Seguridad

China: Numero unong banta sa seguridad ng Japan—2025 defense paper

Ayon sa dokumento, ang tumitinding mga kilos militar ng China ay nagdudulot ng "walang kaparis" na estratehikong banta.

Ang pabalat ng 2025 Defense White Paper ng Japan, na inilabas noong Hulyo 15, ay nagtatampok sa mga miyembro ng Japan Self-Defense Forces (JSDF). Ipinakikita ng taunang dokumento ang pagsusuri ng Japan sa mga banta sa rehiyon at ang nagbabago nitong mga prayoridad sa depensa. [Japanese Ministry of Defense]
Ang pabalat ng 2025 Defense White Paper ng Japan, na inilabas noong Hulyo 15, ay nagtatampok sa mga miyembro ng Japan Self-Defense Forces (JSDF). Ipinakikita ng taunang dokumento ang pagsusuri ng Japan sa mga banta sa rehiyon at ang nagbabago nitong mga prayoridad sa depensa. [Japanese Ministry of Defense]

Ayon sa Focus |

Ang tumitinding aktibidad militar ng China ay kumakatawan sa isang “walang kaparis at pinakamalaking estratehikong hamon” sa seguridad ng Japan at sa mas malawak na pandaigdigang kaayusan, ayon sa bagong inilabas na 2025 defense white paper ng Japan.

Binanggit sa dokumento, na inilathala noong Hulyo 15, ang unang nakumpirmang pagpasok ng eroplanong pandigma ng China sa himpapawid ng Japan, kasabay ng pagtindi ng pagpapakita ng lakas militar ng Beijing sa rehiyon.

“Ang agresibong aktibidad ng militar ng China ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa seguridad ng ating bansa,” ayon kay Defense Minister Gen Nakatani sa isang press conference kaugnay ng pag-anunsyo ng dokumento.

Binigyang-diin sa white paper ang ilang mahahalagang insidente na nagiging ugat ng mga alalahanin ng Japan.

Nagmamartsa ang mga miyembro ng JSDF sa Ground Self-Defense Force Camp Asaka noong Nobyembre 9 habang sinusuri ng Punong Ministro ng Japan na si Shigeru Ishiba (wala sa litrato) ang mga sundalo para sa ika-70 anibersaryo ng JSDF. [David Mareuil/Pool/AFP]
Nagmamartsa ang mga miyembro ng JSDF sa Ground Self-Defense Force Camp Asaka noong Nobyembre 9 habang sinusuri ng Punong Ministro ng Japan na si Shigeru Ishiba (wala sa litrato) ang mga sundalo para sa ika-70 anibersaryo ng JSDF. [David Mareuil/Pool/AFP]

Pinakakapansin-pansin sa mga nabanggit ay ang pagpasok noong nakaraang Agosto ng isang eroplanong pangmanman ng militar ng China sa himpapawid ng Japan malapit sa prefecture ng Nagasaki — na siyang unang kumpirmadong paglabag ng ganitong klaseng insidente.

Sa sumunod na buwan, dumaan sa pagitan ng mga isla ng Yonaguni at Iriomote sa Okinawa ang aircraft carrier ng China na Liaoning at dalawa pang barko.

Bukod sa mga insidenteng ito, inilalahad ng dokumento ang patuloy na pattern ng tumitinding aktibidad ng China malapit sa teritoryo ng Japan.

Noong 2023 lamang, namataan ang mga barko ng coast guard ng China malapit sa Senkaku Islands na pinamamahalaan ng Japan (kilala bilang Diaoyu sa China) sa loob ng rekord na 355 araw.

Nagpahayag ng pagkabahala ang white paper tungkol sa nagbabagong papel ng Chinese coast guard. Bilang bahagi ng People's Armed Police, lumalaki ang ahensiya at mas dumarami ang armas, at mas nagiging direktang bahagi ito ng estratehiya ng China sa dagat.

Mga alalahanin ng Taiwan

Umaabot ang mga pangamba ng Japan sa Taiwan Strait, kung saan pinalalakas ng China ang aktibidad ng militar at madalas magsagawa ng mga pagsasanay.

“Sinisikap ng China na gawing normal ang mga aktibidad ng PLA [People’s Liberation Army] sa Taiwan at ituring itong fait accompli (isang tapos na at hindi na mababalikang pangyayari), habang pinahuhusay ang kakayahang pandigma nito,” ayon sa dokumento, na nagbabala ring ang balanse ng militar sa buong Taiwan Strait ay mabilis na nagbabago pabor sa China.

Binigyang-diin ng ulat ang lumalaking pangamba ng Japan sa “gray zone” na estratehiya ng Beijing — mga aksyong militar na hindi direktang digmaan ngunit layuning baguhin ang kasalukuyang kalagayan.

Binanggit nito na “ang pagpigil at paghadlang ng militar ay karaniwang itinuturing na pangunahing opsyon ng China laban sa Taiwan,” at sa posibleng senaryo ng paghadlang, “maaaring gamitin ang Chinese coast guard sa unahan upang magsagawa ng mga gray-zone na operasyon.”

Iniugnay ng white paper ang panggigipit ng militar ng China sa Taiwan sa mas malawak na layuning pampulitika, kabilang ang pagsisikap na ihiwalay ang administrasyon ni Pangulong Lai Ching-te at hadlangan ang lalong pagpapalalim ng ugnayang panseguridad ng Taiwan at United States.

Samantala, pinabibilis ng China ang mga aktibidad at isinusulong ang militarisasyon sa South China Sea batay sa mga pag-aangkin na itinuturing na hindi alinsunod sa pandaigdigang batas sa dagat, ayon sa ulat.

“Ito ay mga unilateral na pagbabago gamit ang puwersa na naglalayong gawing fait accompli, na tinitingnan ng Japan nang may seryosong pag-aalala,” sabi ng ulat, na binibigyang-diin na ang isyung ito ay “isang lehitimong alalahanin … para sa buong pandaigdigang komunidad.”

Pagpapalakas ng depensa

Binigyang-diin pa ng white paper ang magkasanib na pagsasanay militar ng China at Russia at binanggit na ang pagpapadala ng Russia ng mga makabagong sandata sa Far East pati na ang paulit-ulit na pagpasok sa himpapawid ay nagpalakas ng panggigipit sa Japan.

Ipinakikita ng ulat ang lumalakas na ugnayang militar ng Russia at North Korea at ang posibilidad ng paglilipat ng teknolohiya kaugnay ng mga missile.

Nagbabala ang ulat na ang posisyon ng North Korea ay nagdudulot ng “mas mabigat at mas nalalapit na banta” sa pambansang seguridad ng Japan, dahil sa mga pagsulong sa teknolohiyang pang-missile, kabilang na ang hypersonic systems.

Bilang tugon sa lumalalang kalagayang panseguridad, ipinagpapatuloy ng Japan ang pangmatagalang pagpapalawak ng depensa nito.

Itinatala sa white paper ang mga pamumuhunan sa depensang pang-missile, mga sistemang walang tauhan (unmanned systems), at ang bagong tatag na Joint Operations Command upang mapabuti ang koordinasyon.

Ipinakikita nito ang mga pagmomodernisa ng imprastruktura ng mga base at ang kalagayan ng mga tauhan.

Pinalalalim ng Japan ang alyansa nito sa United States sa ilalim ng balangkas ng polisiya ng “Free and Open Indo-Pacific.”

“Ang mga takbo ng polisiya sa seguridad ng United States ay magkakaroon ng malaking epekto sa kalagayang panseguridad ng rehiyong Indo-Pacific,” ayon sa dokumento, na binibigyang pansin ang mga kamakailang diyalogo sa antas ng summit at ministeryal, at binibigyang-diin ang pangangailangan ng masusing pagbabantay sa mga kaganapan.

Bagaman hindi ito isang estratehikong road map, nagsisilbi ang white paper bilang taunang pagsusuri ng Japan sa posisyon nito sa depensa.

Nagbabala ang ulat na ang pandaigdigang kaayusan ay pumapasok sa isang “bagong yugto ng krisis,” kaya’t binibigyang-diin nito ang agarang pangangailangan para sa Japan na higit pang paigtingin ang kakayahan nitong pandepensa at patatagin ang kooperasyon—hindi lamang sa mga kaalyado nito kundi pati na rin sa mas malawak na network ng mga partner upang harapin ang lumalalang mga banta sa rehiyon.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *