusyon ng China sa mga bansa sa Kanluran, na matagal nang inaakusahan ang mga organisasyong pinopondohan ng pamahalaan ng China na kumikilos bilang kasangkapan ng propaganda ng Beijing.
Ayon sa ulat ng Australian Broadcasting Corporation (ABC) noong Abril 1, anim sa 13 na mga Confucius Institute ng bansa—kabilang na ang nasa University of Melbourne—ay nagpasyang huwag nang ipagpatuloy ang kanilang mga kontrata.
Kabilang sa mga opisyal na dahilan na binanggit para sa pagsasara ay ang COVID-19 na pandemya at ang pagpapalawak ng mga programa sa wikang Tsino sa mismong paaralan. Ayon sa isang unibersidad, "wala nang karagdagang pangangailangan upang i-renew" ang kasunduan.
Gayunpaman, sinabi ng senior lecturer ng Flinders University na si Jeffrey Gil sa ABC na ang lumalalang ugnayan ng Australia at China, pati na rin ang mga pangamba sa panghihimasok ng mga dayuhan, ay malamang na nakaapekto sa mga desisyon.
"Matagal nang may mga alalahanin hinggil sa mga Confucius Institute sa Australia, na lalo pang tumindi dahil sa pagkasira ng ugnayan ng Australia at China sa mga nakaraang taon. Isinara rin ang mga Confucius Institute sa USA at sa ilang mga bansa sa Europa," ayon kay Gil, na nagtuturo ng ESOL (English for Speakers of Other Languages).
"Sa kabuuan, nagiging hindi kanais-nais at hindi praktikal ang pagkakaroon ng mga Confucius Institute sa Australia," ani Gil, at idinagdag na ang mga alalahanin ng gobyerno tungkol sa panghihimasok ng mga dayuhan ay "malamang na isa sa mga dahilan" na nakaapekto sa desisyon ng mga unibersidad na huwag nang pumasok sa panibagong kontrata.
Tumitinding kritisismo
Nitong mga nakaraang taon, ang mga Confucius Institute— na pinopondohan ng pamahalaan ng China at itinaguyod ng mga dayuhang unibersidad upang palaganapin ang wika at kultura ng China— ay nakaranas ng tumitinding kritisismo.
Di tulad ng mga institusyong pangkultura ng Kanluran gaya ng British Council, ang mga Confucius Institute ay itinatayo sa loob mismo ng mga kampus ng unibersidad, kung saan ang China ang nagbibigay ng pondo, mga guro, at materyales sa pagtuturo -- na nagpapahintulot ng mabilis na integrasyon nila sa lokal na akademya.
Habang mabilis ang pagdami ng mga Confucius Institute nitong nakalipas na dalawang dekada, gayundin ang mga alalahanin tungkol sa kanilang mga binabalak sa larangan ng pulitika. Inakusahan ng mga kritiko ang mga institusyong ito ng pagpapalaganap ng ideolohiya ng Chinese Communist Party, paghihigpit sa malayang talakayan, at maging ng pagmamatyag sa mga estudyanteng Tsino sa ibang bansa.
Sa isang panayam ng BBC noong 2014, ipinahayag ni Xu Lin, ang direktor heneral ng punong tanggapan ng Confucius Institute mula noong 2004, ang malinaw na layunin ng mga institusyong ito.
"Ang layunin ng Confucius Institute ay ipalaganap ang mga pinahahalagahan ng Chinese Communist Party [CCP] sa mga dayuhang institusyong akademiko," ani niya noong panahong iyon.
Inulit ng Human Rights Watch ang mga alalahaning ito sa isang ulat noong 2019. "Ang mga Confucius Institute ay mga ekstensyon ng pamahalaang Tsino na nagbabawal sa mga partikular na paksa at pananaw sa mga materyales ng kurso batay sa pampulitikang kadahilanan, at gumagamit ng mga pamamaraan sa pagkuha ng mga empleyado na nagsasaalang-alang sa kanilang pulitikal na katapatan," ayon sa ulat.
Noong 2020, tinangka ng China na baguhin ang pagtingin sa Confucius Institute bilang opisyal na kinatawan. Inayos nila ang istruktura nito, alinsunod sa isang modelo ng pribadong kawanggawa, ngunit nanatili pa rin itong kontrobersyal.
Ayon sa isang ulat ng UK-China Transparency noong 2023, ang mga tauhan ng Confucius Institute ay kinukuha "batay sa kanilang kakayahang ipatupad ang 'disiplina ng CCP' sa UK" at sila ay "obligadong hadlangan ang malayang pagpapahayag at magsagawa ng panliligalig, ayon sa ipag-uutos."
Isang pandaigdigang pag-atras
Maraming pamahalaan sa Kanluran ang gumawa ng mga hakbang upang limitahan o tuluyang alisin ang mga Confucius Institute sa kanilang mga bansa.
Ipinagbawal ng Australia ang pagtatatag ng mga bagong Confucius Institute noong 2022.
Sinabi ng isang source ng pamahalaan ng Australia sa ABC, "malinaw" na ipinabatid ng mga nakatataas na opisyal sa mga unibersidad na ang mga Confucius Institute ay isang "suliranin" na "kailangang maingat na pamahalaan."
Gumawa rin ng matibay na hakbang ang Estados Unidos. Ipinagbabawal ng 2019 National Defense Authorization Act ang pagpopondo ng Department of Defense sa mga unibersidad na may Confucius Institute, na nagresulta sa pagsasara ng higit sa 100 ng naturang programa. Limang institusyon na lamang ang natitira.
Sinundan ito ng Canada, Sweden, Switzerland, at Germany, na isinara rin ang marami sa kanilang mga Confucius Institute.
Sa pagtatapos ng 2023, 498 na mga Confucius Institute ang nagpapatuloy sa mahigit 160 na bansa. Ngunit habang umaatras sila mula sa Europa at Hilagang Amerika, muling itinuon ng China ang kanilang atensyon sa Timog-Silangang Asya.
Mayroon na ngayong 42 na mga Confucius Institute sa mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), siyam ang nadagdag mula noong 2021. Ang Thailand ang may pinakamaraming Confucius Institute, mayroon silang 16.
Ipinaliwanag ni Ian Chong, isang political scientist mula sa National University of Singapore, sa isang panayam noong Mayo sa Nikkei Asia kung bakit mas bukas ang Timog-Silangang Asya sa mga Confucius Institute.
Maraming bansa sa rehiyon, aniya, ang nag-aatubili pa ring hamunin ang China.
Ani Chong, "nanatili silang awtoritaryan o nagsisimula pa lamang tumungo sa demokratisasyon sa nakalipas na humigit-kumulang dalawampung taon. Dahil dito, mas kaunti ang kaalaman [sa] at pagpapapahalaga sa kalayaang pang-akademiko, pati na rin ang [mas mababang kamalayan sa] anumang hamon na maaaring idulot ng mga Confucius Institute sa kalayaang pang-akademiko."