Ayon kay Jia Feimao |
Tinapos ng Taiwan ang pinakamalaki nitong Han Kuang military exercises noong Hulyo 18, na nagpapakita ng makabuluhang pagbabago sa estratehiya mula sa tradisyonal na depensa sa dalampasigan tungo sa mas makatotohanang labanan sa lungsod. Kapansin-pansin dito ang pagsasama ng militar at sibilyan.
Ang sampung araw ng pagsasanay ay nagpakilos ng halos 22,000 na mga reservist para sa mga labanan sa lungsod na nagpapakita ng layunin ng Taiwan na bumuo, hindi lamang ng isang pagtugong militar, kundi pati na rin ng matatag na depensang sibilyan na kakayanin ang isang matagal na labanan sa mga lungsod.
Sa mga simulated na pagsalakay, nakilahok ang mga sibilyan, kasama ng mga sundalo, sa mga pagsasanay upang mapanatiling bukas ang mga rutang logistik at matiyak na makapagbibigay pa rin ng mahahalagang serbisyo ang pamahalaan.
Ang mga pagsasanay ngayong taon ay nakatuon sa pagkontra sa mga "gray-zone" na taktika, at sa paghahanda para sa matagalang labanan sa mga lungsod sakaling may maganap na paglapag ng People’s Liberation Army (PLA) ng China.

![Ang mga special forces, na may dalang mga man-portable na Stinger missile, ay nagsagawa ng mga pagsasanay sa paghadlang ng mga katunggali sa himpapawid bilang bahagi ng 'deep defense' live-fire drill ng Han Kuang exercises. [Ministry of National Defense ng Taiwan]](/gc9/images/2025/07/28/51309-stinger-370_237.webp)
![Isang nagbibisikletang lalaki ang dumaan sa tabi ng isang Humvee na may nakakabit na tube-launched, optically tracked, wire-guided (TOW) missile. Ang Humvee ay bahagi ng taunang Han Kuang military exercises sa New Taipei noong Hulyo 15. [Cheng Yu-chen/AFP]](/gc9/images/2025/07/28/51308-afp__20250715__66r93pf__v1__highres__taiwanchinadefencedrills-370_237.webp)
Ang gray zone ay tumutukoy sa mga taktika ng mga Chinese na bagama’t hindi pa aktuwal na pakikidigma, ay dinisenyo upang maubusan ng lakas ang mga puwersa ng Taiwan na kailangang tumugon.
Sa unang pagkakataon, ginamit ng militar ng Taiwan ang subway system ng Taipei para sa underground redeployment.
Upang gayahin ang mga labanan sa gitna ng mga pag-atake ng missile, ang mga pulis-militar ay nagsasanay sa loob ng subway, nagsasagawa ng depensa sa himpapawid at ng mga maniobra upang kontrahin ang pagsalakay gamit ang mga riple, mga Red Arrow rocket, at mga Stinger missile.
Kasabay nito, ginamit ng mga logistics team ang mga engineering flatcar upang maghatid ng mga bala at supplies.
Ngayon din lang gagamitin ang subway infrastructure ng mga sibilyan upang mabawasan ang pagkalantad sa panganib mula sa himpapawid sa masisikip at mataong lungsod sa isla.
Bahagi rin ng senaryo ng labanan sa lungsod ang pagsasanay ng mga puwersa sa pagsasara ng Wanban Bridge — isang mahalagang chokepoint na sampung minutong biyahe lang mula sa tanggapan ng pangulo. Naglagay ang pulis-militar ng mga patung-patong na depensa na sinuportahan ng armored vehicle na CM-34, o ang kilala sa tawag na "Clouded Leopard."
Sa pamamagitan ng patung-patong na depensa sa mahalagang daluyan ng lungsod na ito, layunin ng pagsasanay na maantala, mabuwag, at sa kahuli-hulihan ay maitaboy ang mga puwersang sumasalakay bago pa man sila maging banta sa pamahalaan at imprastruktura ng Taiwan.
Isinama sa mga pagsasanay ang ilang mga sistemang galing sa United States tulad ng mga tangke ng M1A2T Abrams, High Mobility Artillery Rocket Systems (HIMARS), at mga Patriot air defense missile.
Sa Taichung, nagsagawa ng mga simulated strike ang mga yunit ng HIMARS laban sa mga sumasalakay mula sa kabila ng Taiwan Strait, habang ang mga Patriot system naman ay ipinuwesto malapit sa Taipei upang protektahan ang mahahalagang imprastruktura mula sa mga bantang galing sa himpapawid, at sa mga missile.
Makatotohanang pagsasanay
Inilarawan ni Jieh Chung, isang research fellow ng Association of Strategic Foresight, ang Han Kuang exercises ng 2025 bilang “pinakamakatotohanan sa lahat ng isinagawa.”
Ang pagsasagawa ng mga live drill sa aktuwal na mga lungsod ay nagbigay-daan sa mga puwersang sandatahan na matukoy ang mga kahinaan nila sa operasyon at sanayin ang kanilang mga tauhan para sa mas malawak na tungkulin sa panahon ng digmaan, sabi niya sa Focus.
Nalantad sa mga pagsasanay ang mga pangamba na ang mga drill ng PLA ay maaaring mabilis na humantong sa isang tunay na sagupaan, ayon sa kanya, habang idinidiin ang kahalagahan na muling suriin ang mga alituntunin sa pakikipaglaban at magkaroon ng mga alternatibong plano upang matiyak ang kahandaan sa legal at operasyonal na aspeto.
Mas naging kapansin-pansin ang paglahok ng United States kumpara noong nakaraang taon. Hindi lamang nagmasid ang mga tagapayo mula sa US, nagbigay rin sila ng hands-on instruction sa mga reservist na Taiwanese tungkol sa mga protocol ng militar ng US.
Ayon sa ibinahagi ng isang reservist sa social media, "Hindi na ito pormalidad lamang, ito’y isang pagsasanay na mistulang isang tunay na labanan," ulat ng The Liberty Times noong Hulyo 19.
Sa isang pahayag sa Focus, sinabi ni Lin Ying-yu, isang associate professor sa Graduate Institute of International Affairs and Strategic Studies ng Tamkang University, na ang mga pamumuhunan para sa katatagan ng lungsod, na ngayo’y karaniwan nang makikita sa mga framework ng depensa ng NATO, ay dapat ituring na bahagi ng pambansang depensa.
Ang layunin ay matiyak na ang mga imprastruktura at mga serbisyong pang-emergency ay mananatiling gumagana kahit na patuloy ang mga pagsalakay.
Sinabi ni Defense Minister Wellington Koo noong Hulyo 18 na pinalakas ng mga pagsasanay ang kakayahan ng Taiwan na harapin ang mga banta sa "gray zone" at nasubok ang kanilang mga armas sa likod ng depensa.
Ayon kay Koo, ang mga pagsasanay na isinasagawa sa makatotohanan at kumplikadong kapaligiran ng lungsod ay likas na nagdadala ng mas mataas na panganib ng mga aksidente.
Ilang insidente ang naganap sa mga mataong lugar ng Taiwan habang isinasagawa ang mga pagsasanay, kabilang rito ang pagbaliktad ng mga armored vehicle at ang mga banggaan ng mga sasakyan ng militar at mga sibilyan.
Ayon sa isang banyagang tagapagmasid ng militar na nakausap ng Financial Times noong Hulyo 14, inilantad ng mga aksidenteng ito ang mga hamon at ang mga maaaring kalamangan sa pakikidigma sa mga lungsod ng Taiwan.
“Sadyang magiging bangungot ito para sa sinumang mananakop,” ayon sa tagapagmasid. “Talagang napakadaling depensahan ng lugar, ngunit magagawa n’yo lang iyon kung kabisado n’yo na ang ganitong parang maze.”
Pagpapaunlad sa kahandaan ng publiko
Mariing kinondena ng China ang mga Han Kuang exercise at ang pagtatalaga ng mga HIMARS na mula sa US.
Noong Hulyo 9, muling iginiit ni Mao Ning, tagapagsalita ng Foreign Ministry ng China, ang "palagian" at "mariing" pagtutol ng Beijing sa ugnayang militar ng US at Taiwan, kasabay ng babala na hindi magtatagumpay ang Taiwan sa kanilang mga pagtatangkang magtamo ng kasarinlan.
Sinabi ng tagapagsalita ng Defense Ministry na si Jiang Bin noong Hulyo 14 na “ang pagtutol sa muling pagkakaisa gamit ang dahas ay isang landas na walang patutunguhan.”
Habang isinasagawa ang Han Kuang, naglunsad naman ang PLA Eastern Theatre Command ng magkakasabay na mga militar na pagsasanay. Kabilang rito ang electronic warfare, mga operasyong pandagat, at pinagsamang pagpapatrolya ng himpapawid at karagatan, ayon sa South China Morning Post.
Tumawid ang mga sasakyang panghimpapawid ng PLA sa gitnang linya ng Taiwan Strait at pumasok sa mga air defense identification zone ng Taiwan mula sa iba't ibang direksyon. Bagama’t hindi inilabas ng Beijing ang mga eksaktong petsa ng mga pagsasanay, ang mga pagmamaniobrang ito ay halos kasabay ng Han Kuang.
Ang pagpapalawak ng pinagtutuunan ng Han Kuang 2025 sa mga labanan sa lungsod at koordinasyon ng mga sibilyan ay nagpapahiwatig ng mas malaking pagbabago sa estratehiya para sa pambansang depensa ng Taiwan.
Gaya ng isinulat ni Lin ng Tamkang University sa The Diplomat noong Hulyo 25, ang pagpapaunlad sa kahandaan ng publiko ay mahalaga ngayon.
“Wala nang malinaw na pagkakaiba ang mga nasa unahan at nasa likuran ng isang labanan sa Taiwan Strait,” ayon sa kanya.