Ayon kay Wu Qiaoxi |
Naglabas ang mga awtoridad ng China ng mga “separatism” wanted notice para sa mambabatas ng Democratic Progressive Party (DPP) na si Puma (Pao-yang) Shen at mga YouTuber na sina Pa Chiung at “Mannam PYC,” at tinawag silang “mga diehard para sa kasarinlan ng Taiwan.”
Si Shen, 43, ay isang iskolar sa batas, mambabatas ng DPP na inihalal ng bansa, at isang pangunahing personalidad sa pagsisikap ng Taiwan na labanan ang paglaganap ng maling impormasyon. Pinatawan siya ng sanction ng China noong 2024, ang taon ng kanyang pagpasok sa parliyamento.
Dating associate professor na may doctorate degree sa batas mula sa University of California, Irvine, si Shen ay isa sa mga nagtatag ng Kuma Academy, isang civil defense group na nakatuon sa kamalayan ukol sa pambansang seguridad.
Itinuturing ng Beijing ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito at hindi isinasantabi ang paggamit ng puwersa upang mapasailalim ang isla sa kontrol nito. Tinatanggihan naman ng Taiwan ang pag-angkin ng soberanya ng China, at iginigiit na walang hurisdiksyon ang Beijing sa demokratikong bansang may sariling pamunuan.
![Sa reward notice na inilabas ng pulisya ng Quanzhou sa China, makikita ang larawan ng mga Taiwanese YouTuber na sina Pa Chiung (nasa kaliwa) at “Mannam PYC” (nasa kanan). Nakasaad dito na ang dalawa ay inaakusahan ng “paghihikayat sa separatismo” at may alok na pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon ukol sa kanilang kinaroroonan. [China Daily/X]](/gc9/images/2025/11/20/52873-youtubers_2-370_237.webp)
Noong unang bahagi ng Nobyembre, inakusahan ng CCTV, ang pambansang broadcaster ng China, si Puma Shen ng pagpapalaganap ng separatismo at mga sentimyentong kontra sa China sa pamamagitan ng Kuma Academy, at tinawag itong “base ng kasarinlan ng Taiwan” at “kampo para sa marahas na pagsasanay” na sinusuportahan ng DPP at ng mga dayuhang puwersa.
Sinabi ni Cheng Lei, propesor ng batas sa Renmin University, na maaaring arestuhin si Shen ng Interpol sa kahit saang bahagi ng mundo, kasunod ang babalang: “Tigilan na ‘yan, at baka ikaw naman ang susunod.”
Sinabi naman ng Interpol sa Taiwan Central News Agency (CNA) na ang lahat ng mga red notice application ay dumadaan sa mahigpit na pagsusuri at hindi ito maaaring gamitin para sa mga pulitikal na motibo.
Ang mga aksyon ng China ay nagdulot ng matinding pagtutol mula sa Taiwan. Kinondena ng Presidential Office ang paghahanap sa buong mundo bilang isang “tipikal na kilos ng transnational repression,” habang tinawag naman ni Taiwanese Foreign Minister Lin Chia-lung ang mga warrant bilang “red terror.”
Sa kabila ng panggigipit, tumestigo si Shen sa Berlin sa isang pagdinig ng Bundestag tungkol sa disinformation, na may pahayag na, “Bilang isang matapang na Taiwanese, hinding-hindi ako aatras dahil sa takot.”
Operasyong pang-impluwensya
Pinalawak ng China ang kanilang kampanya upang saklawin nito ang dalawang Taiwanese na YouTuber. Noong Nobyembre 13, naglabas ang Quanzhou Public Security Bureau sa Fujian ng isang bounty notice na inakusahan sina Pa Chiung at “Mannam PYC” ng “paghihikayat sa separatismo,” paninira sa mga patakaran ng China na pro-Taiwan, at “pag-uusig sa mga asawang taga-mainland na naninirahan sa Taiwan.”
Nakasaad sa notice ang pag-alok ng pabuya na 50,000 hanggang 250,000 CNY ($7,000 hanggang $35,000) para sa impormasyong hahantong sa kanilang pagkahuli.
Sina Pa Chiung, na ang tunay na pangalan ay Wen Tzu-yu, at “Mannam PYC,” na ang tunay na pangalan ay Chen Po-yuan, ay nakilala noong 2024 dahil sa isang two-part investigative video na naglalahad ng mga libreng biyahe, mga kabayaran, at iba pang insentibo na diumano’y inaalok sa mga Taiwanese na sikat online upang itaguyod nila ang mga mensaheng pro-China. Nakakuha ang serye ng milyon-milyong view at nagdulot ng pangamba sa publiko tungkol sa mga operasyong pang-impluwensya ng Beijing.
Pinawalang-saysay ni Deputy Minister Liang Wen-chieh ng Mainland Affairs Council ang reward notice na tina-target ang mga YouTuber bilang “palabas lamang,” na walang legal na epekto sa Taiwan.
Ginamit na ng China ang ganitong taktika dati. Noong Hunyo 2025, inilabas ng Guangzhou Public Security Bureau ang personal na datos ng 20 na miyembro ng Information, Communications and Electronic Force Command (ICEFCOM) ng Taiwan, inakusahan sila ng paglunsad ng mga cyberattack at nag-alok din ng pabuya para sa kanilang pagkakahuli.
Pinawalang-saysay ni Defense Minister Wellington Koo ng Taiwan ang listahan bilang pinaghalo-halong lumang online na datos habang nangangako ng mga hakbang para sa proteksyon ng sinumang nasangkot.
Sa isang pahayag sa BBC, sinabi ni Dennis Lu-Chung Weng, isang associate professor ng political science, na humuhusay ang estratehiya ng Beijing.
Sabi niya, nawalan na ng bisa ang mga pagpapatrol ng militar noong nakaraan, kaya’t lumipat na sila sa tinatawag na “long-arm jurisdiction.” Dagdag pa niya, ang taktikang ito’y nagpapakilala ng aspeto ng personal na panganib upang maapektuhan ang pananalita at pagkilos ng mga mamamayang Taiwanese.
![Ang Taiwanese na mambabatas na si Puma Shen ay nagsalita sa labas ng German Bundestag sa Berlin noong Nobyembre 12 bago tumestigo sa isang pagdinig tungkol sa pagpapalaganap ng maling impormasyon ng mga autokratikong bansa. [Puma Shen/Facebook]](/gc9/images/2025/11/20/52871-puma_shen-370_237.webp)