Ayon kay Wu Ciaoxi |
Ang tumitinding banta ng militar at digmaan sa kamalayan ng China ay nagdulot ng masalimuot na pananaw hinggil sa posibilidad ng digmaan sa Taiwan, habang patuloy na tinitimbang ng mga mamamayan ang kanilang pamimilian sa gitna ng pagharap sa pangamba, paninindigan at mga panawagan para sa mapayapang pagkakaisa.
Kamakailan lamang, ang dating ministro ng kultura ng Taiwan at may-akda na si Lung Ying-tai, ay nagsulat ng isang artikulong opinyon sa The New York Times, na may babalang, "Paubos na ang oras ng Taiwan." Iginiit niya ang pagkakasundo sa China at nagbabala laban sa "maling pakiramdam ng seguridad" ng Taiwan na bunga umano ng "lubos na pag-aasa sa Estados Unidos."
Binanggit ni Lung ang isang di-pormal na survey ng mga estudyanteng Taiwanese sa kolehiyo, kaugnay ng digmaan sa Ukraine, kung saan "ang karamihan [ng sumagot] ay pinili ang pagsuko." Dahil dito, nanawagan siya kay Pangulong Lai Ching-te, na umiwas sa "mapanulsol na pagturing sa China bilang isang kaaway."
Umani ng matinding batikos ang mga pahayag ni Lung, na itinuring ng marami bilang "isang uri ng pagpapasuko na binalutan lamang ng matatamis na salita." Hinamon siya sa Facebook ni Political scientist Chen Fang-yu, hinimok siyang "magbanggit ng isang bansang nagawang makipagkasundo sa isang diktadura at nanatiling mapayapa," at kung bakit hindi na lamang niya tahasang isinulong ang pagsuko.
![Kitang-kita ang tumitinding pananakot militar ng China sa Taiwan sa mga patalastas na inilabas kamakailan sa paliparan na nagtatampok ng slogan na 'Pagkakaisa,' na nagdulot ng pangamba sa posibleng pagsalakay sa Taiwan. [Youtube]](/gc9/images/2025/04/18/50051-airport_column_displays-370_237.webp)
![Sulyap sa paninindigan ng sambayanan sa Taiwan (1998–2025). Sa isang survey ng American Portrait Survey noong Marso, 63.7% ng mga Taiwanese ang nagpahayag ng kahandaang lumaban sa pananakop ng China, sumasalamin sa matatag na paninindigan sa gitna ng mga nagbabagong tensyon sa rehiyon. [The Diplomat]](/gc9/images/2025/04/18/50071-tw_poll-370_237.webp)
Sumulat din sa Facebook ang abodagong si Lin Chih-chun, at iginiit na ang pakikipagsundo ay hindi nagdulot ng demokrasya sa Hong Kong. Gamit ang metapora ng zebra at leon, tinuligsa niya ang pakikipagkasundo sa isang awtoritaryong rehimen bilang mapaminsalang hindi patas na kapangyarihan. "Ang 'pakikipagkasundo' ay parang ang zebra ay nakabulagta sa lupa, habang nilalamon ito ng leon -- ganoon ang hitsura nito," ani Lin.
Sa isang artikulo ng The Diplomat noong Abril 9, sinalungat ang pahayag ni Lung ng mga iskolar na sina Wu Wen-chin at Pan Hsin-hsin, kung saan binigyang-diin na maraming mapagkakatiwalaang survey ang nagpapakitang higit sa kalahati ng kabataang Taiwanese na may edad 18 hanggang 30 ay handang ipaglaban ang Taiwan. Ipinakita sa isang survey noong Marso na 63.7% ng Taiwanese ay lalabanan ang pananakop "anuman ang maging kapalit."
"Tiyak na nais sakupin ng China ang Taiwan. Sigurado akong sasalakay sila anumang oras -- kaya't lalabanan natin sila. Sino ang takot kanino?" ani "Xiao Guo," isang likas na mamamayan ng Taiwan na ang ama ay tumakas palabas ng China matapos ang tagumpay ng mga Komunista, ayon sa panayam niya sa Focus. Hiniling niyang gumamit ng alyas.
Naranasan mismo ni Guo ang buhay sa China bilang isang nasa hustong gulang, na nagtrabaho roon sa loob ng isang dekada.
Ipinahayag niya ang kanyang pagkabahala ukol sa isang "fifth column" na madaling maimpluwensyahan at "ma-brainwash" ng China.
Sa social-media platform na Threads, isang kabataang user na kritiko ng namumunong Democratic Progressive Party ang kamakailan lamang ay nagsabi na sa ilalim ng pamumuno ng China, "maliban sa kaunting kalayaan sa pagpapahayag, magiging mas maayos umano ang lahat." Mabilis na nakalikom ng 150,000 komento ang naturang post.
Bagamat karamihan sa mga komento ay sarkastiko o mariing tumututol, ipinapakita ng naturang post na may ilang grupong kumakatawan parin sa paninindigan ng pro-unification.
Inihalintulad ng isang netizen ang pagtanggi sa banta mula sa China sa pagtanggi sa pag-iral ng kontrabida sa Harry Potter na si Voldemort sa pamamagitan ng hindi pagbanggit ng kanyang pangalan.
Ang pangunahing pangamba ng netizen ay kung magkakaroon ng pagkakataong lumaki at tumandang malaya ang kaniyang mga anak.
Tumitinding banta mula sa Beijing
Pinaigting ng China kamakailan ang berbal at militar na pananakot sa Taiwan, na makikita sa mga display sa paliparan ng Beijing na tampok ang mga matitingkad na pulang poster na nagsasabing "Pagkakaisa" at "Ang pambansang pagkakaisa ay malapit na."
Itong mga patalastas na itinaguyod ng People's Daily, na mabilis na kumakalat online, ay nagpalalim ng pangamba dulot ng estratehiko at sikolohikal na panggigipit ng Beijing. Marami sa Taiwan ang nangangamba na ang patuloy na paglala ng krisis sa ekonomiya ng bansa ay maaaring mag-udyok sa China na maglunsad ng opensibang militar laban sa isla.
"Hindi ako takot sa digmaan -- mas takot ako sa labis na pagpasok ng China," ani Joan, isang counseling therapist na nakabase sa Taipei, sa panayam ng Focus, na binibigyang-diin ang ibang aspeto ng banta.
Si Joan, na tumangging magbigay ng buong pangalan, ay isinusulong ang matatag na depensa, iginiit ang "paglaban nang may buong tapang at may integridad," at tinuring bilang isang mahalagang taktika ang mga kampanya para mapaalis sa puwesto ang mga pro-China na mambabatas sa Taiwan.
Binibigyang-diin ni Joan ang pangunahing pagkakaiba sa halaga ng Taiwan at China. "Ang mga Tsino ay naiinggit sa ating kalayaan. Ang mismong pag-iral natin ay isang matinding panunusol sa China," aniya.