Kakayahan

Australia inilunsad ang Ghost Shark drones para palakasin ang kalamangan sa hukbong-dagat

Sinabi ng mga opisyal ng depensa na ang autonomous fleet ay magbibigay sa Australia ng mas malawak na saklaw, higit na kakayahang magkubli at mas matibay na panangga sa pinagtatalunang karagatan.

Si Richard Marles (kaliwa), ministro ng depensa ng Australia, at si Pat Conroy, ministro para sa industriya ng depensa, ay nagsusuri ng isang Ghost Shark underwater drone sa isang naval base sa Sydney, Australia noong Setyembre 10. [Australian Defense Force]
Si Richard Marles (kaliwa), ministro ng depensa ng Australia, at si Pat Conroy, ministro para sa industriya ng depensa, ay nagsusuri ng isang Ghost Shark underwater drone sa isang naval base sa Sydney, Australia noong Setyembre 10. [Australian Defense Force]

Ayon sa Focus at AFP |

Magpapakalat ang Australia ng bagong fleet ng mga autonomous underwater drone na kilala bilang "Ghost Sharks" upang palakasin ang kakayahan ng hukbong dagat at hadlangan ang mga posibleng banta sa Indo-Pacific.

Inanunsyo ng pamahalaan noong Setyembre 10 na lumagda ito ng kontratang nagkakahalaga ng 1.7 bilyong AUD ($1.1 bilyon) sa Anduril Australia upang magdisenyo, magtayo at magpanatili ng mga extra-large na walang tauhang sasakyang pandagat. Dose-dosenang yunit ang nakaplano, at ang unang set ay nakatakdang pumasok ng serbisyo sa Enero.

Inilarawan ni Defense Minister Richard Marles ang programa bilang isang makabuluhang hakbang sa muling paghubog ng postura ng militar ng bansa. “Ito ang pinakamataas na kakayahan sa teknolohiya sa buong mundo,” aniya, at idinagdag na ang mga drone ay magkakaroon ng stealth design, napakahabang saklaw, at kakayahang magsagawa ng mga misyon para sa intelligence, surveillance, reconnaissance, at strike. “Nangunguna ang Australia sa buong mundo pagdating sa autonomous underwater military capabilities.”

Ang inisyatiba ay bunga ng lumalalang kalagayan sa seguridad, ayon kay Marles.

Isang Mogami-class frigate mula sa kumpanyang Japanese na Mitsubishi. Bibili ang Australia ng 11 na ganitong stealth frigate upang i-modernize ang kanilang hukbong-dagat. [Pamahalaan ng Australia]
Isang Mogami-class frigate mula sa kumpanyang Japanese na Mitsubishi. Bibili ang Australia ng 11 na ganitong stealth frigate upang i-modernize ang kanilang hukbong-dagat. [Pamahalaan ng Australia]

" Ang Australia ay kinakaharap ng pinakamasalimuot, at sa ilang aspeto, pinakanagbabantang estratehikong kalagayan mula pa noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig,” sinabi niya sa mga mamamahayag.

“Lahat ng aming ginagawa sa pagbuo ng mas may kakayahang Sandatahang Lakas ay upang hadlangan ang sigalot at tiyakin ang kapayapaan at katatagan ng rehiyong ating tinitirhan,” dagdag pa niya.

Mga drone bilang dagdag sa nuclear subs

Inaasahang susuportahan ng mga bagong undersea drone ang mga nuclear-powered submarine ng Australia sa hinaharap, na binibili sa ilalim ng trilateral na kasunduang pangseguridad na AUKUS kasama ang United States at ang United Kingdom.

Binigyang-diin ni Marles na ang Ghost Shark ay hindi papalit sa mga nasabing sasakyang pandagat kundi magiging katuwang ng mga ito sa operasyon, ayon sa ulat ng Australian Broadcasting Corporation (ABC).

“Gumagana din ito kasabay ng aming surface fleet, at malinaw na sa hinaharap ay kailangang magkaroon ang mga bansa ng autonomous na kakayahang militar at iyon ang kinakatawan ng Ghost Shark,” aniya.

Hindi matatanggap ng Australia ang kauna-unahang nuclear-powered submarine nito sa ilalim ng AUKUS hanggang 2032. Sinabi ni Marles na tiwala siya na ang kombinasyon ng mga drone at submarine ay magbibigay ng isang “napakahalagang kakayahan.” Sinabi naman ni Navy Chief Vice Adm. Mark Hammond sa ABC na titiyakin ng Ghost Shark na mapanatili ng Australia at ng mga kaalyado nito ang “kalamangan sa kakayahan” sa ilalim ng dagat, kahit na maglunsad ng mga makabagong sistema ang China at iba pa.

Isinasagawa ang programa bilang bahagi ng limang taong plano. Ang US defense firm na Anduril, na may operasyon na sa Australia, ang mangangasiwa sa produksyon, pagpapanatili, at patuloy na pag-unlad.

Chinese namumuhunan sa mga underwater drone

Ilan sa mga bansa, kabilang ang China ay namumuhunan nang malaki sa mga walang tauhang sasakyang pandagat, iniulat ng Economic Times nitong Setyembre.

Noong unang bahagi ng buwang ito, ipinakita ng Beijing ang mga bagong extra-large na undersea drones sa isang parada militar , na inilarawan ng Naval News na may habang 18 hanggang 20 metro at pinapagana ng pump-jet propulsion, na may pagkakahawig sa Poseidon nuclear torpedo ng Russia. Bagaman nagbabala ang mga analyst laban sa direktang paghahambing, itinatampok ng lumalawak na paggamit ng ganitong teknolohiya ang pagbabago sa larangan ng digmaang pandagat.

Kung ang mga drone na tulad nito ay magagawa nang malawakan at mapatutunayang maaasahan sa labanan, maaari itong magdulot ng seryosong hamon sa mga hukbong-dagat ng kalaban na nag-ooperate sa mga pinagtatalunang karagatan, sinabi ng mga defense analyst sa pahayagan.

“Sa pagde-deploy ng Ghost Shark, layunin ng Australia na mailagay ang sarili sa unahan ng makabagong digmaang pandagat gamit ang mga undersea drone, habang pinapalakas ang kakayahang humadlang sa banta at maging mas flexible sa operasyon sa Indo-Pacific,” iniulat ng Economic Times.

Ang pagpapakilala ng Ghost Shark ay bahagi ng mas malawak na modernisasyon ng puwersang pandagat ng Australia. Inanunsyo ng pamahalaan ng Australia noong Agosto ang kasunduang nagkakahalaga ng $6 bilyon sa kumpanyang Japanese na Mitsubishi para sa pagbili ng 11 Mogami-class stealth frigates, na ang una ay inaasahang magsisimula sa serbisyo pagsapit ng 2030.

Ito ang isa sa pinakamalalaking kontrata sa defense export ng Japan mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Papalitan ng mga bagong barko ang tumatandang Anzac-class fleet ng Australia.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *